꧁ ҳı | ơŋƈє

2.5K 232 160
                                    

ꜱᴀ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ɴɪ ᴀʀɪᴀ

"Mira tus mentiras y encontraras tu verdad," may biglang nagsalita sa aking likuran. Sa kabila nang kaba at kalituhan, nagawa ko pa ring itago ang mga iyon nang ako'y humarap sa kanya.

Subalit hindi ko rin pala ito maililihim. Sapagkat ang pares ng mga mata na aking nasilayan ay hindi maipagkakaila. Waring may malaking salamin sa aking harapan na pinaparisan ako. Naglakbay ang mga mata ko sa kabuuhan ng estranghero. Sa uri ng kanyang pananamit hanggang sa anyo ng pangangatawan, tila ba binisita ako ng multo sa aking nakaraan.

Napaamang ang aking bibig at nanlaki ang mga mata ko. Subalit nanatiling lubag ang aking kawangis. At salungat sa labi kong 'di magawang tumikom, ang kanya ay matamis na kumurba na tila nasisiyahan sa nakikita.

"Isipin ang karapat-dapat na tanong, at sasagutin ko ito ng tama para sa iyo," aniya. Malumanay at nakakahalina ang kanyang pananalita. Ngunit ni hindi ko magawang humanga sapagkat ang tinig na 'yon ay siya ring akin.

Nang hindi ako magsalita, lalong lumawak ang kanyang ngiti at ang mata niya'y nilisan ang sa akin. Dumako ito sa kung saan, at napansin ko ang pangingintab ng kanyang balintataw.

"Mira tus mentiras y encontraras tu verdad," ang pag-uulit niya, "Iyon ang itinatangi kong linya sa aklat na iyan."

I totally pulled back and held onto the book more when she mentioned it. I gave her a skeptical look and furrowed my brow.

"Alam mo ang diary na 'to?" mahina at alanganin kong tanong kahit na napupuno ng hinagap ang aking isipan.

"Nababatid ko ang aklat na iyan... Subalit ikaw lamang ang nakakaalam sa iyong talaarawan. Ang iyong hawak-hawak, ano sa tingin mo ang totoo tungkol d'yan?" waring nangbubuyo ang tono ng boses niya kahit napaka-inosente ng kanyang mukha.

Saglit na itinuon nito ang kanyang mata sa akin na nagsasabing sundin ko ang ibig niyang mangyari. Sabay kaming nagbaba nang tingin tungo sa librong hawak ko.

"Nahihinuha mo na ba ang katanungan sa wastong sagot na iyong ibig marinig?" rinig ko pang udyok niya. Subalit wala akong oras para isipin ang katanungang iyon. Ang hawak kong libro... Hindi ito ang aklat na nakita ko noon sa aking hinaharap.

"El Amor es la Marca de la Muerte... Ang Pag-ibig ay Tanda ng Kamatayan," ang pagbasa ko sa pamagat ng aklat. Hindi ito ang aklat na dahilan ng pagkakapunta ko rito sa nakaraan. Paano napasakamay ko ang aklat na ito gayong nakasisiguro akong ang aking hawak-hawak kanina ay ang diary ng prinsesa?

"Ang aklat na iyan ay isang lihim na hindi para sa iyo. Hindi pa ito ang takdang oras at mahaba pa ang iyong lalakbayin kung iyan ang 'yong nababasa. Alalahanin mo ang iyong kasinungalingan. Balikan mo ang kanyang katotohanan. At doon mo ako matatagpuan," makahulugan niyang saad sa akin. Ang kanyang matamis na ngiti ay nababahiran na ng pait at lumbay. Na para bang may nagawa ako na sanhi para maramdaman niya 'yon.

"Ano ba'ng sinasabi mo? Bakit ba hindi mo na lang ako diretsuhin?" pagbabali ko sa kanyang misteryosong pananalita.

"Ikaw... Kailangan mong malaman ang katotohanan sa kanyang pagkatao. Sa puntong maisambit mo ang salamangka ng kanyang ngalan, magbibigkis ang mga pising pinutol ng tadhana. At magwawakas ang lihim na ikinubli ng oras sa mahabang panahon. Sa tinig mo mangyayari ang lahat. Hihintayin ko ang wastong katanungan upang ibigay sa 'yo ang totoong kasagutan," malalim, magulo at malamang pahayag niya habang nakatingin sa aking mga mata. Subalit waring kinakausap niya ang kaluluwa kong naliligaw sa karimlan.

Estrella Cruzada  ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon