KABANATA 3: Tao

4.3K 189 3
                                    

IKATATLONG
KABANATA

Tao

Sa unang pagkakataon uli sa buhay ni Artemis, bumuhos ang iba't ibang emosyon sa kanya. Pakiramdam niya'y mabubuwal siya sa isang emosyong kailanman ay hindi pa niya naramdaman. Sinalakay at ginulo nito ang kanyang sistema.

"Anong nangyari sa'yo?"

Gulat, kinakabahan at wala sa sariling napatingin si Artemis sa nagtanong na si Zeus. Nakakunot ang noo ng kanyang Ama kaya't napakurap-kurap siya bago lumipat ang tingin niya sa dalawa pa nitong kasama na si Hades at Hera. Puno ng suspetya ang tingin ng dyosa sa kanya samantalang walang emosyon naman si Hades.

"Nasaan si Persephone?"

"N-Nasa . . lupa pa.." wala sa sariling sambit pa rin niya saka siya luminga sa paligid.

Nasa Itaas na siya. Sa sobrang kaba at pagmamadali niya ay hindi niya na naisip pa kung saan siya banda sa Itaas mapupunta kaya't hindi na nakapagtatakang malaman niyang sa silid-pahingahan siya napunta. Naroon nga ang tatlo na tila nasa kalagitnaan ng seryosong usapan.

"Anong nangyari sa'yo?" Ulit na tanong ni Hera sa kanya.

Mabilis na umiling si Artemis. Yumuko siya upang magbigay galang sa tatlo bago nagpasyang umalis. Bastos man ang inasta niya ngunit sapat na iyon dahil hindi niya magawang pagkatiwalaan ang sarili niyang boses.

Nangangatal siya.

"Si Selene?" Tanong niya sa nakasalubong niyang si Helios. Ito ang kapatid ni Selene na itinuring ring dyoso ng Araw tulad ni Apollo. Ang pinagkaiba lang, si Apollo ang mismong liwanag. Samanatalang si Helios ang siyang mismong araw. "Kailangan ko siyang makausap."

"Ah.." Nag-aalangan man ay itinuro ni Helios ang kwarto ng kapatid. "Nando'n siya sa kanyang kwarto. Nag-away ba kayo?"

"Hindi." Umiling siya at nagsimulang maglakad papunta sa kwarto ng dyosa. "Mag-aaway pa lang."

Halos mahigit dalawang daang taon silang hindi nag-away dalawa. Hindi maiiwasang magsinghalan sila paminsan-minsan pero kahit kailan ay hindi nagpasimula ng matinding away si Selene na kahit mismo si Artemis ay hinding-hindi iyon gagawi.

Noong una, nagtataka siya. Paanong bigla na lang nagbago ang ihip ng hangin at ayaw na siyang kalabanin ng kapatid? Inisip niya na lamang na marahil ay napagtanto na nito na mali na mag-away sila dahil lamang sa isang maliit at walang kwentang bagay.

Ngayon, alam na niya kung bakit.

"Selene!" Tawag niya agad dito pagkapasok na pagkapasok niya sa kwarto nito.

Nakangiting si Selene ang bumungad sa kanya. Halatang masaya ito sa kung ano man ang nangyayari. Lalong uminit ang ulo ni Artemis. Iniisip niya pa lamang ang ginawa nito ay parang gusto niyang patunayan na may kamatayan din silang mga dyoso at dyosa.

"Kapatid ko.." magiliw na bati nito sa kanya.

Ngunit tapos na si Artemis sa mga laro nito. Napapagod na siyang intindihin ito. Ubos na ubos na ang pasensya niya at hindi na katanggap-tanggap ang ginawa nito ngayon.

"Anong ginawa mo?" Masama ang tingin niyang tanong. Mariin at halatang galit ang boses niya ngunit hindi naalis ang aliwalas at ngiti sa mukha ng kausap.

ArtemisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon