IKALABING-SIYAM
NA KABANATA
Pagluluksa
Kulay itim at puti ang halos makikita lamang sa kalsada nang araw na iyon. Makulilim ang kalangitan at nagbabadya ang ulan ngunit hindi tuluyang bumabagsak. Madidinig ang mga mahihinang bulong, kwentuhan at pagdadalamhati sa mga nakapilang tao sa likuran ng iba't ibang sasakyan kung saan nakalulan ang mga kabaong na nagsilbing huling hantungan ng mga nasawi.
Mabilis ang pangyayari. Sa loob lamang ng isang gabi ay tatlong malalakas na bomba ang sumabog. Walang sinuman ang naging handa sa pinsalang idinulot nito.
Hindi lamang ang mga kabahayan at kabuhayan ang nawala, maging ang mga buhay ng mga taong hindi na maibabalik pa.
"Ano nang mangyayari sa'tin ngayon?" Umiiyak na tanong ng isang matandang magsasaka na nawalan ng isang taong ani at namatayan ng bunsong anak.
Kabi-kabila ang mga tanong. Ngunit maging ang pamahalaan na inaasahan nilang magbibigay ng tulong sa kanila ay nagluluksa rin.
"Hindi pwedeng magtagal ito nang ganito," wika ng isa sa mga nasa Konseho. Bakas sa boses nito ang determinasyon kahit pa pugto ang mga mata.
"Tama siya. Kailangan nang mahalal ang bagong presidente."
Namatay nga si Sivan sa naganap na pagsabog. Ang ikatlong bomba ay sumabog sa tirahan nito. Namatay ito kasama ang buo nitong pamilya. Tanging ang abo at giba na lamang nitong buhay ang nakita nang mag-umaga na at tuluyan nang nawala ang apoy.
"Bakit ba? Nariyan pa naman si Yuen."
"Mahina rin si Yuen sa mga oras na ito. Hindi ako sumasang-ayon na siya ang iluklok ngayon sa pwesto ng pagkapresidente."
"Pero iyon ang batas." Kumunot ang noo ng isa sa Konseho. "Hindi mo pwedeng baliin iyon dahil lamang mahina ngayon ang Bise. May kakayahan siya at kung kailangan niya ng ilang buwang pahinga ay ibibigay natin iyon sa kanya."
Sumang-ayon ang marami sa pahayag na iyon. Marami pa rin ang nanatiling sumusunod sa batas ngunit hindi pa rin nawawala ang ilang nagnanais na sila ang mahalal sa pagkapresidente.
Marami ang nalungkot at nabahala sa pagkamatay ni Sivan. Iniisip ng marami na isa na itong hudyat na mas malakas na ngayon ang rebolusyon na hindi na ito makakayang pigilan ng sinuman. Natatakot ang marami sa maaaring mga susunod pang hakbang ng grupong gumawa noon sa kanilang presidente.
Samantala, hindi lamang lungkot ang naramdaman ng lahat kundi kasiyahan. Marami ang nagdiwang dahil sa wakas ay wala na ang makasariling presidente.
Kasama na nga doon ang kilusang pinamumunuan ni Juriel.
Nakahilig si Juriel sa malaki at malapad na malambot na upuan sa hideout ng kilusan nang araw na iyon. Hawak ang isang baso ng alak na kanyang iniinom. Nangingiti pa siya habang naalala niya ang lahat ng balitang nadidinig niya tungkol sa ginawa nilang gulo.
"Mukhang tuluyan na nating mapapabagsak ang pamahalaan.." matamang wika ni Tori na may hawak rin ng isang baso ng alak.
Umupo ito sa braso ng upuan ni Juriel at nakangiting ipinatong ang binti sa hita ng binata.
"Malapit na tayong magtagumpay."
"Ano nang balita tungkol sa Bise?" Tanong ni Juriel habang marahang hinihimas ang nakalantad nang hita nito.
"Mahina pa rin siya. Sa tingin ko, hindi na siya basta-basta makakabawi pa sa nangyari."
"At ang halimaw?"
"Galit syempre. Pero wala naman siyang alam na tayo ang gumawa noon sa kanyang Mate. Wala siyang magagawa."
"Magaling.."
BINABASA MO ANG
Artemis
Loup-garouWhen everything got twisted, the best escape was to be born again. Nang magkaroon ng isang malaking away sa pagitan nina Selene at Artemis, ginawa ni Apollo ang lahat upang matulungan ang kanyang kakambal sa maaaring sasapitin nito sa kamay ng kanil...
