KABANATA 22: Ilusyon

3K 122 4
                                    

IKADALAWAMPUT-DALAWANG
KABANATA

Ilusyon

Matagal niyang pinag-isipan ang sinabi ni Ares sa kanya. Hindi pa rin siya makapaniwala sa ginawa nito. Kung paano nito naibalik ang mga alaala ni Abiel ay hindi niya alam. Basta ang alam niya, galit sa kanya ang lalaki at hindi niya naman ito masisi.

Madaling araw nang napagpasyahan niyang bumaba sa lupa sa mismong anyo niya. May iilan na agad na magtitinda ang nag-aayos ng kani-kanilang mga pwesto sa oras na iyon. May mga napatingin sa kanya ngunit agad din siyang binaliwala.

Nagpunta siya sa kainan kung nasaan ang kuta ng kilusan. Hindi pa man niya naitutulak ang pintuan ay napaatras na siya nang may lumabas mula roon.

Nanlaki ang mga mata nito nang makita siya at tiningnan siya mula ulo hanggang paa na para bang tinitiyak nitong hindi siya isang multo o ilusyon lamang.

Umatras siya nang isang beses dahil pakiramdam niya ay yayakapin siya nito kapag hindi niya iyon ginawa.

"I-Ikaw nga! Artemis!" Maligayang bati nito sa kanya at marahan na lamang siyang tumango.

"Kamusta?" Mahinang tanong niya.

Luminga sa paligid ang lalaki. Hahawakan nito sana ang kanyang braso ay mabilis niya iyong iniiwas. Namula naman ang mukha ng lalaki sa kahihiyan at nilakihan na lamang pagkakabukas ng pinto.

"P-Pasok tayo."

Iyon ang ginawa nila. Walang tao sa kainan. Ang mga upuang kahoy ay nakapatong pa sa mga lamesa at iilang bumbilya lamang ang nakasindi.

"Artemis!" Bulalas ni Juriel nang makita siyang palapit. Isang beses naman siyang tumango. "Hindi ko akalaing makikita pa kita ulit."

"Ako rin."

"Kamusta ka na?" Naglapag ito ng isang tasa ng kape sa kanyang harapan nang makaupo sila. "Ikaw ang napagbibintangan sa nangyaring pagsabog."

"Paano nangyari iyon?" Ikinunot niya ang kanyang noo.

Nagkibit-balikat ito. "Hindi ako sigurado pero narinig kong sinabi ng dyosang si Selene."

"Selene?"

Umismid ang lalaki. "Hindi mo rin siya kilala, 'di ba? Hindi ko akalaing darating sa puntong maniniwala ang babaeng 'yun sa isang ilusyon. Nabaliw na nga siya. Pero sa totoo lang, pabor sa'min ang kabaliwan niya dahil hindi kami ang naisumbong ng kung sinumang Selene na 'yun."

"Paano mo naman naisip na hindi siya totoo?"

"Bakit? Naniniwala ka sa kanya?" Gulat na tanong ni Juriel bago ito ngumisi. "Gusto mo sigurong patayin ang babaeng 'yun."

Naikuyom niya ang kanyang palad at nanatiling tahimik. Sumimsim sa tasa nito ang pinuno ng kilusan habang mataman namang nanonood sa kanya si Vinto sa gilid ng silid.

Unti-unti, nilingon niya ito. Kita niya ang gulat na rumihistro sa mukha bago nag-iwas ng tingin.

"Saan ka nga pala nagtago?" Naputol ang titig niya at nilingon muli ang lalaking kaharap. "Hinahanap ka ng lahat."

Hindi siya ulit sumagot bagkus ay sumimsim siya sa sariling kape. Kahit pa hindi niya gusto ang mapait nitong lasa ay nabigyan naman siya ng pagkakataong hindi magsalita at makapag-isip.

Pinag-isipan niya na talagang mabuti ang lahat bago siya magpunta doon. Walang mga eksaktong hakbang ngunit malinaw sa kanya ang isang bagay na nais niyang makamtam.

"Anong sunod na plano?" Tanong niya matapos maingay na ibaba ang tasang hawak sa lamesa.

Hindi agad sumagot si Juriel at nagtagal pa ang titig sa kanya. Tila ba tinitimbang kung mapagkakatiwalaan siya. Hindi naman siya nagpakita ng emosyon at sinalubong lamang ang mga mata nito.

ArtemisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon