꧁ ѵıı | ʂıєɬє

2.7K 294 251
                                    

ꜱᴀ ɪʏᴏɴɢ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ꧁

Tahimik ang kapaligiran. Tanging mga siyap ng insekto at kaluskos ng mga dahong sumasayaw sa malalakas na ihip ng hangin ang maririnig. Pati ang mga bubuyog na bubulung-bulong sa mayuyuming bulaklak ay nahihiyang gumawa ng ingay.

Sa isang malaking silid ay may dalawang malalaking bintana. Gawa ito sa matitibay at mamahaling capiz na napapalamutian ng matitingkad na kulay bughaw na kurtina. Naririto ngayon ang isang dalaga na nakahiga't natutulog. Siya ay pinagmamasdan ng mag-asawang Marchesa-Escuelta at ng kanilang anak.

May sindi ang mga gasera at ang mga kandila ng isang malaki't gawa sa pilak na aranyang nakasabit sa gitna ng silid. Ang mga ito ang nagsisilbi nilang liwanag sa malamig na gabi.

Namumutawi ang bakas ng pag-aalala sa mukha ng doña. Hindi maalis ang kanyang mga mata sa kaawa-awang hilatsa ng dalaga.

"Naidulog mo na ba ito kay Heneral Amadeo?" ang tanong ni Don Frascuelo kay Juan Vicente matapos makita ang pagkabahala sa mukha ng asawa.

Si Juan Vicente na naroroon sa malaking bintana ay agarang luminga sa kanyang ama. Nagmamasid siya sa labasan at nagbabaka-sakaling may dadatal na taong susundo sa dalaga. Subalit tanging mga magbubukid lamang at nagpapastol ang siyang dumaraan.

"Hindi pa po, papa. Hinihintay ko kung may darating para sa kanya. Ang mga nakakita sa binibini kanina'y tinitiyak kong ipababalita sa iba ang tungkol sa kanya," sagot ni Juan Vicente bago daglit na sumilip sa labasan. Humarap siya sa kanyang mga magulang at pagkaraan ng ilang sandali'y lumapit na sa mga ito.

"At bakit hindi? Natitiyak kong hindi tagarito ang babaeng 'yan. Mahalaga na malaman ng punong heneral ang tungkol sa kanya," nagtatakang pangaral sa kanya ni Don Frascuelo. Tumango ang binata at ibinaling ang tingin sa dalaga.

'Pagkat may sarili siyang pamamaraan tungkol dito, hindi na tumugon si Juan Vicente sa kanyang ama.

"Sa ilang sandali lamang ay papanaog ako upang sumulat ng liham para sa punong heneral. Ito'y ipararating ko sa kanya pagputok ng bukang-liwayway. Ang mainam sa ngayon ay maghintay," matikas at walang alinlangang saad ni Juan Vicente habang nananatili ang tingin sa dalaga.

"Sa pamimitak pa ng araw?" tila gulat na tanong ni Don Frascuelo at hinawakan ang kanang balikat ng anak, "Como quieras, Juan Vicente. Subalit ibig kitang paalalahanan. Hindi maganda na siya'y manatili sa aking pamamahay." (Whatever you want, Juan Vicente.)

Pagkarinig pa lamang sa kanyang pangalan ay bahagyang kumunot ang noo ni Juan Vicente. Datapwat tila ba walang napapansin, nagpatuloy sa pangangaral si Don Frascuelo.

Nahihinuha ng anak ang ibig iparating ng kanyang ama. Samakatuwid, si Juan Vicente ay tumango na lang muli at 'di na tumugon. May punto si Don Frascuelo at maski si Juan Vicente ay nababatid ito. Hindi nila kaanu-ano ang dalaga at kung magtatagal ito sa kanila'y manganganib ang kanyang mabuting pangalan.

Lalo pa kung may katipan ang dalaga. Kapag nalaman ng nobyo nito na kasa-kasama niya sa iisang bubong ang anak na binata ng mag-asawang Marchesa-Escuelta, pagmumulan ito ng hindi magandang pagkakaunawaan.

Nang hindi tumugon ang kanyang anak, tahimik na lang niya itong pinagmasdan. Ang mga tingin ni Juan Vicente ngayon ay sadyang nakakapanibago sa mata ni Don Frascuelo. May bahid ito ng kausyo-sohan na bihira lamang niya masilayan sa kanyang anak.

Estrella Cruzada  ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon