Chapter Twenty-Six

2.8K 86 0
                                    

PIGIL ni Resen ang hininga nang sumandal sa kanya si Winston. Amoy na amoy niya ang alak mula sa hininga ng binata. Malapit kasi ang mukha nito sa mukha niya na para bang gusto siyang halikan. Gano'n na lamang ang pagpipigil niya para tumayo at tumakbo palabas ng apartment ng binata.

Alam niyang hindi siya dapat sumama kay Winston, pero kailangan niya 'yong gawin para sa plano niya.

Hindi naman siya nakipagbalikan kay Winston. Sumama lang siya dito para "pag-usapan ang tungkol sa relasyon" nila para makuha niya ang ebidensiyang magpapatunay sa ka-inosentehan ni Snicker. Alam niyang delikado ang ginagawa niya, pero wala siyang hindi gagawin para masigurong wala nang sisira uli sa buhay ni Snicker.

Huminto na ng dalawang taon noon sa pag-aaral si Snicker dahil sa kontrobersiyang dinulot ng pagkakakulong ng ama nito. Hindi siya papayag na mahinto na naman ito sa pag-aaral kung wala naman talaga itong nagawang kasalanan.

"Resen," bulong ni Winston sa tapat ng tainga niya na marahan nitong inipit sa pagitan ng mga labi, pagkatapos ay bumaba ang isa nitong kamay sa baywang niya. "I want you..."

Napalunok si Resen. Kinikilabutan na siya sa ginagawa ni Winston pero hindi pa ito nagsasalita kaya hindi pa siya puwedeng umalis. Iyon na ang huli niyang pagkakataon dahil bukas, ilalabas na ang desisyon kung sisipain ba si Snicker sa university o hindi.

Bago sila nagpunta ni Winston sa apartment nito ay bumili siya ng mga alak. Balak kasi niyang lasingin ito nang mapagsalita niya. Pero kahit halatang lasing na ang binata, hindi pa rin niya ito mapagsalita. Kailangan niyang subukan uli bago pa may mangyaring masama sa kanya.

Pilit na ngumiti si Resen at pinuwersa niya rin ang sariling hawakan ang pisngi ni Winston. "Winston, may nakapagsabi sa'kin na may nakakita raw sa'yo sa bar. Bakit hindi mo sinabi sa'kin na nagpupunta ka pala sa mga gano'ng klase ng lugar?"

Ngumisi si Winston. "Marami kang hindi alam tungkol sa'kin, Resen." Ipinaikot-ikot nito ang daliri sa buhok niya. "Hindi ako nag-abalang ipakilala sa'yo ang tunay na ako. Because I thought you were a boring girl then. To be honest, I really didn't like you that much then. Maganda ka, oo. Pero masyado kang mabait. Boring."

Napangiwi si Resen. Okay, lasing na nga si Winston. "Kung hindi mo pala talaga ako type noon, bakit mo pa ko niligawan?"

"Because Snicker likes you so much. Naisip ko na kung makukuha kita, masasaktan ko siya."

Kumunot ang noo ni Resen dahil sa hinanakit na nahimigan niya sa boses ni Winston. "Bakit mo naman gustong saktan si Snicker?"

"Dahil gusto kong makapaghiganti sa tatay niya sa pamamagitan ng pananakit sa kanya. Pakiramdam ko kasi, kapag nasaktan ko siya, parang nakaganti na rin ako sa tatay niya."

Kinabahan si Resen dahil sa pait ng boses ni Winston. "Bakit mo naman gustong gantihan ang daddy ni Snicker?"

Dumaan ang sakit at lungkot sa mga mata ni Winston. "I was in love with the girl his father rape. We went to the same school. She was only a few years older than I am. She was beautiful. Imagine my pain when that news came. I was just a boy then. To hear that my first love was violated... I was shattered. Lalo na nang nalaman kong nangibang-bansa na ang pamilya niya para siguro makaiwas sa kontrobersiya."

Natahimik si Resen. Hindi niya alam 'yon.

