IKALABING-ANIM
NA KABANATA
Buwis
Ilang minuto bago mag-ala siete ng gabi ay natagpuan niya ang sarili sa tapat ng isang kainan. Maliwanag sa labas at maraming mga tao ang lumalabas at pumapasok doon. Tila ba isang ordinaryong lugar lamang. Ngunit alam ni Artemis na iyon ang ilan sa pimakamamagandang lugar upang isagawa ang pagpaplano ng rebolusyo.
Huminga pa siya nang malalim bago marahang itinulak ang pintuan ng kainan. Bumungad sa kanya ang iba't ibang mga ingay. Kabilang na doon ang mga kubyeryos, kwentuhan, tawanan at kung ano-ano pa sa paligid. May iilang umiinom ng alak at tila may mga tama. Natamaan pa siya ng isang lasing na lalaki na kinakaladkad na ng isang gwardya palabas.
Nagtiim ang bagang niya. Hindi siya kumportable lalo na't marami sa mga nasa loob ay kalalakihan.
Naalala niya ang reaksyon ni Aphrodite nang ikwento niya ang tungkol sa plano niyang rebolusyon.
"Nababaliw ka na ba?"
Sa totoo lang inasahan na niya ang ganoong reaksyon mula rito. Sa bawat desisyon yata niyang taliwas sa paniniwala nito ay pinararatangan siyang baliw nito. Sanay na siya.
"Hindi ba magandang ideya iyon?" Nakakunot ang noo niyang binalingan si Hephaestus na tahimik lamang na kumakain. Kung may isa pang kayang makipagtalo kay Aphrodite, ito ay ang asawa. "Madali akong makakakuha ng impormasyon at may pag-asa pang maprotektahan ko si Abiel mula sa loob."
"Ah! Kung gano'n si Abiel na naman.." Marahan itong tumango-tango. Tila nang-aasar. "Syempre tungkol na naman 'yan kay Abiel. Magugulat pa ba ako?"
"Kapag natuloy ang rebolusyon, alam kong si Abiel ang unang maaapektuhan," seryosong saad niya. "Kung tama ang pagkakaintindi at hinala ko, ginagamit ng pamahalaan si Abiel para katakutan ng mga tao. At kung sakaling magkagipitan, siguradong siya ang ilalagay sa pinakaunang hanay ng depensa upang mamatay. Hindi ba't iyon naman talaga ang plano noong umipisa pa lamang?"
"Bakit kung magsalita ka ay para kang si Athena?" Nakunot ang noong tanong nito kaya't natawa siya sabay iling. "Basta mag-iingat ka. Kapag may mangyayaring hindi maganda o alam mong may mali na, umalis ka na agad sa grupo. Kapag nagkataon, hindi lang si Abiel ang maiipit sa gulong 'yan kundi ikaw rin mismo."
Sang-ayon naman siya kay Aphrodite. Pero hinding-hindi niya iiwan si Abiel. Nagpunta siya sa lupa para sa lalaki kaya't gagawin niya ang lahat masiguro lamang na ligtas ito.
"Ako si Artemis," sambit sa lalaking humarang sa kanya nang papasok sana siya sa isang pinto sa bandang gilid ng kainan.
Medyo tago iyon kaya't hindi kapansin-pansin. Bukod pa doon ay may nagbabantay.
"Inimbitahan ako nina Tori at Sana," dagdag pa niya.
Tiningnan siya ng lalaki mula ulo hanggang paa. Ramdam niya ang inis dahil doon. Nakasuot siya ng makapal at mahabang balabal at sa ilalim noon ay ang kanyang mahabang itim na bestida. Wala saplot ang kanyang paa dahil bukod sa doon siya sa mas kumportable ay mahaba naman ang kanyang suot at hindi na iyon mapapansin. Nakalugay rin ang kanyang mahabang buhok.
"Hinihintay ka na nila sa loob," sabi ng lalaki matapos ang ilang segundo sabay bukas ng pintuan. "Tingin sa baba."
Tumango siya. Tumingin siya sa baba. Nagulat pa siya nang makitang walang sahig sa loob. Saka niya napansin ang kahoy na hagdanan na nakadikit sa pader.
BINABASA MO ANG
Artemis
WerewolfWhen everything got twisted, the best escape was to be born again. Nang magkaroon ng isang malaking away sa pagitan nina Selene at Artemis, ginawa ni Apollo ang lahat upang matulungan ang kanyang kakambal sa maaaring sasapitin nito sa kamay ng kanil...
