CHAPTER TWENTY-THREE

163 25 0
                                    

"Bumalik na kayo ni Anthony sa bahay," may isang lalaki na nasa labas ng bahay namin. Bihira lang ang bisita namin dito sa bahay at lahat ng bisita pinapa-upo ni Mama sa medyo luma na naming sofa. Dapat daw kapag may bisita wine-welcome at pinapapasok sa bahay. Kaya nagulat ako na noong kumatok siya sa pinto ay nagulat si mama at hinila sya palabas ng bahay.

"Huy. Anong ginagawa mo jan?," narinig ko na tanong ni Kuya habang nagkukusot pa ng mata. Kakagising niya lang.

"Nakikinig ka ba sa usapan nila? Susumbong kita kay Mama gusto mo? Bad daw yun diba?"

Oo. Sabi ni Mama bad daw makinig sa usapan ng may usapan. Hindi naman ako nakikinig e tinitingnan ko lang sila. Kasalanan ko ba na may naririnig ako?

"Hindi naman ako nakikinig. Sinisilip ko lang. Hindi siya pinapasok ni Mama sa bahay. Bad ba siya? Baka may gawin siya kay Mama," paliwanag ko kay Kuya. Huminga pa ako ng malalim pagkatapos kong magsalita.

Magkatabi namin ni Kuya pinanood si mama at ang kausap niya. Nakaluhod kami sa sofa habang nakasilip sa kanila. Hindi kami nakikinig, sinisilip lang namin sila at may naririnig lang kami.

"Paano si Kristina?" naging alerto ako pati na rin si Kuya nang marinig namin ang pangalan ko. Paano daw ako?

Kagaya ni Mama ay hinihintay namin magsalita ang lalaki? Paano daw ako? Pero sa sobrang tagal sumagot nung lalaki nainip na si Mama kaya tumalikod na siya don sa lalaki pero pinigilan pa rin siya at lumuhod yung lalaki kay Mama.

"Bumalik na kayo ni Anthony," pagmamakaawa noong lalaki. Sino ba si Anthony?

"Paano nga si Kristina?" medyo sumisigaw na si mama. Galit na ba siya? Galit lang siya kapag sumisigaw na siya e. Kaya nga takot kami ni Kuya kapag sumisigaw na siya kasi palo na ang kasunod. Papaluin niya ba yung lalaki?

"Edi ibalik mo sa tatay nya hindi ko naman anak 'yon e," isang malakas na palo sa pisngi ang binigay ni mama doon sa lalaki, sabi na nga ba palo na ang kasunod e

"Bumalik ka mag-isa," iyon lang ang sinabi ni mama at bumalik na siya sa loob ng bahay. Agad naman kaming umayos ng upo ni Kuya. Baka isipin nya nakikinig kami e, sinisilip lang naman namin siya.

Pagpasok ni Mama sa pinto agad niya kaming tiningnan at saka sya ngumiti sakin. Ngumiti din ako pabalik. Turo 'yon ni Mama, wag daw suplada! Kapag nginitian ka, ngitian mo din pabalik!

*******

"Hi! Ako nga pala ang tatay mo," nakangiti akong binati ng isang lalaki na hindi ko naman kilala. Nginitian ko din sya. Remember: Bawal ang suplada!

Siya pala ang tatay ko? Eh siya yung lalaki na pinalo ni mama sa pisngi diba? Natatandaan ko siya kasi siya lang ang nakita ko na pinalo sa pisngi e. Kami kasi ni Kuya, sa pwet pinapalo e.

***

Ilang araw matapos siyang magpakilala bilang tatay namin lumipat kami ng bahay. Mas malaki. Mas malinis. Mas maganda.

At sobrang layo doon sa dati naming bahay. Sobrang malalayo din ang pagitan ng mga bahay kaya ang hirap humanap ng kalaro pero may isa na akong kalaro. Kanila yung pinakamalaking bahay dito. Magkatapat lang kami ng bahay.

May bago na ring trabaho si Mama, binigyan siya ng trabaho ng tatay namin. May kompanya pala kasi si tatay namin kaya si Mama ang bahalang mag-intindi ng lahat sa loob ng kumpanya at tatay naman namin ang bahala sa lahat ng meetings na nasa labas ng kumpanya.

Kaya lagi ng wala sa bahay si Mama at mas madalas sa bahay 'yong tatay daw namin. Mabait naman siya. Noong una. Sakin. Pero noong tumagal kay Kuya na lang sya mabait.

"Mula ngayon, hindi mo na susuotin 'tong mga damit na 'to. Kasi pera ko ang binili nito," tumango naman ako kahit hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko pwede suotin ang mga damit na yun. Binili namin 'yon sa mall kasi sabi niya para sakin lahat ng 'yon kaya hindi ko maintindihan kung bakit hindi ko na sila pwedeng suotin. Sayang, magaganda pa naman.

May mga ibinigay sya na malalaking damit kaya lang mukhang luma na. Mas maganda pa mga damit ko dito dati e kahit mumurahin lang 'yong mga 'yon. Pero hindi na ako umangal pa. Ayaw ko ng palo. Masakit siyang mamalo.

"Oh bakit ganyan ang suot mo?" tanong ng kalaro ko. Tulog pa kasi si Kuya e, saka may ibang kaibigan si Kuya kaya hindi na kami madalas maging magkalaro.

"Sabi ng tatay namin e," sagot ko sa tanong nya.

"Alam ko na, may naiwan na damit 'yong pinsan ko. Kasya sayo 'yon, sayo na lang. Gusto mo?" agad naman akong tumango.

Hindi ko alam kung gaano katagal na iyong kalaro ko pero hindi pa siya lumalabas ng bahay nila mula nang pumasok siya kanina. Nakaupo lang ako dito sa may pavement, sa tapat ng bahay nila, sa harap ng bahay namin.

At labis ang tuwa ko nang makita ko siya na palabas na ng gate nila. Ang ga-ganda ng damit na dala niya, kulay pa lang pero gustong-gusto ko na. Agad niyang iniabot sakin ang mga 'yon.

"Sige na, sukatin mo na tapos bumaba ka para makita ko," pagkasabi niya niyon ay agad akong tumakbo papasok ng bahay. Hindi na ako umakyat pa sa kwarto ko, sa sobrang excitement ko ay nagtago na lang ako sa kurtina at doon nagpalit. Pagkasuot ko ng damit ay saka ako umikot-ikot. Ang ganda. Para akong prinsesa. Dali-dali akong lumabas pero napatigil din agad nang may pumasok sa isip ko.

'Kung ako ang prinsesa, siya ba ang prinsipe ko? Siya ang prinsipe ko. Hindi pwedeng iba. Siya lang. At dapat ako lang din ang prinsesa niya'

Saka ako nagtuloy palabas ng bahay. Agad naman syang ngumiti nang makita ako. Bagay ba sakin?

"Mukha kang prinsesa, Kristina," nakangiti niyang papuri sakin. Teka? Bakit alam niya na ang pangalan ko, samantalang ako 'di ko pa alam ang pangalan nya. Napasimangot naman ako.

"Oh bakit?" tanong niya sakin sabay hawak pa sa balikat ko.

"Bakit alam mo na ang pangalan ko?" nakasimangot na tanong ko sa kanya.

"Ha?" nakakunot-noong tanong nya sakin. Hindi niya yata nakuha 'yong tanong ko.

"Hindi ko pa alam ang pangalan mo," hindi ko maiwasan ang bahagyang paghaba ng nguso ko.

Mas lalo akong nainis nang tumawa pa siya ng mahina pero saglit lang.

Inabot nya naman ang kamay niya sakin na parang nagpapa-kilala.

"Albus James Wu."

Inabot ko naman yun.

"Kristina Azalea Villazarde," nakangiti kong sambit sa kanya. Mas lalo akong napangiti nang halikan niya ang likod ng kamay ko na para bang isa ako talagang prinsesa at siya ... siya ang prinsipe ko. Siya lang.

"Kilala mo na ako," sabi nya sakin ng nakangiti pa rin.

"Ampangit naman ng pangalan mo, Albus, " at tumawa na naman siya sa sinabi ko.

Bahagya kong nakagat ang labi ko at yinuko ang ulo ko. Baka magalit siya kasi ininsulto ko 'yong pangalan niya. Baka humanap na siya ng ibang prinsesa.

"Wala tayong magagawa. Hindi ko naman pwedeng palitan yun."

Napanguso naman ako at pareho na kaming natahimik pagkatapos. Magkaharap. May naisip ako.

"Bigyan na lang kita ng palayaw," ibinigay ko ang pinaka malaki kong ngiti para hindi siya tumanggi. At napatalon ako sa tuwa nang ngumiti sya at,

"Sige," ang isinagot niya sakin

"Alby!"

Ngumiti naman siya at tumango. Alby! Ang ganda! Hindi na mukhang pang matanda ang pangalan niya. Ang cute at ang pogi na. Parang siya. Bagay na bagay sa kanya. Prinsipe Alby ng Metro Manila. 

Until the Last PageTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon