GENERAL
"Bakit ngayon mo lang sinabi sa amin ito?!" bulyaw ni Lola Flora.
Nakayuko na ngayon si Ella at ang dalawa niyang kamay ay magkahawak nang mahigpit habang nakapatong sa kanyang mga hita. Ang isa sa mga braso ni Cardo ay nakaakbay sa kanya at ang isa nama'y nakahawak sa kanyang kaliwang braso.
"La... n-naghahanap lang kasi kami ng tamang tiyempo," mahinang sagot ni Cardo.
"Tiyempo?! Wala ng tamang tiyempo para sabihin ito sa akin dahil ang impormasyong ito ay kailanman hindi magiging tama!" bulyaw ni Lola Flora.
Dahil sa tumataas na ang boses ni Lola Flora, nagsilabasan na sina Onyok at Makmak mula sa kanilang mga kwarto upang silipin kung ano na ang nangyayari sa salas. Sina Yoli at Elmo naman ay napakaripas papuntang salas mula sa kusina.
"Lola Flora... ano pong nangyayari?" tanong ni Yoli nang makarating sila ni Elmo sa salas.
Hindi maiangat ni Ella ang kanyang paningin sa mga taong akala niya'y tatanggapin siya. Lalong humigpit ang hawak ni Cardo sa kanya ngunit hindi nito naibsan ang sakit at kahihiyan na kanyang nararamdaman.
"La, teka naman. Huminahon ka. Pakinggan mo ako," sambit ni Cardo sa kanyang lola. Bakas na bakas pa rin sa pagmumukha ni Lola Flora ang kanyang panggigilaiti ngunit pinili niyang pakinggan ang sasabihin ng kanyang apo. "Limang taon na ang nakalipas magmula no'ng magawa ni Ella ang bagay na 'yan. Pinagbayaran na niya sa loob ng kulungan 'yong krimeng nagawa niya, La at ako mismo ang nakakita sa pagbabagong pinagdaanan niya."
"Hindi iyon sapat na dahilan para idikta mo sa'kin na matatanggap ko ang babaeng 'yan, Cardo!" pagtaas muli ng boses ni Lola Flora.
Padabog at malakas niyang inilapag sa center table ang police record na hawak niya sabay tayo.
"Isang dating kriminal?! Isang maruming babae?! Paano mo nagawang mahalin ang isang taong hindi malinis?" tanong ni Lola Flora habang dinuduro-duro si Ella.
Tumataas-baba na ang mga balikat ni Ella dahil sa kanyang pag-iyak. Hindi siya makapagsalita. Hindi niya magawang ipagtanggol ang kanyang sarili.
Bumitaw si Cardo sa mga hawak niya kay Ella at napatayo na. Sina Yoli at Elmo naman ay lumapit kay Lola Flora upang ipahinahon ito habang sina Onyok at Makmak naman ay hindi makapaniwala sa kanilang naririnig at nakikita. Sila'y nakadungaw lamang sa maliit na pagbukas ng pinto ng kwarto ni Makmak.
"La, sobra naman 'yong pananalita mo!" sambit ni Cardo kay Lola Flora nang hindi na niya mapigilan ang kanyang sarili.
"Anong sobra?! Ikaw! Ikaw ang sumusobra!" panenermon ni Lola Flora at dinuro-duro pa si Cardo.
Hinawakan naman ni Ella ang kamay ni Cardo at nagmamakaawang bumulong dito, "Cardo, tama na. 'Wag na."
"Nang dahil diyan sa maruming babaeng 'yan, nagagawa mo na akong bastusin at sagutin! Hindi ka kailanman naging ganito sa akin, Cardo!" sigaw ni Lola Flora.
"Lola, huminahon ho kayo," nag-aalalang sambit ni Yoli habang inaalalayan si Lola Flora. Ibinalin niya ang kanyang tingin kay Cardo. "Cardo! 'Wag mo naman sigawan ang lola mo."
Hindi naman makapagsalita si Cardo habang nakatingin pa rin kay Lola Flora na ngayo'y nakatingin kay Ella.
"Hinding-hindi ko matatanggap sa pamilya natin ang babaeng 'yan," madiing sambit ni Lola Flora.
BINABASA MO ANG
In The Rain | ViCo
FanfictionSa ulan, sila'y nagkita. Sa ulan, sila'y nagkakilala. Sa ulan... sila'y magtatapos? Sa larangan ng pagtanggap at pagmamahal, kaya bang tabunan ng magandang kasalukuyan ang nakaraang kinamumuhian? Hanggang saan mo kayang lumaban para matanggap ka ng...