Pumikit si Winston, pinipisil ang pagitan ng mga mata. "Kahit ilang taon na ang lumipas, kahit alam kong wala na ang feelings ko para sa babaeng ito, nagagalit pa rin ako kapag naaalala ko ang nangyari sa kanya. Si Snicker ang ginagamit kong outlet para ilabas ang galit ko. Kaya siya ang parati kong pinagdidiskitahan. Inalila ko siya noon, inagaw kita sa kanya, at ngayon nga, malapit ko na siyang mapaalis sa university."

Biglang naalerto si Resen. Iyon ang hinihintay niyang pagkakataon. Pasimple niyang hinawakan mula sa loob ng handbag niya ang phone niya at tinawagan ang mga "kasabwat" niya. Para makasigurado, in-on na rin niya ang baon niyang recorder. "What do you mean na malapit mo na siyang mapaalis sa university?"

Ngumisi si Winston pero hindi nagmulat ng mga mata. "It was a fun night, the night Snicker was jailed. Ng gabing iyon, nasa isang bar ako kasama ang mga kaibigan ko. I was so drunk I started to wreck havoc. Para sindakin ang mga nakaaway ko mula sa ibang university, sinabi kong ako si Snicker Lagdameo, ang bad boy ng school natin. Pero kung wala ang totoong Snicker do'n, walang masisisi sa nangyari. Ayokong malaman ng ibang tao ang ginawa ko dahil siguradong malalagot ako kina Mommy at Daddy. Doon ko naisip na paglaruan uli si Snicker.

"Kaya tinawagan ko si Snicker at pinapunta sa bar. Then we called the police. Binugbog namin siya ng mga kasamahan ko para pagdating ng mga pulis, si Snicker ang madampot nila. Kapag nakita ng mga pulis na bugbog-sarado siya, hindi na magdududa ang mga ito na si Snicker nga ang nagsimula ng gulo.

"Epektibo naman dahil lahat ng nadampot ng mga pulis, si "Snicker Lagdameo" ang tinuro na nagsimula ng away. Eh lasing na rin ang mga 'yon at madilim sa bar kaya siguro hindi napansin na ibang mukha na ang kasama nila sa presinto."

Naikuyom ni Resen ang mga kamay nang tumawa pa si Winston. "You mean to say, inosente si Snicker? Ha, Winston Dimaguiba?"

"Oo, inosente si Snicker. Ako ang nagsimula ng gulo sa bar at hindi siya..." Biglang nagmulat ng mga mata si Winston. Halatang naging alerto ito at tila nawala ang kalasingan. Binigyan siya nito ng nagdududang tingin. "Bakit mo ba tinatanong ang lahat ng ito, Resen? Akala ko ba, pag-uusapan natin ang tungkol sa relasyon natin?"

Nakuha na ni Resen ang kailangan niyang ebidensiya kaya tumayo na siya. "Kailangan ko nang umalis, Winston. Sa ibang araw na lang tayo mag-usap."

Tumayo si Winston at nakangising hinawakan ang braso niya. "Hindi, Resen. Hindi ka aalis."

Kinabahan si Resen. Tinangka niyang bawiin ang kamay niya pero hindi siya binitawan ni Snicker. "Bitawan mo nga ako!"

"No!"

Nakaramdam ng takot si Resen. Isang tao lang ang agad pumasok sa isip niya. "Snicker!"

Biglang bumukas ang pinto ng apartment at pumasok ang galit na galit na si Snicker. Hinila nito ang kamay ni Winston para bitawan siya. Pagkatapos ay sinuntok sa mukha si Winston dahilan para tumumba sa sahig ang binata, duguan ang bibig.

Pumasok na rin sina Lawrence at ang iba pang mga lalaking kaibigan ni Snicker na hinawakan si Winston para hindi makakilos.

"Are you okay, baby?" nag-aalalang tanong ni Snicker.

Bago pa makalapit kay Resen si Snicker ay nanghina na ang mga tuhod niya. Napaluhod siya sa sahig. Nakahinga siya ng maluwag. "Tapos na..."

Lumuhod si Snicker sa tabi niya at niyakap siya. "Yes, baby. Tapos na."

Stuck In The Friendzone (Published, 2015)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon