"where it started"
FLASHBACK
"They are our babies."
Umiling ako habang tumutulo ang luha. Paano ko magiging anak ang tatlong sanggol na ito?
"They are our children. They are from us. From you. Touch them..."
Nakasiksik ako sa headboard ng malaking kama dahil hindi magawang lapitan ang tatlong sanggol na may berdeng mga mata. Nakahiga ang mga ito sa pinakagitna ng kama, mga walang muwang, mga inosenteng anghel. Gusto ko silang hawakan, yakapin at halikan dahil iyon ang bulong ng puso ko, hindi ko lamang magawa dahil sa tuwing titingnan ko ang kanilang mukha ay mukha ng lalaking nasa harapan ko ang aking nakikita.
Kapareho niya ng mga mata ang mga munting sanggol. Kapareho ng ilong na napakatangos dahil sa lahing banyaga. Ang mga labi ng mga ito ay kasing hugis at kasing pula rin ng kanya. Pati ang kutis ay sa kanya rin nakuha.
Kinarga niya ang isa. "Hello, little one."
Hindi ko maunawaan ang salita niya, dahil nga sa isa siyang banyaga. Natitiyak kong hindi iyon Kastila, tunog wikang Ingles. Nakarinig na ako nang ganoon sa bahay ng parokya noon. May mga Amerikanong dumating sa aming bayan upang magmasid noong nakaraan, ngunit bakit iba naman ang anyo ng lalaking ito sa mga Amerikanong nakita ko kailan lang.
Ang lalaking ito ay hindi ganoon kaputian. Ang mga mata niyang hindi asul kundi luntian. Ang kutis, buhok at kilos ay iba rin. Iba siya kaya hindi ko masigurado kung anong lahi ang nananalaytay sa kanya. O kung isa nga ba siyang tao o ibang nilalang na mas mataas sa akin.
Paanong sa isang iglap, nagdalang-tao ako sa kanyang mga anak? Halimaw lamang ang may kakayahang isakatuparan ang ganoong kapalaran. Malamang isa siyang halimaw na nagkakatawang tao at ginagamit ang mga sanggol na ito para ako'y malinlang.
Ah, hinding-hindi ko siya hahayaan!
"This will be our home." Tumingin siya sa akin. "Ria. Your name is Ria."
Nag-iwas ako ng paningin. Hindi ko nais na mahulog dahil lang sa kanyang itsura. Hindi dapat ako malinlang ng isang gaya niya.
"I owe you. You made my life complete."
Nang makatulog ang mga sanggol ay umalis ang lalaking may luntiang mga mata. Sinamantala ko ang pagkakataon. Tumayo ako kahit nanghihina pa. Duguan ang suot kong saya pero wala akong pakialam. Kailangan kong makalayo rito bago pa bumalik ang lalaking iyon para bilugin ang ulo ko.
Aalis ako. Tatakas ako!
Lolokohin niya ako at paniniwalain sa mga bagay na hindi ko kayang tanggapin. Nilingon ko ang tatlong sanggol na payapang natutulog sa kama.
Natulala ako sa mga ito. "Sino ba kayo? Ano ba kayo?"
Bahagyang gumalaw ang isa sa mga sanggol. Tumagilid kaya naalis ang nakapulupot ditong kumot. Lumitaw ang makinis at malusog nitong braso. Bahagyang gumalaw ang talukap at ang mahahabang pilik-mata na kasing dilim ng gabi. Ang pisngi nitong mamula-mula ay nabanat nang ngumiti ang munting mga labi. Maging ang dalawa pang sanggol ay may kanya-kanyang kilos. Maliliit, mga munting magagandang nilalang.
Kaya ko bang iwan ang mga anghel na sa akin nagmula?
Lumuhod ako sa harapan nila. Kinuha ko ang munting kamay ng isa at ganoon na lang ang pagdagda ng kakaibang pakiramdam sa akin. Napuno ng damdaming walang pangalan ang puso ko.
"Patawarin niyo ako pero ang sagot ang kailangan ko. Naguguluhan ako kaya patawarin niyo ako kung talaga mga anak ko nga kayo."
Pumikit ako nang mariin at lumayo sa kanila. Hindi sila ordinaryong mga bata, mabubuhay sila kahit umalis ako ngayon. Magbabalik ako sa takdang panahon. Sana lang ay mapatawad nila ako sa ngayon.
BINABASA MO ANG
His Queen
VampireThe day he chose her is the day that her fate was already sealed. *** 'Yong guwapong lalaki na pasyente mo sa mental hospital, na wala kang alam na siya rin pala ang stalker mo, sugar daddy at secret boyfriend na itinatago sa mundo... At may mas nak...