"Ayaw mong maligo"
"Baka mamaya ng kaunti"
Nagkakasiyahan na ang lahat habang tumatalon sa mini falls sa ilog na yon. Doon nagyaya si Nathalie mag lunch. Maganda ang lugar. Talagang preserve dahil hindi iyon dinadayo ng ibang mga tao. Silang mga taga baryo lang daw ang nag pupunta don. May mga dala kaming iihawin na binili ng tatay niya sa palengke ng umagang yon. Ako na ang nag asikaso non.
"So kamusta kayo?"
"Sino?"
"Baks alam mong sinasabi ko. Wag ka pa showbiz. Mahal mo na?"
"Mahal agad. Hindi ba pwedeng gusto muna" tugon ko sa tanong ni Vernel.
"Edi gusto mo na"
Tumigil ako sa ginagawa ko at saka pinagmasdan si Logan na nakikihalubilo sa lahat.
"Hindi ko alam. Pero ramdam ko na totoo siya. May takot parin ako, hindi na yata mawawala yon. Hirap parin magtiwala...pero sa kaniya, parang gusto kong subukan"
"Subukan mo nga. Walang mawawala. Ang mas masakit, kung hahayaan mo siyang mawala nang hindi mo sinubukan" natigilan kami pareho ni Vernel ng biglang naupo sa tabi namin si Nathalie.
"Para kang kabute" ani Vernel
"Wow te. Ganda ko namang kabute"
"Maisingit lang talaga palagi yung maganda"
"Tse...Balik tayo sa topic. Ay wait...babalik pala muna ako sa houz ni mudra. Kukunin ko yung sinaing. Baka jutomz na ang mga papa" Ang malanding bigkas ni Nathalie saka pakendeng kendeng na naglakad palayo.
Malapit lang kasi yon sa bahay nila. Kaya anytime, pwedeng magparit-parito.
"Paano si Harold?" Hindi ako nabigla o nagulat sa tanong ni Vernel.
"Paano nga ba si Harold?" Ang balik na tanong ko.
"Tanong ko yon baks. Wag mong ibalik. Paano siya?"
"Mahal mo siya" sa sinabi kong yon ay napalingon siya sakin "manhid ko pala. Bakit hindi ko naramdaman? Kung hindi pa nangyari yung kagabi, hindi ko man lang mapapansin" naiwang nakabuka ang mga labi ni Vernel "english-in ko ba Vernel. You had feelings for him. Naramdaman ko. Nakita ko. And don't you ever deny. Kailan pa?"
Tumingin ito sa mga kasamahan naming busy parin sa ginagawa nila. Kabilang na si Harold.
"Hindi ko kayang sagutin yan baks"