Quinn's point of view
Napansin ko ang pagiging tahimik ni Zayden habang kumakain kami, gayon na rin si Adrienn.
Ano ba'ng nangyari sa dalawang 'to?
Nagpatuloy lang ang katahimikan sa pagitan naming tatlo. Nang biglang tumayo si Adrienn. Hindi siya nagpaalam sa amin at tuloy-tuloy lang na naglakad palayo sa amin. Nagtataka akong tumingin kay Zayden na nakatingin lang din sa nilalakaran ni Adrienn.
"May nangyari ba?" nag-aalala kong tanong.
May nabuo tuloy sa isip ko. Baka nagtapat na 'tong si Adrienn kay Zayden. Pero bakit wala akong narinig na sigawan o iyak kagabi?
"Wala," sagot ni Zayden saka pilit na ngumiti.
Ngumiti na lang din ako pabalik.
Tuwing nakikita ko si Zayden ay kusa akong nasasaktan. Ang bigat lang sa pakiramdam na may alam ka pero hindi mo masabi.
Pagkatapos naming kumain ni Zayden ay ako na ang nagligpit ng pinagkainan. Habang abala ako sa pagsisinop ng pinagkainan ay may narinig akong malakas na sigaw mula sa labas. Agad akong napalingon at mabilis na tumakbo palabas ng bahay. Laking gulat ko nang makita sina Ayzon, Hyro at mas nanlaki ang mata ko nang makita ko si Ryle.
Nasa labas sila ng gate. Pilit na pinapakalma ni Ayzon si Ryle gayon na rin ang ginagawa ni Hyro. Pero hindi mapakalma si Ryle at pilit na nilalabanan ang hawak ng dalawa.
"Papasok ako sa loob!" malakas na sigaw ni Ryle.
Tumingin ako sa loob ng bahay. Nakita ko namang wala si Zayden sa sala. Mabilis akong lumabas ng gate. Gulat na tumingin sa akin sina Hyro at Ayzon maliban kay Ryle na nagpupumiglas pa rin.
"Ano ba'ng nangyayari?" Kahit alam ko naman kung ano talagang nangyayari ay nagtanong pa rin ako.
Galit na tumingin sa akin si Ryle. "Papasok ako sa loob kaylangan kong makausap si Adrienn!"
"Tama na bro, umuwi na tayo," pag-awat ni Hyro.
Pilit na hindi pinapahalata nina Ayzon at Hyro ang pakay nila rito. Alam kong may alam na ang dalawang ito. Baka nasabi na sa kanila ni Ryle.
Ngumiti ako kina Ayzon at Hyro. "Alam ko..." mahinang tugon ko.
Mas nagulat sila sa sinabi ko.
Alam na naming lahat maliban kay Zayden. Nakakaawa lang na pinaglilihiman siya ng mga taong mahalaga sa kanya. Pwera siguro sa akin dahil sa tingin ko hindi naman ako mahalaga sa kanya.
"Hayaan niyo akong pumasok!" Galit na pagpupumilit ni Ryle sa mga kaibigan na nakahawak sa kanya.
Unti-unting tumulo ang luha niya at bigla na lang lumuhod sa lupa. Hindi kami nagsalita at pinanood lang kung paano siya nagdadalamhati sa nararamdaman niya.
"N-naghintay ako ng ilang araw! Sabi niya ay sasabihin niya agad. P-pero hanggang ngayon ay hindi pa niya nasasabi kay Zayden. B-balak ba niyang itakas na lang ang anak ko sa akin?" Gumagaralgal na ang boses niya dahil sa pag-iyak.
Naawa ako bigla sa kalagayan niya. Kahit sina Hyro at Ayzon ay hindi siya kayang makita sa sitwasyon niya ngayon.
"H-hayaan niyo ako! N-nagmamakaawa ako sa inyo. H-hindi ko na siya mahintay! A-ako na mismo ang magsasabi kay Zayden. A-alam kong maiintindihan ako ng kaibigan natin." umiiyak niyang pagmamakaawa sa amin.
Nagkatinginan kaming tatlo. "Wala kaming kinakampihan Ryle. Pero ang akin lang, trinaydor mo ang kaibigan natin. Hindi ka ba muna nag-isip bago mo ginawa 'yon?" seryosong giit ni Ayzon.
BINABASA MO ANG
My Fiancée Is A Maniac (COMPLETED)
RomanceSabi nila ang ideal girlfriend daw ng mga lalaki ay mahinhin, maayos ang pananalita at maalaga. Lahat ng katangian ng isang dalagang Pilipina ay hindi nakita ni Zayden Cordova kay Quinn Mendez. Ang tawag nga nito kay Quinn ay 'Dalagang tambay', dahi...