IKAWALONG
KABANATA
Batas
Ilang araw ang lumipas. Pakiramdam ni Artemis ay nasasanay na siya sa buhay sa lupa. Maaga siyang nagigising araw-araw kasabay si Abiel at sabay silang nanghuhuli ng kanilang makakain. Minsan niyang napilit ang binatang kumain ng prutas.
"Abiel!" Saway niya nang sunod-sunod na pag-iling ang ginawa nito. Ikinunot niya ang kanyang noo upang ipakitang hindi na siya natutuwa. "Kailangan mong kumain bukod sa karne."
Maganda ang pangangatawan ni Artemis. Sa sobrang ganda nga ay naisip niya nang talagang masyadong pinaburan na ni Selene ang binata sa lahat ng aspeto.
"Sige na.." maamong sambit niya at halos matawa siya nang lumingon sa kanya si Abiel. Inosente ang asul na mga mata at bahagyang nakanguso ang mga labi. Ngumiti siya nang marahan. "Hindi maganda kung palagi tayong mangangaso. Kailangan rin nating kumain ng iba."
Kumunot ang noo ni Abiel. Napaisip tuloy si Artemis kung naiintindihan siya nito. Ngunit hindi niya kailangan ng mga salita upang maintindihan niya ito. Nakikita niya sa mga mata nito ang katotohanan.
Sa huli, napilit niya itong kumain. Nagsimula na ring matutong magluto ang dyosa. Isang bagay na hindi niya akalaing mahihirapan siya. Noong nasa lupa pa siya naninirahan bilang batang Artemis ay nakita na niya ang mga tagasilbing magluto. Mukha namang madali lang iyon kaya't nagulat siya na napakahirap pala noon.
Parang pagpiprito at pag-iihaw lamang talaga ang kaya niyang gawin.
"Ano?" Sabay na tumaas ang dalawa niyang kilay habang hinihintay ang magiging reaksyon ni Abiel sa niluto niya. Hindi siya sigurado kung anong tawag doon.
Basta pinagsama-sama lamang niya ang mga gulay na natatandaan niya noon na ginagamit noon sa pagluluto. May karne rin siyang isinama doon.
Nagulat siya nang biglang maubo si Abiel pagkatikim ng kanyang luto. Napatayo pa siya sa gulat at halos suminghal nang makita niya ang reaksyon nito.
"Ang sama mo naman!" Inis na asik niya. Kinuha niya ang mangkok na pinaglagyan niya ng luto niya. Tiningnan niya iyon at nakikita pa niya ang dalawang buong patatas na lumulutang doon. Kinuha niya ang kutsara at handa na iyong tikman. "Siguradong hindi naman ito ganoong kasama ang lasa."
Dahan-dahan niyang isinubo ang kutsara at parang sa paglapat pa lamang ng dila niya sa sabaw ay maduduwal na siya. Hindi niya maintindihan kung maalat ba 'yun o maanghang dahil sa paminta.
"Napakasama naman ng lasa nito!" Hindi makapaniwalang bulyaw niya pagkatapos uminom ng napakadaming tubig.
"Baka kailangan mo lamang ng tulong." Napalingon agad siya sa nagsalita at nakita si Aphrodite. Nasa likod nito si Hephaestus. "Kamusta kapatid ko?"
"Anong ginagawa mo dito?" Dumiin ang ekspresyon niya bago niya binalingan ang mga ginamit nila ni Abiel. Sinimulan niyang ligpitin ang mga iyon.
Noon ding araw na iyon ay humingi ng tawad sa kanya si Aphrodite sa mga nasabi nito. Alam ni Artemis na hindi niya matitiis ang kapatid kaya't pinatawad niya na ito matapos ang masinsinang pag-uusap.
Ang kapatid niya ang magturo sa kanyang magluto. Kahit pa halos ikamatay niya ang pag-aaral at ilang mga sugat na ang natamo ni Artemis ay natuto rin siya sa bandang huli.
Kaya na niyang magluto ng iilang mga simpleng putahe. Binilinan naman siya ni Aphrodite na huwag tumigil sa pagsubok ng iba't iba pang luto.
Ngayon ngang araw ay napagpasyahan niyang magluto ng adobong manok. Ilang araw na rin siyang nag-eensayo sa lutong iyon. Dahil nga doon ay naubos na ang mga manok na dinala noon nina Aphrodite sa kanila. Hindi naman sa nahihiya siyang humingi ulit sa kapatid niya, naisip niya ring iyon na ang magandang pagkakataon upang makapunta siya sa bayan.
BINABASA MO ANG
Artemis
WerewolfWhen everything got twisted, the best escape was to be born again. Nang magkaroon ng isang malaking away sa pagitan nina Selene at Artemis, ginawa ni Apollo ang lahat upang matulungan ang kanyang kakambal sa maaaring sasapitin nito sa kamay ng kanil...
