"Ito ang bahay ni Mrs. Claire. May katiwala naman sila kaso may edad na kaya gusto kong tulungan" ani Pitchy habang naglalakad kami papasok sa bakuran ng tahanan ni Mrs. Claire.
Nakaka engganyo pagmasdan ang paligid. Masarap sa pakiramdam. Maraming namumulaklak na halaman sa paligid. May maliit na groto. May pool din sa kaliwang bahagi ng bahay na katamtaman lang ang laki. May mini garden din. Puro berde at makukulay ang nakikita ko. Parang ang sarap tumira sa ganoong bahay na may magandang kapaligiran.
"Tumawag sakin si doctora. Bukas pala ang dating ng kapatid niya. Excited na kong makilala siya"
"Magugustuhan mo siya sigurado yon. Tara na"
Dahil nga sa kalagayan ko, puro punas lang ang pinagawa nila sakin. Taga abot ng magagaan na bagay. At kung sa labas palang maganda na ang bahay ni Mrs. Claire, doble ang ganda nito sa loob. Hindi ito puno ng mamahaling bagay o kasangkapan. Kaunti nga lang ang mga naka display doon. Maganda kasi ang disenyo at saka ang kulay ng pintura. Malamig sa mata at sa pakiramdam.
Hapon na ng matapos kami. At umuwi narin pagkatapos. Gabi pa ang dating ni Mrs. Claire kinabukasan kaya papasok muna ako at si Pitchy sa store. Inimbitahan ko ang nanay na sumama sa amin ni doctora Celestine para makilala din nya ang taong tumulong sakin kahit hindi ako nito kilala.
"Nay, huwag mong kalilimutan yung lakad natin bukas. Isasabay na daw tayo ni doctora papunta kina Mrs. Claire" paalala ko dito habang nanonood kami ng television.
"Oo. Maaga ako uuwi at bibili ako ng pwede nating dalin para sa kaniya bukas"
"Maaga din ako uuwi kasi ipagluluto ko siya ng adobo. Sabi kasi ni doctora, yon ang paborito ni Mrs. Claire. Sana magustuhan niya nay"
"Sigurado yon. Masarap ka naman talaga magluto. Sa oras na makapanganak ka, bumalik ka sa pag aaral. Tapusin mo ang kolehiyo dahil iyan lang ang panlaban mo sa hirap ng buhay. At yan lang ang kayamanan na meron ka"
"Hindi ko alam nay. Parang mahirap eh. May anak ako na dapat suportahan. Mas kailangan niya ng financial. Kahit magtrabaho ko, hindi ko kayang hatiin pa yon para sa pag aaral ko nay"
"Nandito ko di ba. Hindi ko naman kayo pababayaan"
"Pero may trabaho din kayo nay. Paano yon?"
"Natatandaan mo naman siguro ang tiya Nida mo"
"Opo nay"
.
"Hindi ba mag isa naman yon sa buhay. Hindi nakapag asawa. Wala ding kapatid. Wala na din ang mga magulang niya. Minsan kasi nabanggit niya na mahirap daw ang mag isa. Eh totoo naman nga. Naisip ko kasi...pwede natin siyang kunin para mag alaga sa apo ko habang nasa trabaho tayo. At ikaw habang nag aaral"