Tanggapin Mo Na

55 6 0
                                    

Naalala ko, it was Monday that time. As usual, binubuwisit mo ako dahil wala kang magawa. Napipikon na ako sa'yo pero ayaw kitang patulan dahil alam ko na ito ang mag-uudyok sa'yo na asarin pa ako. Malas nga kasi katabi pa kita. Sa lahat ng lalaking makakatabi ko, bakit ikaw pa?

Kinulit mo ako nang kinulit hanggang sa dumating si Ma'am.
"Class, get a one whole sheet of paper. We will have an activity."

Kinuha ko ang isang papel sa bag ko at hinanap ang ballpen ko. Labis na lamang ang kaba na naramdaman ko nang hindi ko ito mahagilap. Nasaan na ba kasi 'yon?

Kinalabit mo ako pero hindi kita pinansin. Patuloy lang ako sa paghahanap ng ballpen sa bag ko nang magsalita ka.

"Tanggapin mo na." Napatingin ako sa'yo at sa ballpen na hawak mo.

"'Wag na. Alam kong isa na naman 'to sa mga kalokohan mo." Inirapan kita at naghalungkat ulit sa bag ko.

"Kunin mo na kasi. Hindi 'to kasama sa mga kalokohan ko, promise!" Itinaas mo pa ang kanang kamay mo nang sabihin mo iyon. Tiningnan lang kita na parang hindi naniniwala.

"Tanggapin mo na, oh." Kinuha mo ang kamay ko at nilagay ang ballpen. Wala na akong nagawa kundi ang tanggapin ito.

Nagpasalamat ako na sinuklian mo ng isang matamis na ngiti.

---

Araw ng Miyerkules, nasa cafeteria kami ng mga kaibigan ko. Masaya silang nagk-kwentuhan habang ako naman ay nagmumukmok. Naubusan kasi ako ng paborito kong pagkain kaya ganito ako kung makapag-asta.

"Uy, Sherry, 'wag ka na kasing magmukmok diyan. Sali ka sa kwentuhan namin." Nginitian ko lamang ng tipid ang kaibigan ko at kinain na lang ang nabili ko. Hindi ito ang paborito ko pero masarap rin ito.

Nagulat ako nang may biglang kumalabit sa'kin. Tumingala ako at nakitang ikaw pala 'yon. Tinaasan kita ng isang kilay pero isang ngiti ang isinukli mo.

May kung ano kang tinatago sa likod mo. Inilabas mo ito at nakita ko ang paborito kong pagkain. Akala ko aasarin mo ako dahil hindi ako nakabili pero nabigla ako sa sinabi mo.

"Tanggapin mo na."

"At bakit ko tatanggapin, aber?" Pagtataray ko kahit gustong-gusto ko nang kunin ang French fries mula sa'yo.

Natawa ka kaya muli kitang tinaasan ng kilay.

"Tanggapin mo na kasi alam kong gusto mo 'to." Nakangiting sabi mo at binigay ang French fries sa akin.

Nagpasalamat ako na sinuklian mo naman ng isang matamis na ngiti.

———

Ilang buwan ang lumipas, naging mabait ka sa akin. Nung una akala ko may kailangan ka lang kaya ka nagiging mabait pero sabi mo, may mas malalim pa na dahilan.

Hindi na ako nagtanong pa dahil alam kong puro kalokohan at pambubwisit ang nasa isip mo. Pero kahit na puro ka kalokohan, hindi ko maipagkakaila na nahulog na ako sa'yo. Oo, nahulog na ako sa'yo. Hindi ko maiwasang hindi umasa dahil sa mga kilos mo pagdating sa'kin. Hindi ko alam kung may nararamdaman ka rin ba sa'kin o sadyang paasa ka lang talaga.

Pero sana… sana pareho tayo ng nararamdaman.

Imposibleng hindi mo alam ang nararamdaman ko dahil masyado akong halata. Masyado akong vocal tungkol sa nararamdaman ko para sa'yo. Pero wala kang binanggit tungkol dito.

Nabalik ako sa katinuan nang tinawag ako ng kaibigan ko.

"Sherry! Sabi ni Clark puntahan mo daw siya sa rooftop. Maghihintay daw siya." Pagbanggit pa lang niya sa pangalan mo, napuno ng saya at kaba ang puso ko.

Hindi ko alam kung bakit mo ako pinapapunta doon, pero mas importante sa'kin ang makita ka. Cheesy? Ganyan talaga 'pag mahal mo ang isang tao. Nagiging cheesy ka kahit labag sa kalooban mo.

Tumayo ako sa kinauupuan ko at lumabas. Kinakabahang tinungo ko ang rooftop kung saan ka daw naghihintay.

Ine-expect kong pagbukas ko ng pinto, makikita kitang nakasandal sa railings habang nakangiting nakatingin sa'kin pero iba ang nadatnan ko. Nakita kitang may kahalikang iba.

Napasinghap ako sa gulat at nakaramdam ako ng kirot sa puso ko. Sabay kayong napatingin sa'kin at ngumiti.

"Sherry, salamat ah. Kung hindi dahil sa'yo, hindi kami magkakatuluyan nitong si Clark." Saad ng kaibigan kong si Rosa at hinawakan ang kamay mo. Ngumiti ka sa kaniya na nakapagbigay ng kirot sa puso ko.

Gulat pa rin akong nakatingin sa inyong dalawa at kalaunan ay pekeng ngumiti.

"P-Paanong ako?" Tanong ko sa inyong dalawa. Gusto kong maiyak sa sakit pero pinigilan ko. Pinigilan ko dahil ayokong kaawaan niyo ako.

"Ah, kasi pinapaselos ako ni Clark para daw ma-trigger ako at makapag-amin sa kaniya. Kaya ayun, nagtagumpay nga siya. Pero 'wag kang mag-alala, hindi naman ako galit sa'yo. In fact," malapad siyang ngumiti, "thankful ako. Thank you talaga, Sherry, ah?"

Kaya pala. Palagi kong napapansin na nagiging mabait ka sa akin kapag nakatingin si Rosa. Gusto mo pala siyang pagselosin.

"Clark, sige na ah. Mauna na ako. Bye. Bye, Sherry. Thank you ulit!" Hinalikan ka ni Rosa sa pisngi na siyang nakapagpangiti sa'yo.

Niyakap ako ni Rosa bago siya makaalis at nang tayong dalawa na lang ang natitira, tuluyan ng bumagsak ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan kasabay ng pagkawala ng ngiti mo.

"Sana sinabi mo ang plano mo, nang sa ganun ay iniwasan kong mahulog." Mahinang sabi ko sa'yo. Iniwasan kong humikbi.

"Mas mabuti kung hindi mo alam para mas maging makatotohanan. Hindi ko inaakalang mahuhulog ka pala." Sabi mo na parang wala lang kaya nadagdagan ang sakit na nararamdaman ko.

Paano mo nagagawang mawalan ng pakialam sa kapwa? Paturo naman oh, nang sa ganun ay mawalan ako ng pake sa inyong dalawa ng girlfriend mo.

"Ang sama mo." Hindi ko maiwasang hindi mapahikbi nang sabihin ko iyon.

Sobrang sakit pala sa pakiramdam kapag pinaasa ka sa wala. Dati, napapanood ko lang 'yan sa telebisyon o kaya nama'y nababasa ko sa libro. Pero ngayon, nararamdaman ko na mismo.

"Tanggapin mo na." Nakangising saad mo. Napapikit ako at huminga ng malalim para kahit papaano ay mabawasan itong sakit na nararamdaman ko.

"Tanggapin mo na hindi tayo ang para sa isa't-isa. Tanggapin mo na hindi ikaw ang mahal ko. Tanggapin mo na. 'Wag kang magpakatanga." Umalis ka pagkatapos mong sabihin iyon.

Nang mag-isa na lang ako sa rooftop, napasandal ako sa dingding at dumausdos sa sahig. Napahagulgol ako at napahawak sa dibdib ko.

Ito na yata ang pinakamasakit na bagay na naranasan ko sa buhay ko. Pinaasa ako ng first love ko.

Mahal kita pero ginamit mo lang pala ako para makuha si Rosa. Tama nga ako, puro kalokohan ang nasa isip mo. Wala kang matinong naiisip.

Hindi ako galit sa kahit sino sa inyong dalawa ni Rosa kahit masakit ang ginawa niyo. Kagaya ng sabi mo, tanggapin ko. Tatanggapin ko. Mahirap pero alam kong magagawa ko.

Compilation of Short Stories and One ShotsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon