KABANATA 11: Kasangkapan

3.1K 114 7
                                    

IKALABING-ISANG
KABANATA

Kasangkapan

Hindi pa rin naaalis sa isipan ni Artemis ang sinabi sa kanyang balita ni Aphrodite. Isa yata iyon sa mga dahilan kung bakit maaga siyang nagising ng umagang iyon. Ni hindi pa nagbabadya ang pagsikat ng araw ay mulat na mulat na siya. Nakadagan ang braso ni Abiel sa baiwang niya. Mainit ang katawan nito kaya hindi maiwasang maramdamang ligtas siya. Yumakap pa siya nang mahigpit sa kanyang Mate.

Ilang minuto pa siyang nanatili sa ganoong pwesto bago niya napagdesisyunang gisingin na ito.

Dumiretso sila sa ilog kung saan sila naligo. Tanaw na ni Artemis ang pagsikat ng araw nang tumulak na sila papunta sa lupain ng Xipil upang makabili ng mga materyales sa pagtatayo ng kanilang bagong bahay.

"Tutulong kami sa pagpapatayo ng bahay niyo," wika ni Aphrodite na tatalon-talon pa sa saya. Mukhang maganda ang araw nito.

"Kayo ang bahala." Nagkibit-balikat siya. "Nasaan nga pala si Hephaestus?"

Nagulat kasi siya kanina na hindi nito iyon kasama nang salubungin sila ni Abiel.

Hindi nakaligtas sa kanya ang pagkakapawi ng ngiti ni Aphrodite. Tumaas ang kilay niya.

Agad na ngumiti ulit ang dyosa. "May inaasikaso lang sa Itaas."

Tumango na lamang si Artemis dahil tanaw na nila ang bayan. Sikat na ang araw nang makarating sila kaya naman nakita agad sila ng lahat. Nakahawak ang kamay niya sa kamay ni Abiel na katulad kahapon ay kumpleto ang kasuotan.

"Siya nga pala." Humarap sa kanya ang kapatid nang umalis ang nagtitinda ng semento sa kanila. "Magkakaroon ng salo-salo bukas ng gabi sa Itaas. Naisip ni Hera na imbitahan ka na."

"Hindi na ako isang dyosa."

"Pwede ba!" Humalakhak si Aphrodite. "Alam naman nating kahit isuko mo 'yang titulong 'yan ay ikaw pa rin si Artemis."

"Hindi ako sigurado. Anong sinabi ni . . Ama?"

"Wala." Nagkibit-balikat ito. "Kung ayaw naman kasi niya ay pwede niyang sabihing huwag na pero wala siyang sinabi. So, ano? Pupunta ka naman, hindi ba?"

"Para saan 'yun?"

"Wala." Kumunot ang noo nito. "Hindi naman kailangang may okasyon o ano kapag may salo-salo sa Itaas. Para namang nakakalimutan mo ang tungkol doon. Noon nga, halos araw-araw. Natigil lamang naman noong . . umalis k-ka."

"Paano si Abiel?"

"Huh?"

"Walang magiging kasama si Abiel," aniya.

Dumilim ang ekspresyon ng mukha niya. Mukhang alam niya na kung ano ang pinaplano ng mga ito. Hindi na siya mahuhulog sa ganoong estilo. Nadala na siya sa ginawang pagsalakay noon ng mga tao habang wala siya sa tabi ni Abiel.

"Pwede mo naman siyang isama."

Nagulat si Artemis sa sinabing iyon ni Aphrodite bago siya humalakhak. Hindi siya makapaniwala sa tono ng pananalita nito. Tila ba siguradong-sigurado. Umiling-iling siya. Nang magtama ang mga mata nila ay parang bulang naglaho ang ngiti niya.

"Alam ko na ang iniisip niyo," malamig na wika niya.

Kumunot ang noo ni Aphrodite. "Anong ibig mong sabihin? Iniisip namin?"

"Gusto niyong patayin si Abiel," pang-aakusa niya sa kapatid. "Hinding-hindi ko kayo hahayaang gawin 'yun."

"Hindi!" Gulat na bulalas nito. Magsasalita pa sana nang dumating ang magtitinda.

ArtemisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon