IKASAMPUNG
KABANATAKriminal
Masakit ang katawang nagising si Artemis. Sa kabila noon ay nakapinta na sa kanyang mukha ang matamis na ngiti na lumalaki madalas sa hindi niya malamang dahilan. Sa ilalim ng isang malaking puno siya nagising ㅡ hindi pinakaperpektong lugar para sa isang umaga, pero sapat na iyon.
Bumuntong-hininga siya at mas ibinaon pa ang kanyang mukha sa matigas na dibdib ni Abiel. Nakayakap sila sa isa't isa at walang saplot. Tanging ang makapal lamang na balabal niya ang tumatabon sa kanilang kahubdan. Sa silangan ay malapit nang sumikat ang araw, hudyat na kailangan na naman nilang bumangon at harapin ang bagong araw.
Pagod si Artemis. Gusto niya sanang manatili na lamang silang ganoon ni Abiel. Na nasa tabi ng isa't isa. Ngunit naisip din niyang baka dumating ang mga kapatid niya at bulabugin sila.
Ayaw man niya ay siya na ang naunang bumangon. Iyon nga lamang ay bumagsak siyang muli nang hilahin siya ni Abiel pahiga at mas higpitan pa ang pagkakapulupot ng braso sa kanya.
"Abiel.." malambing na tawag niya dito. Muntik na siyang mapangiwi. Kailan pa naging ganoong kalambing ang boses niya? "Kailangan nating bumangon."
Umungot ang binata at ibinaon ang mukha sa kanyang leeg. Napabuntong-hininga muli siya. Ngayon ngang may Marka na siya ni Abiel ay alam nitong nararamdaman na nito ang lahat ng emosyon niya. Hindi siya nag-aalala. Wala naman kasi siyang planong itago dito.
"Abiel," halos pahingal na sambit niya nang maramdaman niya ang paghalik nito sa kanyang leeg. Kinakagat-kagat pa iyon ng binata at hindi nakatulong na mahahaba ang mga pangil nito.
Parang sinilaban ang buo niyang katawan. Nakaramdam siya agad ng init na parang kagabi niya lang una at paulit-ulit na naramdaman.
Sa huli ay pinagsaluhan muna nila ang isa't isa bago sila sabay na naligo sa ilog. Si Artemis na ang naunang umahon sa kanilang dalawa at nagpunta agad siyang kagubatan upang makakuha ng makakain.
Naalala niya ang mga manok at iba pang binili niya sa bayan. Kumunot ang kanyang noo sa inis. Ngayon nga wala na naman siyang magagamit na pangluto. Ayaw na rin niyang bumalik sa bayan. Ayaw niyang maiwan si Abiel na mag-isa muli.
Doon niya naisip ang isang bagay. Bakit niya naman iiwan si Abiel kung pwede niya naman itong isama?
Pinagbantaan niya na ang mga tao. Kung talagang may utak ang mga ito at ginagamit nila iyon ay hindi sila gagawa ng kahit anong bagay na ikagagalit niya. Isa pa, kailangang mabuhay ni Abiel nang normal.
Alam niyang ipinagkait ang bagay na iyon dito. Hindi siya makapapayag na patuloy na mabuhay ang Mate niya na nagtatago sa liblib ng kagubatan.
"Abiel, halika," tawag niya dito nang makita niyang tapos na itong maligo. Pumitik siya upang masuotan ito ng pantalon at damit. "Huwag mong aalisin!"
Sumimangot agad ang lalaki at sininghalan pa siya. Hindi naman nito inalis ang mga damit kaya lalo siyang napangiti. Ngayon, mas nagkakaintindihan na sila dahil sa Marka.
"Magpupunta tayo sa bayan." Ngumiti siya para ipakitang isang napakagandang ideya noon pero kumunot lamang ang noo nito. "Kailangan kasi nating mamili ng mga kagamitan."
Hindi sigurado si Artemis. Kailangan ba nilang bumili ng kagamitan sa bahay? Ano namang bibilhin niya? Naisip niyang gumawa ng mas malaking bahay para sa kanilang dalawa. Ayaw na niya ng bahay-kubo na ginawa nila ng kanyang Ina na si Leto. Mabilis kasi itong nasira. Kung ganoon ay kakailanganin niya ng semento at bato para sa mas matibay na bahay. Pero sinong gagawa? Siya? Hindi na sapat ang kapangyarihan niya para makagawa ng isang bahay gamit ang mahika. Napaisip siya.

BINABASA MO ANG
Artemis
WerewolfWhen everything got twisted, the best escape was to be born again. Nang magkaroon ng isang malaking away sa pagitan nina Selene at Artemis, ginawa ni Apollo ang lahat upang matulungan ang kanyang kakambal sa maaaring sasapitin nito sa kamay ng kanil...