KABANATA 17: Pagod

2.4K 105 9
                                    

IKALABING-PITONG
KABANATA

Pagod

"Noong nalaman kong bumalik ka na, gusto na talaga kitang makita.." nagpatuloy si Yuen sa litanya nito.

Nasa loob sila ng isang pribadong silid sa isang kainan sa bayan. Marami ang napatingin nang pumasok sila lalo pa at takot ang lahat sa mag-asawang sina Abiel at Yuen. May iilang napanganga sa kagandahan ni Artemis at marami naman ang naawa sa pag-aakalang mapaparasuhan siya ng mga kasama.

Napilitan lang siya. Kung siya ang masusunod ay hindi siya papayag sa pagkain kasama ang dalawa. Ngunit hindi niya nagawang tumanggi sa hindi niya malamang dahilan.

"Babayaran na lang namin ang mga nasira ni Abiel na paninda mo.." Nabalik siya sa realidad nang banggitin nito ang pangalan ng lalaki.

Lumipat ang kanyang tingin sa nasa tapat niyang si Abiel at nasa tabi naman nito. Umawang ang labi niya at handa nang tumanggi. Ngunit bakit siya tatanggi? Ito ang gusto niya. Mabayaran siya.

Kaya naman dahan-dahan na lamang siyang tumango at iniiwas ang tingin sa madidilim na mga mata ng lalaki. Bumaba ang kanyang tingin nang hawakan ni Yuen ang braso nito.

"Pagpasensyahan mo na talaga at mainitin talaga ang ulo nitong si Abiel. Alam mo naman.." Binalingan nito ang binata sabay nguso. "Huwag mo nang uulitin 'yun ha."

Halos mapatayo si Artemis sa kanyang kinauupuan nang magsimulang maghalikan ang dalawa na para bang wala siya doon na nanonood — na nasasaktan.

Kumirot ang kanyang puso at inabot ang isang baso ng tubig. Huminga siya nang malalim at halos magpasalamat nang matapos ang dalawa.

"Nakakahiya.." namumulang bulong ng babae. Pinigilan niyang mapasinghal.

Maya-maya ay dumating na ang mga pagkain nila. Ngunit wala na siyang gana. Pakiramdam niya'y masusuka siya.

"Hindi ka ba kakain muna?" Tanong agad ni Yuen nang tumayo siya.

"Hindi na."

"Hindi . . na naman tayo magkakaproblema 'di ba?" Marahang tanong nito kaya't natigilan siya.

Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin nito o kung iisa lang ba ang ibig sabihin noon. Nagsalubong ang kanilang mga mata.

Tumango siya. "Syempre naman."

Umalis na siya agad sa lugar na iyon. Paulit-ulit na tumakbo sa kanyang isipan ang imahe ng magkadikit na mga labi ng dalawa.

Nanikip ang kanyang dibdib. Nanginig din ang kanyang mga kamay. Ilang beses siyang huminto sa paglakakad upang iwasto ang kanyang sarili ngunit talagang parang pisikal na hinihiwa ang kanyang puso.

Ito na ba ang tinatawag ng mga taong selos?

Hindi niya gusto ang pakiramdam. Oo't ilang beses na siyang nakaramdam ng poot ngunit iba ang selos. Iyong pakiramdam na naiinggit siya — na gusto niyang makuha si Abiel ngunit wala siyang magawa. Iyong tipong gusto niyang gawin ang kung ano mang kayang gawin ni Yuen sa dati niyang Mate.

Nasasaktan siya kahit pa tila wala siyang karapatan.

Nag-angat siya ng tingin sa hawak niyang baril. Mula sa maliit na butas na may salamin ay nakikita niya nang malinaw ang mga tao sa loob ng isang mamahaling kainan. Mayroon iyong bilog-bilog at tuldok kung saan tatama mamaya ang balang pakakawalan ng mahabang baril na hawak niya.

ArtemisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon