"Maaga ka yata ngayon," unang bati sakin ni Tito Loyd bago ako umangkas sa motor niya."Syempre, nakakahiya kayang ma-late sa unang araw ng high school," totoo naman.
"Ngayon mo lang sinabi 'yan? Alam mo ba na buong buhay mo, lagi kang late sa unang araw ng pasok," 'yan na naman si tito, nanlalait na naman.
'Di ako sumagot. Bahala siya diyan.
Tahimik lang kami hanggang umabot sa gate ng high school. Ang aga pa lang pero madami na yung pumapasok!
"Thank you," sabi ko bago siya umalis. Napatingala ako sa gate, kung saan nakalagay ang pangalan ng school.
"De Lirio High School," basa ko sa nakalagay.
Nabigla naman ako nang biglang may umakbay sakin. 'Yan na naman sila! Si Tana 'to sigurado.
"Maaga ka yata ngayon," pareparehas sila ng sinasabi, edi parehas lang rin ang sasabihin ko sakanila, "Syempre, nakakahiya kayang ma-late sa unang araw ng high school."
"Tara," yinaya niya na akong pumasok sa loob. Naaalala ko pa, dati, kapag naaabutan ako ni Tana sa pagpasok, sabay na kaming pumupunta.
Pagpasok namin sa loob ng gate, nabighani ako. Ang lawak, tapos madami pa yung mga building. Mahirap yata maghanap ng room dito.
Inaasahan namin na matatagalan kami sa paghanap, pero sa unang hula namin na aakyatin na building, doon pala ang mga 1st year. Nakita namin si Eliza sa tapat ng room, sana doon rin kami.
Medyo kinakabahan akong naglalakad palapit sa room na 'yun. Paano kung hindi pala ako 'dun?! Paano kung mahiwalay ako sa kanila?! Paano kung—
"Angelica!" —hindi ako makahinga! Bigla bigla naman kasing yayakap 'tong si Eliza. Pero parang naramdaman ko na 'to dati, vice-versa nga lang.
"Magkakasama pa rin tayong apat!" Yess!!! Buti naman! Naghirap akong mag-aral last year para lang maging section one ulit!
Napalingon ako sa taong naka sandal sa pinto, "Hello!" masayang bati sa amin ni Pen.
Bago kami nag-kwentuhan, inilapag muna namin ni Tana yung mga bag namin.
Ang mga pinag-usapan nila ay yung mga pinagpasyalan nila, pareparehas sila ng mga ikuwinento, ako lang yata ang naiiba. Sa computer shop lang naman ako lagi. Nalaman ko rin na doon pala sa tabi ng computer shop ang bahay nila Pen at pamilya nila ang may ari 'nun.
Medyo nakakapanibago rin dahil sa mga bagong mukha. Meron ang mga taga ibang school sa loob ng barangay, mga transferee mula sa ibang bayan, at meron ring galing sa ibang pulo, pero siguro lang.
Napatigil kami sa pagkwentuhan nang may nag-anunsyo na lumabas lahat ng mag-aaral sa mga room para simulan ang Flag Ceremony.
Medyo matagal ang nangyare, marami pa kasing sinabi yung mga guro. Natapos na ang kalahating oras at natapos na rin ang ceremony. Napaka-init na talaga.
Bumalik na kami sa loob ng room namin mula sa pila. Medyo kinakabahan ako dahil panibagong taon na 'to. Ang simula ng high school.
"Kinakabahan ako," rinig kong bulong—o bulong ba talaga 'yun—ni Tana sa tabi ko. At oo, katabi ko ulit siya.
"Kinabahan rin ako," bulong ko naman, pero wala na siyang sinabi sakin.
Ilang minuto kaming naghintay sa guro namin. Naghintay kami, para lang magulat ng guro namin! Paano, biglang tumatakbo papunta ng room tapos anlakas ng boses! Pero sana mabait...
Syempre, hindi mawawala ang pagpapakilala. Nagsimula na ulit ang pagpapakilala ng mga kaklase namin. Medyo nakakapanibago dahil napakaganda naman pakinggan ng mga pangalan nila, akala mo mga anak ng foreigner.
Pero nangyari ang hindi inaasahan. Seating arrangement! Paano kung may makatabi akong weirdo?! Paano kung—Paano kung nakakatakot siya?!
"Magsimula tayo sa dulo. Scheyler, sa dulo, katabi ng bintana," mukhang 'yun pa rin ang pwesto ko. At buti naman, tama ang pagkabigkas sa apilyedo ko.
"Santos, katabi ni Scheyler. Sunod ay si Sanchez," 'yun na nga. Kami ulit ang magkakatabi! Pero si Pen?!
Saglit kaming naghintay para marinig ang apilyedo ni Pen at buti naman! Nasa harap ko lang ulit siya!
Hindi na kami gaanong magkakalayo.
Sa buong araw, wala kaming ibang ginawa kundi ang magpakilala. Bakit ba kailangan paulit-ulit?! Para hindi matanggal sa utak namin?!
Napakatagal matapos ng araw, grabe. Gusto ko na talaga umuwi. Pero okay lang siguro, basta nandito silang tatlo kasama ko.
Ilang beses bumalik-balik ang mata ko sa orasan sa ibabaw ng pinto ng room namin, at salamat po! Uwian na! Pagkatapos ng klase ay kaagad akong nagpaalam sa kanila at umalis para pumunta ng gate ng school. Buti naman at nandoon na si Tito Loyd. Maaga niya siguro na-ayos yung PC.
"Kamusta yung unang araw?" grabe, 'yan pa talaga ang unang tanong, ang hirap naman sagutin niyan.
"Um... Ayus lang naman, 'di ako masyadong gumastos," totoo naman.
"'Yun lang masasabi mo?" ano pa bang hinahanap niyabg sagot?
"Paano yung mga kaibigan mo, kasama mo pa rin ba sila?" 'yun naman pala eh.
"Syempre ah, malakas kaya kami, tiwala lang!"
"Saan pala tayo pupunta?" sunod kong tanong sa kaniya.
"Sa bahay, saan pa ba?" Sa computer shop!
Sayang naman. Sana bukas ako papuntahin doon, na-miss ko na talaga pumunta doon.
Medyo matagal ang biyahe namin, medyo malayo na rin kasi 'yung high school mula sa bahay, hindi katulad ng dati. Siguro, hindi lalagpas ng sampung minuto ang biyahe, pero hindi bababa ng lima.
Pagdating ko sabay, ang unang sumalubong sa paningin ko ay ang aso! Nakahiga pa nga sa sofa, paano ako hihiga diyan mamaya?! Pero bago pa ako mapansin ng aso, mabilis akong umakyat sa hagdan para hindi niya ako mahabol. Kala mo kaya mo ko, ha!
Pagpasok ko sa loob ng kwarto, ibinaba ko na ang bag ko at nagpalit ng damit. Buti nga ngayon, medyo maliit na yung bag na ipinadala ni mama, pero kakasya pa rin naman ang lahat ng gamit ko.
Nang makababa ako, buti naman at naisipan ni Tito Loyd palabasin ang aso. Hinanap ko si nanay kung saan ko siya madalas nakikita. Sa likod, sa banyo, sa labas. Ang huli kong tinignan ay ang kusina, at doon ko siya natagpuan na nagluluto. Ano kayang hapunan ngayon?
Umupo muna ako sa sofa. Naabutan ko si Tito Loyd na nanonood ng TV mag-isa. Ano na naman kayang pinapanood nito? Drama yata.
Oo nga pala, kaya nandito ng maaga ngayon si Tito Loyd, dahil kakarating niya lang mula sa interview niya sa pinasukan niyang trabaho, buti nga sakto yung uwi niya at uwian namin at nasundo niya pa ako.
Buti talaga at naka-graduate ng college 'tong si Tito Loyd, kung hindi, hirap siguro siyang maghanap ng trabaho. Pero 'di ko talaga alam kung bakit niya naisipan na magtrabaho bilang technician sa computer shop? Alam ko naman na nakatapos siya ng IT pero bakit sa computer shop? Bahala na, bakit ko ba pinoproblema 'yun?
"Luto na yung ulam, magsandok na kayo ng kanin niyo," 'yan na, kain na naman!
-----
BINABASA MO ANG
Will My Love Ever Reach?
Romance(8/5/20) Sundan ang kwento ni Angelica Scheyler kasama ang kaniyang mga kaibigan, kung paano niya pinagdaanan ang high school habang nananatiling may gusto sa kaibigan niyang kapwa niyang babae. Mananatili kaya itong naka tago, o maaamin niya kaya i...