27 - At Last

620 13 5
                                    

"Labis na naiinip, nayayamot sa bawat saglit.. Kapag naaalala ka, wala naman akong magawa.."

"Ano ba 'yan?! Wala bang bago?!"

Napatigil si Primo sa pagkanta sa pagsigaw ng isang parokyano nila ngayon dito sa bar. Pinilit niyang ngumiti, pati rin ang mga kaibigan niya ay napatigil din sa pagtugtog.

"May mga ni-request kami riyan na sinulat namin, ayun ang kantahin mo!" Bulyaw pa ng isa at sa hitsura pa lang nito ay halatang lasing na ang parokyanong ito.

"Boss, ito na lang muna. Maganda 'to. Mamaya na lang 'yang mga request niyo." Sagot ni Primo nang nakangiti.

"Aba! Kami ang customer dito, kaya kami ang sundin mo!"

Hindi na nakasagot si Primo, pero tinitimpi niya ang sarili niyang itapat ang kanyang boses sa mga parokyanong mga lasing na ipinipilit ang mga gusto.

"Tsaka ayusin mo nga 'yang pagkanta mo! Para kang mas lasing pa sa amin ah."

"Edi kayo ang kumanta rito."

Tuluyan nang hindi napigilan ni Primo ang sarili kung kaya't napasagot na siya. At nagwagi siyang inisin ang kanilang parokyano na agad tumayo at akmang lalapitan siya nang agad na inawat ito ng kanyang mga kaibigan.

"Tarantado ka ah! Bastos ka!"

Napangisi lang si Primo, at wala siya siyang panahon para sumagot pa. Sunod niyang narinig ay ang boses ng nagmamay-ari ng bar na siyang kumausap sa parokyano at humingi ng tawad. Wala sa sariling nagpunta muna si Primo sa gilid at umupo, malalim na naman kung mag-isip.

"Primo, ano ka ba?! Ba't mo naman sinagot-sagot pa 'yong customer natin?!"

Bakit? May mali ba sa kanyang nagawa? May mali ba? Sa pagkakaalam niya, wala, wala siyang maling nagawa. Ginawa lang niya ang trabaho niya, ang kumanta, at kasalanan ng parokyano kung ayaw nito ang kinakanta niya.

"At sana sinunod mo na lang 'yong request nila, Primo. Ano ka ba naman, hijo?" Sabi pa ng lalaking nagmamay-ari ng kanyang pinagtatrabahuan at tahimik lang ang mga kaibigan niya na nakikinig sa sermon nito.

At dito natauhan si Primo, humingi siya ng tawad. Hindi pwedeng pati ito ay maapektuhan. Hindi pwedeng pati ito ay mawala sa kanya. Kailangan niyang trabahong ito, kailangan niya para sa nobya niyang nasa ospital pa rin hanggang ngayon.

Pangalawang gabi ng kanyang paghihirap. Pangalawang gabi, subalit bakit pakiramdam niya ay parang ilang taon na? Ilang taon na kung ilarawan niya ang paghihirap na nararamdaman niya. Kailan ba magtatapos ito? Dahil gusto niya nang magpahinga. Gusto niya na lang magising bukas na maging maayos na ang lahat.

"Sorry po, pasensya na." Sabi niya sa kanyang boss.

Aminado siya, aminado siyang hindi siya makapagtrabaho nang maayos. Hindi niya magawa. Dahil ang hirap, ang hirap na habang nangtatrabaho siya ay ang pagsakripisyo niya na kinailangan niya munang iwan si George sa ospital para sa trabahong ito. Para kay George mismo kaya niya ito ginagawa.

Sumapit ang alas 11 ng gabi ay natapos ang trabaho. Agad na nilapitan ni Primo ang kaibigang si Bruce upang ibigay ang isang bagay na unang beses niyang ginamit at dinala sa publikong lugar.

"Oh, bakit 'yan?"

"'Di ba, sabi ko sa'yo, lahat ng nahiram ko sa'yo, ibabalik ko. Pero ito muna, sa'yo muna 'to.. Baka kasi akalain mo na hindi na kita babayaran." Sabi ni Primo, pagtukoy niya sa gitarang regalo sa kanya ni George noong kaarawan niya.

MagbalikTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon