꧁ ҳıҳ | ɖıєƈıŋųєʋє

2.3K 112 44
                                    

ꜱᴀ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ɴɪ ᴀʀɪᴀ ꧁

Isang malaking hapag na marikit at magarang nagagayakan ang nakalagay sa gitna ng bulwagan. Ang hapag na ito'y waring kumakaway at mairog na nangangako sa mga kantanod. Samantalang nagbabala naman sa mahihiyain at dugong binibini na siya'y makakaumpok at makakausap ng mga panauhing dayuhan sa loob ng dalawang oras na kainip-inip.

Kantanod : Tambay

Hindi pa rin humuhupa ang dagundong ng aking dibdib kahit nakakapawi ang orkestrang natugtog sa sulok ng malaking bulwagang ito.

"Talagang pinaghandaan ni Don Santiago ang piging na ito. Nababatid mo ba, tinyente, ang paksa ng okasyon?" may ngiti sa labi ng doña nang ito'y itanong kay Tinyente Guevarra.

"Aking ikinalulungkot ngunit hindi ko rin alam ang dahilan, señora," ang tinuran ng tinyente na salungat sa masiglang tono kanyang pananalita.

Inilihis ko ang atensyon sa kanila at naglibot ng tingin. Ngayon lamang ako makakaranas ng ganitong pormal na pagtitipon.

May mga lumang kuwadrong nakasabit sa mga pader. Ang mga panauhin ay nangasa bulwagan. Ito'y napapalamutian ng malalaking salamin at maniningning na aranya. Sa ibabaw ng isang hindi kataasang baitang ay nakalagay ang isang malaki at magarang piyanong "de cola" na walang tumutugtog.

Marahil siguro ay dahil may orkestra nang inarkila ang puno ng pistang ito.

Halos puno ang bulwagan ng mga panauhin. Ang mga lalaki ay nakahiwalay sa mga babae, na gaya ng nakita ko sa simbahang katoliko at mga sinagoga. May ilang dalagang mestiza at peninsulares na kapag naghihikab ay tinatakpan agad ang kanilang bibig ng dalang pamaypay.

Manaka-naka lamang kung sila'y mag-usap at ito'y pabulong pa. Ano mang salitaang kanilang simulan ay agad natitigil sa isa o dalawang kataga. Tulad ng mga huni ng daga at halutiktik ng mga butiki sa gabi.

"Señor, señora, ako'y hihimpil na lamang sa isang tabi upang hindi makaabala sa inyong kasiyahan," pagpapaalam ni Albino habang nakayuko sa amin.

Tumango si Doña Soledad pagkaraan ay nagtungo na si Albino sa gilid. Malapit lang siya sa kinatatayuan namin at nagmamatyag sa mga nangyayari. May mga iba ring guardia civil na nagsisilbing bantay ng mga maharlikang dumalo rito sa handaan.

Nagsimula ng dumagsa ang mga tao sa bulwagan dahil oras na ng hapunan. May ilang panauhin na rin ang lumalapit sa amin at interesadong makausap ang doña.

Noong una ay hindi ko maintindihan ang pagtutol ng doña sa aking pagdalo sa salu-salong ito. Hindi tulad noong kaarawan ng alkade sa Santa Cruz na pumayag siya agad ng walang pag-aalinlangan.

Ngunit sa aking nasisilayan ngayon alam ko na ang dahilan ng pagdadalawang isip niyang isama ako.

Bagamat masigla at puno ng ingay ang paligid ay ramdam ko ang hindi maipaliwanag na pagkailang ng mga panauhin. Parang may hindi nakikitang pader na humaharang sa pagitan ng bawat bisita. Tumpok-tumpok ang mga magkakapareha at kanya-kanya sila ng paksang pinag-uusapan.

Hindi tulad noong kaarawan ng alkade na nakikihalubilo ang lahat.

"Ah! Namamalas ko sa hindi kalayuan ang aking mga amigo. Ako'y tutuloy at babati muna sa kanila, señora," matapos magpaalam ni Tinyente Guevarra kay Doña Soledad ay bumaling siya sa akin, "At sa iyo, binibini. Nawa'y masiyahan ka sa gabing ito."

Amigo : Friend

Matapos naming bigyan ng ngiti ang tinyente ay dali-dali siyang lumisan at sumama sa isang kumpol ng mga kalalakihan.

Estrella Cruzada  ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon