KABANATA 5: Akala

4.1K 152 4
                                        

IKALIMANG
KABANATA

Akala

"Artemis!"

Hindi pinakinggan ni Artemis ang paulit-ulit na pagtawag sa kanya ni Apollo. Diretso lamang ang lakad niya palabas ng silid kung saan naganap ang Paglilitis. May iilan siyang nakasalubong na dyoso at dyosa ngunit hindi niya ininda ang mapanghusga nilang mga tingin. Nakatikom ang kanyang mga kamao. Handa siyang manakit. Gusto niya. Pinigilan niya lamang ang kanyang sarili.

"Artemis!" Dinig pa rin niyang tawag ni Apollo.

Natigil siya sa paglalakad. Hindi dahil kay Apollo kundi kay Athena na biglang sumulpot sa kanyang harapan. Kalmado ang ekspresyon nito ngunit makikita sa mga mata nito ang galit at pag-aalala. Nagtiim ang bagang ni Artemis.

"Bumalik ka doon," seryosong saad nito. "Humingi ka ng tawad kay Ama."

Umiling si Artemis at naglakad na ulit para lampasan ang kapatid pero hinawakan nito ang kanyang braso. Nagpakawala siya ng malalim na hininga at marahang binawi ang kanyang braso.

"Pagod na ako, Athena," hindi niya napigilang sabihin pa. Kumunot ang noo ng kanyang kaharap.

Huminto naman si Apollo ilang hakbang ang layo sa kanila.

"Mapapatawad ka pa ni Ama. Mahal ka niya. Maiintindihan niyang nasabi at nagawa mo lamang ang lahat ng iyon dahil - "

"Hindi mo naiintindihan," pagputol ni Artemis sa sinasabi nito. "Hindi lang ito tungkol kay Abiel. Sawang-sawa na ako sa buhay ko dito."

"Hindi mo alam ang sinasabi mo."

"Araw-araw, ginagawa ko ang tungkulin ko bilang isang dyosa. Nabubuhay ako bilang anak ni Zeus. Kailangan gan'to ang gawin. Dapat hindi ko 'to gawin. Hindi ko pwedeng gawin 'to kasi magagalit si Ama, kasi hindi niya 'to magugustuhan, kasi hindi niya 'yun pinahintulutan. Ganito lang ang gawin mo dahil iyon lang ang sinabi niya."

"Artemis.."

"Nagsasawa na ako!" Kumawala ang mga salitang iyon mula sa kanyang bibig na ikinalaki ng mga mata ni Athena. "Paulit-ulit na lang! Pakiramdam ko hindi naman ako nabubuhay bilang si Artemis kundi anak ni Zeus! Nakadugtong na 'yun sa pangalan ko habang buhay. Nakakasakal!"

"Isang karangalan ang maging anak ni Ama!"

"Sa'yo!" 'Di naiwasang ituro ni Artemis ang kanyang kapatid. Simula pa lamang naman kasi noong una, pinapaburan na ng kanilang Ama si Athena. Ito ang paborito. "Para sa'yo, Athena. Pero para sa'kin, hindi. Isa 'yung sumpa na habang buhay na nandito sa'kin. Dadalhin ko kahit saan ako pumunta. Ayoko na. Gusto ko ng kalayaan ko."

Pagkasabi noon ay tumalikod na siya. Hindi na sumunod pa si Athena nang maglakad na siya papunta sa kanyang silid. Pero tulad ng ibang pagkakataon, sumunod sa kanya ang kakambal niya.

Kasunod niya lamang na pumasok si Apollo sa kanyang kwarto. Huminga siya nang malalim at tinanaw ang labas ng bintana ng kanyang kwarto. Kita niya ang mga ulap doon.

"Aalis ka?" Nadinig niya ang boses ni Apollo. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at niyakap ang kanyang sarili. Walang umiihip na hangin ngunit ramdam niya ang lamig. "Pag-isipan mong mabuti ito."

"Hindi mo ba 'to naramdaman noon?" May halong pagtangis na tanong ni Artemis.

Huminga siya nang malalim at hinarap ang kanyang kakambal. Kita niya ang lungkot sa mga mata nito. Alam na niya ang sagot ngunit nais niyang marinig iyon.

ArtemisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon