Ⅶ. Second Year ✓

2 0 0
                                    

Second year na kami. Nobyembre na rin pala, gusto ko lang ipaalam. Tsaka, WALA NA AKONG GUSTO SA KANIYA! Akala niyo magiging ganito na lang ako hanggang dulo, ah?! Susuportahan ko na lang sila ni Alex. Isa pa na gusto kong ipaalam, sinimulan na ni Alex ligawan si Eliza. Si Aaron, papansin pa rin siya, at ang dalawang babae naman, 'di ko alam kung anong plano nila.

Nandito ako ngayon sa loob ng Void, may tournament kasi ngayon na para lang sa mga players ng Void. Ang kalaban ko ay si kuya Clark at ang mga tropa niya. Ang kakampi ko naman ay si Alex, Lauren, kuya Berk at isang bata na kasing edad ko na hindi ko kilala. Isasali sana namin ngayon si Tito Loyd kaso, may pinagawa sa kaniya na PC si kuya Daniel. Day Off niya ngayon pero nag-aayos siya ngayon ng PC, okay lang naman daw. 

"Sa bridge!" rinig kong sigaw ni Alex. Oo, nandito si Alex kasama ni Lauren. Noong humiwalay daw sila sa amin noong nakaraang namasyal kami, nasalubong daw nila yung pinsan ni Pen at tinanong daw si Lauren kung gusto nila pumunta sa Void. 'Di ko naman alam na totoo palang gagawin niya 'yun, kaya simula noong bakasyon, doon na sila sa Void. Nagkagulatan nga kaming tatlo nang makita namin ang isa't isa. 

Ngayon, nandito kami, nagtutulungan para manalo. Sayang naman yung pera na ibibigay ni kuya Daniel kung matatalo lang kami. 'Di sana ako sasali, kaya lang, nang sabihin ni kuya Daniel na may prize na pera, pinilit ako ni Tito Loyd na sumali.

Napansin ko lang na ilang minuto na lang bago matapos ang round. Malapit na rin namin maabot ang score. Nakakatamad naman na. Gusto kong maglaro ng ibang laro, pero malapit naman na kaming manalo kaya aayusin ko na yung paglalaro ko.

Baril. Click. Tira. Click. Sapak. Click. 

Sa tagal ng laro, 'di ko na namalayan na tapos na yung laro. Nalaman ko lang na kami yung nanalo nang biglang nagsigawan yung mga kaklase ko at mga ka-team ko. Para lang malaman niyo, ito yung pinaka unang panalo ko sa isang tournament sa loob ng isang computer shop. Kahit 'di ako makasigaw ngayon, nakangiti ako. 

"Oh, eto yung prize niya," napatingin ako sa likod ko nang marinig kong magsalita si kuya Daniel. 'Di ako makapaniwala, totoo ngang may prize AT ₱ 500 pa talaga yung hawak niya.

Nagulat ako nang bigyan niya ako ng isang ₱ 500. Sinundan ko siya ng tingin, at grabe, tig-iisa kami ng ₱500. Mayaman talaga ang pamilyang Onsaro. Nang bigyan niya kami ng pera, sumunod naman siyang lumapit sa kabilang grupo. Mukhang may prize rin pala ang kapag natalo.

Nangyare ang 'di ko inaasahan. Unang-unang binatukan ni kuya Daniel si kuya Clark at nag-abot ng dalawang daan. Parusa ba yung batok? Buti pala 'di kami natalo, mukhang masakit yung pagkabatok kay kuya Clark.

Nang matapos niyang batukan lahat ng nasa kabilang grupo, "Kayo pa talaga yung natalo, kayo nga yung balak kong ipanglaban sa tournament, laban sa ibang computer shop," mukhang nagulat rin sila kuya Clark sa sinabi ni kuya Daniel.

"'Di ko naman alam na may tournament ngayong taon," tournament...

"Tsaka bakit 'di na lang sila yung ipanglaban nila? Malakas naman sila Angel, idol ko 'yan eh," nagkamali na naman siya sa pangalan ko, tsaka bakit kami?

"Baliw ka talaga, nalimutan mo bang ikaw yung laging panglaban natin dito? Lagi tayong panalo kapag ikaw yung panlaban. Masyado pang bata sila, Angelica, kailangan pa nilang mag-focus," bawal ba ang bata sa tournament? At si kuya Clark ang pinakamalakas?

"Ang naaalala kong buwan ng tournament ay May,  wala na rin silang pasok 'nun. Tsaka gusto ko lang ipaalam sa inyo, na lilipat kami ng ibang bayan next year," para saan ang biglang rebelasyon? dahil sa sinabi ni kuya Clark, natahimik kaming lahat sa loob.

"Daniel, maayos na ulit," napalingon kaming lahat kay Tito Loyd na kakapasok lang sa loob habang naka hawak sa mismong computer. Nagulat ako nang bigla akong hinila ni Tito Loyd palabas ng Void, bago kami tuluyang lumabas, nagpaalam ako sa kanilang lahat.

Will My Love Ever Reach?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon