ꜱᴀ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ɴɪ ᴀʀɪᴀ ꧁
Mataimtim kong tinitigan ang malaking krusipiho na nasa gitna ng altar bago unti-unting tumungo't nagtanda ng krus.
Tuluyan na kaming lumabas ng simbahan pagkatapos ng ilang saglit na pagninilay-nilay. Paglabas namin ay ramdam na ramdam ko na ang sikat ng araw na tumatagos sa aking balat. Inabot na kami ng tirik ng araw. Kailangan ko na talagang umuwi dahil malalagot ako kay Doña Soledad.
"Albino, maghanap ka na lamang ng makukuhang kutsero na maghahatid sa atin pauwi," baling ko kay Albino na nasa aking tabi.
Agad na tumango't tumalima ang aking guardia civil bago umalis at maghanap ng mauupahang kalesa.
Ilang segundo lamang ang nagtagal nang marinig kong may tumawag sa aking pangalan.
"Maria..."
Agad kong nilingon ang may ari ng boses. Nasilayan ko ang isang matangkad, maputi at payat na prayle. Nakangiti siyang naglalakad palapit sa akin.
Ngunit nang makita niya ang aking mukha ay daglit na nanlaki ang kanyang mga mata. Ngunit hindi rin nagtagal at lumawak ang ngiti nito.
"Buenas dias, Padre Salvi," magalang kong pagbati sa prayle na tumawag sa akin.
"Pagpalain ka nawa ng mahabagin nating Diyos, binibini," malumanay na tugon niya sa akin.
Matapos noon ay wala nang nagsalita sa pagitan naming dalawa. Nakatingin lamang ako kay Padre Salvi at hinihintay ang susunod niyang sasabihin. Ngunit ang prayle ay nakangiti lamang habang nakatingin sa akin.
Naghintay muna ako ng ilang sandali sa pag-aakalang kumukuha lang ng tyempo si Padre Salvi upang ilahad ang kanyang ibig sabihin. Nagbilang na rin ako kung ilang mga dahon ang nanlalaglag sa lupa mula sa puno na malapit sa amin. Subalit sa kabila ng lahat ng ito ay nananatiling tikom ang kurbadong labi ng prayle.
"Ipagpaumanhin ninyo, ngunit bakit n'yo ho ako tinawag?" nagtatakang tanong ko matapos ng ilang segundong katahimikan.
Tila natauhan si Padre Salvi sa aking tanong kaya inalis na niya ang tingin sa akin. Bumaba iyon at humimpil sa aking mga kamay na magkasaklop.
"Nasilayan ng aking mga mata ang rosaryo na iyong suot-suot, Binibining Mirasol. Kaya naman napagsapantahan kong ika'y si Maria Clara buhat niyan," tugon ng prayle nang hindi inaalis ang tingin sa aking kamay.
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig.
Maria Clara? Ang Maria Clara ni Ibarra?
Dahil sa pagkagulantang ay naibaba ko rin ang aking tingin sa aking kamay na may suot na rosaryo tulad ng ginawa ni Padre Salvi kanina.
Ang dalagang nagbigay sa akin nito nang una kong makilala si Padre Salvi ay si Maria Clara de los Santos?
Sa naisip kong ito ay bigla na lamang tumibok ng malakas ang aking dibdib. Isa, dalawa, tatlo at sandaling huhupa. Isa, dalawa, tatlo at muli na namang mababagal. Ganyan ang ritmo ng tibok ng aking puso ngayon.
Naingat ko ang aking kamay upang matingnang maigi ang rosaryo. Hindi ko alam kung kailan nagsimula ngunit aking pakiwari'y matagal nang nasa akin ito. Na para bang simula pagkabata ay nasa akin na ang rosaryo at nawalay lang sa aking paglaki. At ngayon ay naibalik na ito sa aking piling.
"Binibining Mirasol, sadyang hindi kayo maitulak-kabigin ni Maria. Nawa'y maunawaan mo ang aking pagkakamali," paumanhin pa ni Padre Salvi.
Akmang kukunin niya ang kamay kong nakataas sa ere kaya agad na dumagundong lalo ang aking puso. Nakaramdam na naman ako ng pagkagitla. Ibig kong lumayo at iwasan ang kanyang kamay ngunit natuod ang aking katawan sa lupa.
BINABASA MO ANG
Estrella Cruzada ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮
Historical FictionA princess whose past is shrouded in mystery, yet she shares a timeless love story. Despite being overlooked by her parents, she has found her prince charming, embodying the essence of a classic fairytale. However, Aria is not a princess. The moment...