ꜱᴀ ɪʏᴏɴɢ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ꧁
Pasikat pa lamang ang haring araw ay buhay na buhay na ang bayan ng Santa Cruz dahil sa darating na kaarawan ng kanilang alkade. Mula siya sa pamilya ng mga purong filipino na kung tawagin nila'y mga indio.
Naging malaking balakid ang kanyang antas sa buhay nang una siyang mahalal. Maraming nagtaas ng kilay at nagduda sa pagkamakatarungan ng naging resulta nito. Subalit walang nagtangka at sumubok na usisa sa katotohanan.
Ngunit nalalaman ng alkade ang agam-agam ng kanyang mga mamamayan. Hindi siya pumayag na marungisan ang kanyang ngalan sa lipunan. Kaya kahit ibig sarilinin ang kanilang pribadong buhay, pinili niya itong ibahagi sa karamihan.
Maagang nabiyuda ang kanyang ina. 'Di kalaunan ay nakapag-asawa ito ng isang peninsulares. Sila ang mga purong kastila na ipinanganak sa Espanya ngunit naninirahan sa Filipinas.
Simula noon ay nagkaroon na ang alkalde ng posisyon sa buhay. Mula sa pagiging indio ay nahango na siya kalipunan ng mga kastilang may dugong indio na tinatawag nilang mestizo. Ito'y bagamat na purong filipino ang dugong nananalaytay sa kanyang ugat.
Siya man ang alkade ng kanilang bayan ay may mas bantog at mas makapangyarihan pa sa kanya. Ito ang Familia Marchesa.
Kilala ang pamilyang ito dahil sa hekta-hektaryang lupain na kanilang pagmamay-ari. Hindi lamang sa Santa Cruz, mayroon din silang ari-arian sa mga karatig-bayan at maski sa Maynila.
Ang kayamanan ng Familia Marchesa ay buhat ng kanilang mga ninuno. Sinasabing aristokratiko ang mga ito't likas sa kanila ang pagiging empresario. Hindi na rin kataka-taka ang naimpok nilang salapi't ari-arian sapagkat parehong maimpluwensya ang pamilya ng mag-asawa.
「Empresario : Entrepreneur」
Dahil sa parehas na may dugong banyaga, nakakaangat-angat sa buhay ang Familia Marchesa. Lalo pa nitong napalago ang kanilang mga salapi't ari-arian dahil sa bumantog nilang pagawaan ng masasarap at purong lambanog. Marami rin silang kakilala at kaibigan mula sa Nueva Espanya.
Bukod pa rito, ang nag-iisa nilang anak ay isang heneral ng hukbong sandatahan ng kanilang bayan.
Hindi maipagkakaila ang kanilang katanyagan sa lipunan. Ngunit sa kabila ng kanilang kasikatan, nananatiling nakatapak sa lupa ang mga paa ng Familia Marchesa. Tulad ngayon na sila'y tumutulong sa pamamalakad ng mga palamuting isasabit sa mga kabahayan at mga puno sa daan.
Bukambibig ng mga ginoo ang pangalan ni Don Frascuelo Marchesa Delgado. Sa bawat pagpupulong at desisyon, hinihingi nila ang opinyon nito. Hindi maaaring walang masabi ang don dahil 'di mapapanatag ang mga ginoo sa dapat nilang gawin.
Lagi namang kasama ng mga ginang si Doña Soledad Escuelta del Hierro upang makibalita sa magaganap na okasyon. Ayon sa kanila'y mas mainam maghayag ng saloobin ang doña kaysa sa kani-kanilang mga asawa.
Sa ilalim ng sikat ng araw at maging sa sinag ng buwan, abala ang lahat sa paghahanda't pagpaplano para sa malaking handaan. Pukpok doon, pukpok dito ang madalas marinig ngayon sa kanilang bayan. Sa plaza del pueblo hanggang sa tahanan ng alkalde, may ginagawa ang lahat sumapit at lumipas man ang tanghalian.
Maririnig ang matitikas at matitipunong tinig ng mga Guardia Civil sa gitna ng plaza del pueblo. Pawang nakahanay sa dakong walang habong at ni anino'y ayaw silang malapitan. Ang tindig na kanina pa nilang minamadig ay 'sing tuwid ng sable na nakasabit sa kani-kanilang bayna. Walang nagpupunas ng pawis na lumilikha na ng daloy.
「Sable : Saber」
"Balita ko'y natugis ng heneral ang iyong tiyuhin? Nalalaman mo ba kung ano nang nangyari sa damuhong 'yon?" usisa ng isang matandang babae habang nagkakamot ng likod. Siya at ang apat pang kababaihan ay naroroon din sa plaza del pueblo upang tumulong magtabas ng damo.
BINABASA MO ANG
Estrella Cruzada ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮
Ficción históricaA princess whose past is shrouded in mystery, yet she shares a timeless love story. Despite being overlooked by her parents, she has found her prince charming, embodying the essence of a classic fairytale. However, Aria is not a princess. The moment...