KABANATA 20: Pagkamuhi

2.7K 113 12
                                    

IKADALAWAMPUNG
KABANATA

Pagkamuhi

Hindi pa tuluyang sumisikat ang araw nang umagang iyon ay marami na ang gising. Mayroong hindi nakatulog dahil sa paulit-ulit na bangungot at mayroon wala talagang natulugan kagabi. Ganoon pa man, ang lahat ay nagdadalamhati man ay nagpasyang bumangon para sa panibagong araw.

Marami ang naglilinis na ng mga kalsada. May iilan namang nagtutulong-tulong upang kunin ang ilang nga kagamitang maaari pang pakinabangan sa ilalim ng mga abo ng mga bahay at iba pang gusaling nasalanta sa pagsabog.

Samantala, tahimik pa ang ospital. Iilan pa lamang mga pasyente, mga doktor at nars ang gising na. Halos lahat ay nagpapahinga pa sa kani-kanilang mga pwesto.

Masikip ang ospital. Lalong-lalo na sa ikalawang palapag kung saan napunta ang marami sa mga taong nasa laylayan ng lipunan. May iilan rin sa ikatlong palapag. Sa ikaapat naman at pinakamataas na palapag ay naroon ang mga mayayaman o may mga katungkulan.

Naroon sa kanyang kwarto si Yuen. Hanggang ngayon ay gising pa rin siya at hindi man lang dinalaw ng antok kagabi. Nakatagilid siya sa kanyang pagkakahiga habang tulala lamang siya at pinanood ang paghampas ng hangin sa sumasayaw na puting kurtina. Hindi ganoong maliwanag ang buwan ngunit sapat na iyon upang magbigay ng liwanag sa kanyang walang ilaw na silid.

Nagpakawala siya ng isang malalim na hininga. Dama niya ang pagod hindi lamang sa pisikal kundi emosyonal na aspeto.

Nasa ganoong posisyon siya at agad na naputol ang iniisip nang madinig niya ang pagbukas ng pintuan. Nanatili siyang hindi kumikibo at pinakiramdaman ang pumasok.

Hindi iyon nars o doktor. Masyado pang maaga. Hindi rin iyon si Abiel dahil alam niya ang mga yabag ng kanyang Mate.

Naisip niya ang pinakamalalang posibilidad. Nanigas ang kanyang katawan.

"Yuen.."

Halos mapatalon siya sa gulat nang madinig ang boses. Napabalikwas siya ng bangon at nanlalaki ang mga matang hinarap ang tumawag sa kanya.

"A-Anong ginagawa mo dito?" Halos pabulong niyang tanong. Nakapaskil sa kanyang mukha ang pagkabigla at takot.

Hindi nagsalita agad ang dyosa at isinara muna ang pintuan. Kinakabahan si Yuen. Hindi niya alam kung bakit ngunit masyadong seryoso ang mga mata ng kanyang kaharap na para bang maghahatid ito ng napakasamang balita. Sobra-sobra na ang masamang balita sa buhay niya, hindi niya na kakayanin kung may susunod pa.

"Kailangan mo nang umalis," walang pag-aalinlangang anunsyo nito.

Kumunot ang kanyang noo at umayos siya sa pagkakaupo. Hindi niya ito maintindihan.

"Bakit?"

"Hindi na ligtas ang lugar na ito."

"Gustuhin ko mang umalis ay hindi ko pa kaya," pag-amin niya. Nag-iwas siya ng tingin at nabaling iyon sa kanyang mga binting nababalot ng makapal na kumot.

Aabutin pa ng dalawang buwan para tuluyan siyang makabawi. Matagal iyon lalo na't wala pang namumuno sa pamahalaan ngunit kaya naman niyang gumawa ng trabaho kahit nakaratay sa kama ng ospital.

"Masyado pa akong mahina.."

Hindi nagsalita ang dyosa. Nagsimula itong maglakad palapit sa kanya at hindi naman siya gumalaw sa kanyang pwesto.

Ipinatong nito ang kamay sa kanyang paa. Nanlaki ang mga mata niya nang magsimulang umilaw ang palad nito. Umawang ang kanyang mga labi nang tumaas ang liwanag mula sa kanyang paa papunta sa buo niyang katawan.

ArtemisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon