No. 15

1K 7 2
                                    

"Binibini, tumatanggap ka pa ba ng tula?"
-Jerome Lois Esguerra

Binibini, tumatanggap ka pa ba ng tula?
Tinatablan ka pa ba ng matatamis na salita?
Nasubukan mo na bang mahulog sa isang makata?
Tatlong katanungan ang inihain ko
Tatlong katanungang umaasang sagutin mo'y oo
At 'wag sanang umiling ang iyong ulo

Binibini, nakakakilala ka pa ba ng tugma?
Yung may magkakaparehong tunog na salita
Nakakakilala ka pa ba ng linya?
Linyang may pinagsamasamang salita?
Nakakakilala ka pa ba ng saknong?
Saknong na may pinagsama samang linya upang magdugtong?
O mas mabuting tanungin ko sa'yo sinta
Binibini, nakakakilala ka pa ba ng tula?

Marahil hindi na
Dahil sinanay ka ng ibang Adan
Na tumanggap ng bulaklak kaysa
tulang pinag isipan
Mas sinanay ka ng ibang lalaki
Na tumanggap ng tsokolate kaysa tulang may nais ipasabi
Mas sinanay ka ng ibang kalalakihan na tumanggap ng stuffed toy na naglalakihan kaysa tulang may pagmamahal na nilalaman.

Naiintindihan ko, kung bakit hindi na nakakakilala ng tula yang puso mo
Kaya heto't nagsulat ako
Ng tulang magsisilbing susi sa kandado
Upang buksan ang puso mong sarado
Ikaw na sana ang magsilbing hurado
Kung nararapat nga bang tanggapin ang tulang isinulat ko
Inaamin ko, ang tula ko ay hindi nagtataglay ng mamahaling presyo
Ngunit kapag ito'y natanggap at nabasa mo
Panigurado, mararamdaman mong isa ka sa pinaka espesyal na tao

Umaasa ako, na tatanggapin mo ang mga tulang isusulat ko
Dahil sinasabi ko sa'yo
Wala akong pambili ng mga kahit na anong galing sa mga naging dati mong nobyo
Ang tanging meron lang ako
Ay ang pagiging makata ko
At pagmamahal na tanging para lamang saiyo
Kaya sana binibining nagbabasa nito
Sana ay malaman mo
Handa akong mag alay ng libo libong salita
Kahit sandamakmak pa na tugma
Maubusan man ako ng tinta
Basta't marinig ko lang saiyo ang kataga
Na oo, ginoo tumatanggap pa'ko ng tula
Ay magiging masaya na ang katulad kong makata.

Spoken Word Poetry - FilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon