꧁ ҳҳѵııı | ʋıєŋɬıơƈɧơ

2K 93 7
                                    

ꜱᴀ ɪʏᴏɴɢ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ

Pagpasok nina Mirasol at Albino sa pamilihan ay magkasama nilang kinilatis ang bawat tao na kanilang madaraanan. Dahil ayaw ni Albino na iwanan ang binibini ay sabay nilang tinahak ang looban ng pamilihan.

Hindi alam ni Mirasol kung ilang minuto na ang nakalilipas ngunit ni anino ng ginoo na nais niyang makita ay hindi man lamang masupil ng dalawa.

Sa walang layon nilang paglilibot sa pamilihan at sa gitna ng bugso't ingay ng mamimili, isang tinig ang nagpahinto sa paglalakad ni Mirasol.

"Binibining Mirasol! Binibini! Hindi ko inaasahang magtatagpo ang landas natin dito sa pamilihan," ang sabi ng tinig na tumawag sa kanya.

Nang kanyang lingunin ang pinagmulan nito'y nasilayan niya ang dalawang binibini na pawang nakabelo at nagpapaypay ng abaniko.

Si Mirasol ay tuluyang humarap sa kanila't yumukod upang bumati.

"Magandang umaga sa inyo, mga binibini," ang magalang niyang pagbati.

Nginitian siya ni Sinang at iginiya ang kanyang marilag na kasama upang lapitan si Mirasol. Sa kanilang paglapit ay sakto naman ang dating ni Albino. Sila'y kanyang binati matapos makalapit.

"Binibini, anong layon n'yo sa pamilihang ito? Ika'y aking nasilayan kanina na tila ba may hinahanap. Sapagkat ikaw ay bagong salta pa lamang sa aming pueblo'y nakatitiyak kong hindi mo pa nalalaman ang pasikut-sikot dito," usisa ni Sinang.

Tipid lamang ngumiti si Mirasol sapagkat wala siyang balak ipagbigay-alam sa iba ang nakilala niya rito. Pansin niya na pilit itinatago ng ginoo ang kanyang pagkakakilanlan. Ayaw ni Mirasol magbigay ng kahit katiting na kaalaman kung ang sarili niya mismo ay kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa ginoo.

Mukhang napagtanto ng kasama ni Sinang na hindi magsasalita si Mirasol ukol sa paksang iyon. Kung gayon ay nagbukas siya ng panibagong paksa matapos ng ilang segundong pag-iisip.

"Mabuti pa'y isama na lang natin ang binibini sa ating pagbisita kay Maria," mungkahi nito.

Agad na lumawak ang ngiti ni Sinang bago nito takpan ng abaniko ang kalahati ng kanyang mukha.

"Tama ka riyan!" nananabik na turan niya bago huminto at tumingin sa kanilang dalawa, "Nga pala, ako ay nanabik sa muli nating pagkikita't nakaligtaan ko ang isang bagay. Ito nga pala si Iday, kaibigan din naming matalik."

Ang tatlong binibini ay daglit na nagkapalitan ng salita at nakakilalanan. Ngunit dahil dumarami na ang mga tao sa pamilihan ay hindi maiiwasang magkasiksikan.

Sa huli ay iminungkahi ni Iday na sila'y magtungo na sa tahanan ng kanilang bibisitahing kaibigan. Nagpasya na ring sumama si Mirasol upang hindi mapahiya si Sinang kung ito'y kanyang tatanggihan.

Subalit ang tunay na dahilan ay iniiwasan niyang makita ang doña. Dahil bigla-bigla na lamang lumisan sa karwahe si Mirasol, paniguradong mapapagalitan na naman siya ni Doña Soledad.

"Albino, hindi mo na ako kailangang samahan. Mabuti pang iparating mo na lamang kay Doña Soledad na humihingi ako ng tawad dahil sa nangyari kanina. Idagdag mo na rin na hindi ko siya masasamahan sa simbahan sapagkat nagsalubong ang landas namin ng aking mga kaibigan," bilin ni Mirasol ng makalabas sila sa pamilihang bayan.

Doon ay nakaabang ang isang marangyang karwahe na gawa sa pinakinis na kahoy. Nakatindig sa tabi ng malusog at maputing kabayo ang kutsero na tila kanina pa naghihintay.

"Ngunit, binibini, inaasahan kayo ng doña sa simbahan," giit ng guardia civil.

Tutugon pa sana si Mirasol nang lapitan sila ni Sinang.

Estrella Cruzada  ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon