ELARA'S POV
Katatapos ko lamang magluto ng aming pananghalian. Mabuti na nga lang at hindi ako Aklirah na dugo ang nais inumin. Mabuti rin na abilidad lamang ng isang bampira ang aking nakuha. Mainam na ito kaysa sa mga Aklirah na may pangil at dugo ang hinahanap o di kaya sa mga Arusseb na walang abilidad na gaya ng sa mga Aklirah ngunit mayroong pangil.
"Europa, kakain na!" sigaw ko mula sa kusina. Naghugas ako ng kamay at ipinunas ito sa malinis na basahan.
Labis akong nagtaka nang hindi man lamang siya sumagot. Hindi naman kasi niya ugali na magbingi-bingihan at hindi sumagot kapag tinatawag ko.
"Europa, anak! Pumunta kana dito at kakain na tayo!" muling sigaw ko ngunit wala pa rin akong nadinig na sagot.
Agad akong tumakbo sa kanyang silid. "Europa, anak?" muling tawag ko ngunit wala. Sinuri kong mabuti ang paligid ngunit walang bakas na narito siya.
"Naku, ang batang iyon. Saan kaya sumuot?" tanong ko sa sarili bago kumuha ng balabal at inilagay sa aking ulo. Agad akong lumabas sa bahay at hinanap siya.
"Europa! Europa, anak! Nasaan ka?!" sigaw ko pagkalabas sa aking tahanan.
"Nanay!" sigaw niya kaya naman hinanap ko kung saan nanggaling. Luminga-linga ako sa paligid ngunit wala akong Europa na nakita.
"Nanay! Dito sa taas, sa puno ng mangga!" sigaw nito kaya dali-dali akong tumingala.
"Naku! Europa naman! Malaglag ka diyan! Bumaba ka nga dito, bata ka!" sigaw ko at biglang kinabahan sa nakita.
"Nay, huwag po kayong mag-alala! Ayos na ayos lamang po ako!" sigaw nito habang kumakaway-kaway pa. Nakita ko na mayroon din siyang hawak na mangga.
"Ay, basta! Bumaba kana diyan at umuwi na tayo sa bahay! Kakain na!" sigaw ko dito pabalik.
"Opo nanay!" nakangiting sigaw nito at nagsimulang bumaba na parang unggoy.
"Europa! Dahan-dahan ka naman! Baka mahulog ka!" alalang sabi ko habang pinapanood siya pababa sa puno.
Nang makababa siya ay agad kong niyakap at hinalikan sa noo. Halos magkasing taas na kami. Ang bilis ng panahon, dalagita na siya.
"Anak, delikado na umakyat ka sa puno! Alam mo ba kung gaano mo ako pinag-alala?! Paano kung nahulog ka sa puno tapos napilayan o kaya nabalian?! Paano kung nahulog ka at nabagok ang ulo?! Anak naman!"
Ngumiti siya sa kabila ng paghehesterikal ko. Tignan mo, nakuha pang ngumiti ng batang ito sa kabila ng lahat.
"Nanay, hindi ko po hahayaang mapahamak ang sarili," nakangiting sabi niya.
"Naku, anak. Kinse anyos kana at hindi na dapat palambi-lambitin sa puno! Tignan mo, nakapalda ka pa! Nakita ko nga ang panty mo kanina, kulay berde! Hindi ba't sabi ko sa iyo mag suot ka ng short?!"
"Eh wala naman pong ibang nakatira malapit dito kung hindi tayo lamang. Wala naman pong ibang makakakita ng panty ko bukod sa inyo eh," nakangusong paliwanag niya.
Napahilot naman ako sa aking sentido. "Ah basta! Kapag nakita pa kitang umakyat muli sa puno isasabit na talaga kita diyan! Itatali talaga kita, sige, subukan mo!" pananakot ko dito kaya ngumuso lang siya lalo.
"Oh siya, tara na sa bahay. Nagutom ako sa kakasermon sa iyo," sabi ko at hinatak na siya papunta sa bahay.
---
Tapos na akong kumain at pinagmamasdan siya na nakataas pa ang dalawang paa habang kumakain. Tuloy-tuloy din ang kanyang pagsubo ng pagkain. Wala siyang gamit na kubyertos at nakakamay lamang siya.
BINABASA MO ANG
My Vampire Guard (COMPLETED)
VampireBampira. Ang mga bampira na namumuhay sa unang kaharian ay payapa. Lingid sa kaalaman ng mga tao, may nabubuhay talagang mga bampira. Aklirah. Ang tawag sa mga purong bampira. May dalawang klase ng mga Aklirah. Ang mga masasama at ang mga mabubuti. ...