꧁ ҳҳҳı | ɬгєıŋɬą ყ ųŋơ

2K 91 9
                                    

ꜱᴀ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ɴɪ ᴀʀɪᴀ ꧁

"Binibini?" hindi ko na natuloy ang aking sinasabi dahil may tumawag sa akin.

Nanlaki ang aking mga mata nang ako ay matauhan.

Lumukso ang tibok ng puso ko sa pag-aakalang si Ibarra ang tumawag sa akin. Ngunit agad akong nakahinga ng maluwag nang makalingon at makita si Albino na nakapiling ang ulo na parang nagtataka.

"Binibini," muling tawag niya sa akin.

"Huh?" ang nasabi ko na lamang.

Naghahanap pa ako ng masasabi dahil hindi ko na naman maipaliwanag ang lumabas sa aking bibig.

Makailang beses nang nangyayari sa akin ito. Ang mga imahe sa isipan ko na bigla-biglang lumilitaw at tila ba isang alaala na noon lamang nanumbalik sa akin. Mga tinig na akin lang nahihimigan ngunit hindi ko mawari kung saan nagmumula. Ang poot, lungkot, pangungulila at pagkabahala na agad ko na lamang nararamdaman.

Hindi ko alam kung sinasapian na ba ako ng kaluluwa na siyang nagmamay-ari ng mga iyon, o may nagbabago na talaga sa aking pagkatao.

Hindi ko alam.

"Ano ang ginawa mo sa aking ama?!" ang muling tanong ni Ibarra na agad nagpabalik ng aking atensyon sa kanila.

Nawala ang aking iniisip dahil nanumbalik ako sa kasalukuyang nangyayari. Nagkasalubong nga pala sina Ibarra at Padre Salvi. At dahil sa nalaman ni Ibarra kanina, natitiyak kong wala siya sa matinong pag-iisip ngayon.

Kumunot ang noo ko sa ginawa niya sa prayle. Alam kong alam niya kung ano ang bunga nang panghahamak ng isang tao sa alagad ng simbahan. Nababahala ako na baka makagawa si Ibarra na magiging sanhi ng pagka-eskomulgado niya.

Ako ay humakbang upang pigilan si Ibarra, ngunit agad na humarang sa aking harapan si Albino.

"Albino, tumab-"

"Binibini, ang hilahil ni Don Crisostomo ay sa kanya upang aregluhin. Hindi n'yo po kailangan manghimasok," walang pag-aalinlangan sabi ni Albino sa akin.

Hilahil : Trouble

Natahimik ako sa kanyang sinabi. Gusto kong sumabat ngunit walang salita ang namumuo sa aking isipan. Hindi ko tuloy mapigilang samaan ng tingin si Albino. Nahimasmasan ako't bumaling na lang sa kinaroroonan nina Ibarra at Padre Salvi.

Ang prayle, na unti-unting nahutok ang katawan dahil sa lakas ng kamay na dumiriin sa kanya, ay nagpumilit na sumagot nang, "Kayo'y nagkakamali. Ako ay walang anumang ginawa sa inyong ama!"

Dahil nakalalamang sa tikas ng pangangatawan si Ibarra ay hindi magawang manlaban o magpumiglas si Padre Salvi. Ang abito niya ay nasasayad na sa lupa at narurungisan ng mga alikabok at lupa.

"Anong wala?" ang patuloy ni ibarra at ipinagdiinan niya ang kausap hanggang sa lubusang mapaluhod ang prayle.

Tila nilalamon ng anino ni Ibarra si Padre Salvi. Napahawak na lamang ng mahigpit ang prayle sa kanyang suot-suot na rosaryo. Kung titignan ay hindi mapagkakaila na tila hinaharas ni Ibarra ang walang kalaban-laban na si Padre Salvi.

Ni hindi man lamang magawang pigilan ng matandang utusan na kasama ni Ibarra na pigilan siya. Patuloy itong parito't paroon sa dalawa at hindi malaman kung sino ang ilalayo kanino.

"Hindi po ako. Natitiyak ko sa inyo ang bagay na ito! Kung hindi ang aking hinalinhan, si Padre Damaso-" ani Padre Salvi habang nakapikit at nakatingala sa langit.

"A!" ang nasambit ng binata sabay bitaw sa padre at saka nagtampal sa kanyang sariling noo.

May kumurot na naman sa aking puso nang makita ang reaksyon ni Ibarra sa sinabi ni Padre Salvi.

Estrella Cruzada  ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon