IKALABING-TATLONG
KABANATABangungot
Tila nabuhusan ng malamig na tubig si Artemis sa nangyari. Kumalampag ang kanyang pana nang mabitawan niya ito at mahulog sa marbol na sahig. Mabigat man para sa kanya ang sariling katawan ay tumakbo siya papunta sa kinahihigaan ni Abiel.
Dugo.
Napakaraming dugo. Hindi lamang iyon sa katawan ni Abiel kundi maging sa sahig. Dahil sa kanyang pagpupumilit lumapit ay nalagyan na ang puting gown na suot niya. Agad iyong nahaluan ng pula ngunit wala nang pakialam doon si Artemis.
Panay pa rin ang kanyang pagluha at hindi maiwasan ng mga naroroon na makaramdam ng awa sa kanilang kapatid.
"A-Abiel!" Sigaw niya.
Hinawakan niya ang palasong tumama sa dibdib nito. Dahan-dahan ay hinugot niya iyon. Dahil doon ay napaubo si Abiel at may lumabas na dugo sa bibig nito. Lalo siyang napaiyak.
"Abiel," iyak niya. "Patawad. P-Patawad. Hindi ko . . si-sinasadya. Mahal k-ko."
"Anak," si Leto. Lumapit ito sa anak at marahang hinawakan sa balikat. "Anak, tama na."
"H-Hindi!" Hinawi niya ang mga kamay na naglalayo sa kanya kay Abiel. "Buhay pa siya! K-Kailangan siyang magamot. Ina! Kailangan siyang magamot! Gumawa kayo ng paraan! Ina! Ano ba?!"
"Anak, ang palaso mo ang tumama sa kanya," mahinahong sambit ni Leto. Hindi nito mapigilang maawa kay Artemis. Mapula na ang buong mukha niya sa kaiiyak at ramdam na ramdam nito ang paghihinagpis niya.
"H-Hindi.." Nanghihina niyang tinakpan ng palad niya ang nagdudugong dibdib ng binata. "Buhay pa siya! Hindi ko s-sinasadya!"
Bumuntong-hininga si Leto at hinila na ang kanyang anak. Dahil sa panghihina ay wala itong nagawa nang ilayo niya na ito sa katawan ni Abiel.
"Hindi k-ko sinasadya, Ina," paulit-ulit nitong sambit sa pagitan ng mga hikbi. "Buhay pa siya. Ina! Si Abiel!"
"Artemis." Lumapit na rin si Apollo sa kanyang kakambal at ganoon na lamang ang panlulumo niya nang makita niya ang estado.
Luhaan, mapula ang mukha, magulo ang buhok at puno ng dugo ang katawan. Nabasag ang puso niya nang makita niya kung paano nanlaki ang mga mata nito nang makita siya.
"Apollo!" Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat. "S-Si Abiel! Tulungan mo siya! Buhay p-pa siya. Alam ko buhay pa siya! Tulungan mo siya!"
"Artemis.."
"Ano pang hinihintay mo? Nando'n s-siya! Hindi . . Hindi mo ba siya nakikita? Bilisan mo! Parang a-awa mo na.." Suminghap ang lahat nang nakakita nang lumuhod na si Artemis sa harapan ng kanyang kakambal. Malakas ang paghikbi at nagmakaawa. "Iligtas n-niyo si Abiel."
Ang dapat gabi ng kasiyahan ay nauwi sa pighati. Lahat ay tahimik na nakatingin sa dalawang magkaibang nilalang na pinaghiwalay. Si Abiel ay nauubusan na ng dugo habang nadidinig ang malakas na hagulhol at pagmamakaawa ni Artemis sa buong bulwagan.
"Huminahon - "
"Hindi niyo naiintindihan!" Malakas ang sigaw na putol niya sa sasabihin ni Apollo. "Hindi siya p-pwedeng mamatay!"
BINABASA MO ANG
Artemis
WerewolfWhen everything got twisted, the best escape was to be born again. Nang magkaroon ng isang malaking away sa pagitan nina Selene at Artemis, ginawa ni Apollo ang lahat upang matulungan ang kanyang kakambal sa maaaring sasapitin nito sa kamay ng kanil...