KABANATA 1: Huli

7K 241 19
                                    

UNANG
KABANATA

Huli

Hawak ang kanyang makapangyarihang pana, inasinta ni Artemis ang isang usang nanginginain ng damo ilang kilometro ang layo sa kanya. Nakapwesto na ang kanyang palaso.

Kumunot ang kanyang noo. Pinanood niya ang paglipad ng kanyang palaso nang aksidente niyang mabitawan ito. Huminga siya nang malalim nang ang matamaan niya ay ang malaking puno sa gilid ng usa. Nakakunot pa rin ang noong nilingon niya ang may kasalanan kung bakit niya hindi natamaan ang kawawang hayop.

"Ano bang problema mo?" Masama ang tingin niyang tanong sa kanyang kakambal na si Apollo.

Maliwanag ang gabi dahil sa bilog na bilog na buwan sa kanilang itaas, ngunit ang mismong presensya lamang ng diyoso ng Araw ay nakakasilaw na para kay Artemis.

Hinarap niya ito. Kapwa wala silang sa saplot dahil ganoon ang kanilang itsura kapag bumababa sa lupa. Kung minsan ay naiisipan nilang magsuot ng kanilang kasuotan na mahabang puting bestida, ngunit mas komportable sila nang ganito kapag nasa lupa.

"Kailangan mong tumakas," iyon ang sambit nito na lalong nakapagpasama ng kanyang tingin dito. Minsan talaga hindi nagtutugma ang iniisip ng kambal. "Seryoso ako, Artemis. Galit na galit si Ama dahil sa ginawa niyo ni Selene."

"Ginawa namin ni Selene?" Tumaas ang kanyang kilay. "Ipapaalala ko lang sa'yo, Apollo. Hindi kami magkasundo ng babaeng iyon. Kaya bakit naman magkakaroon ng isang bagay na ginawa naming dalawa? Nahihibang ka yata."

"Idinawit ka ni Selene. Sinabi niyang tinulungan mo siya upang ipares ang kalahating lobo na si Ryker Oswald sa ipinadalang fallen angel ni Ama."

"At bakit ko naman gagawin 'yun?" Nakakunot ang noong tanong niya. "Ni hindi ko siya pinakikialamanan sa bwisit na pagpapares niya sa kanyang mga nilalang."

"Pero tumutulong ka sa lahat ng kapanganakan." Nagtiim ang bagang ni Artemis sa sinabi ng kakambal niya. "Kahit noong iniligtas ang kalahating lobo na iyon sa sinapupunan ng ina niyang dating fallen angel ay tumulong ka nang tawagin ka nila. Inilipat mo siya sa sinapupunan ng isang bampira."

"Anong gusto nila? Hayaan kong mamatay na lang ang bata?" Hindi makapaniwalang singhal niya. Binitawan niya ang kanyang pana na bago pa man mahulog sa lupa ay naglaho na. Tumalikod siya at sa unang hakbang pa lamang ay napunta na siya sa Itaas. Nakasuot na siya ng mahabang bestidang puti. Nakasunod naman si Apollo sa kanyang likuran na nakadamit na rin. "Nakakabwisit sila."

"Kaya nga kailangan mong tumakas."

Tumigil siya sa paglalakad. Nasa isang mahabang pasilyo siya na napapalibutan ng puti at ginto. Ito ang pasilyo papunta sa kanilang mga silid.

Hinarap niya ang kanyang kakambal. "Bakit ako tatakas? Mga may kasalanan lang ang tumatakas. Wala akong kasalanan."

"Alam ko. Pero, Artemis, galit na galit pa si Ama. Pansamantala ka munang umalis. Kapag humupa na ang galit niya ay saka ka na lamang bumalik."

"Bakit ako makikinig sa'yo?"

"Ako ang kakambal mo."

"Hindi sapat na dahilan," sabi niya at bumalik na sa paglalakad papunta sa kanyang kwarto.

Malapit na siya sa kanyang kwarto nang biglang kumulog nang malakas. Isang kidlat ang dumaan. Sa isang iglap ay nasa harapan na nila si Zeus. Galit na galit ito at namumula na. Samantala, nasa likuran nito si Selene na nakayuko. Nang mag-angat ito ng tingin ay malademonyo namang ngumisi kay Artemis. Tumaas ang kilay ng nahuli.

"Hindi!" Agad na sigaw ni Apollo nang lalapitan na sana ni Zeus si Artemis. Pumagitna siya sa mga ito. Pursigido ang mukha. "Ama, makinig muna kayo."

ArtemisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon