ꜱᴀ ᴘᴀɴᴀɴᴀᴡ ɴɪ ᴀʀɪᴀ ꧁
Lumingon ako sa bintana at nakitang nagsisimula na ngang lumubog ang araw.
Ang dating kulay bughaw na langit ay nagmistulang hinog na hinog na dalandan sa kulay nito. Ang mga ibon ay masugid sa pagpagaspas ng kanilang pakpak sa himpapawid. Sumasayaw din sa indak ng hangin ang mga matatayog at mabeberdeng puno sa labasan.
"Sige, susunod na ako," nakangiti kong tugon sa paslit.
Pagkasarado ng pinto ay saka ko lang napagtanto na dumidilim na nga sa aking silid. Tumayo ako mula sa kama upang sindihan ang mga gasera na nakasabit sa dingding.
Lumapit ako sa isa sa mga bintana upang iladlad sana ang nakataling kurtina. Ngunit nakarinig ako ng kaluskos bago ko pa man tuluyang mabukadkad ang sutlang tela nito.
Natigil ako at naging alerto sa paligid. Ilang segundo ang lumipas na puro lamang huni ng ibon at ang sipol ng hangin ang aking naririnig. Ipagsasawalang bahala ko na sana ang akijng narinig sa pag-aakalang guni-guni lamang iyon. Tatalikod na ako nang may muli na namang lumikha ng ingay.
Ikiniling ko ang aking ulo upang mas marinig pa kung saan nagmumula ang kaluskos. Hindi ito nanggagaling sa aking kuwarto kaya nagpasya akong lumabas ng silid upang hanapin ito.
Nahihimigan ko ang mga kilansing ng kubyertos at ang may kalakasang tinig ng mayordoma ng bahay-tuluyan nang ako'y makalabas. Dahan-dahan kong binagtas ang pasilyo upang hindi makatawag-pansin sa mga taong nasa ibaba.
Napako ang aking mga paa sa sahig nang marating ko ang terasa. Nanlaki ang aking mga mata nang matunghayang may isang tao na nakatingala't nakaupo sa barandilyang kahoy nito.
"G-Ginoo!" ang naibulalas ko habang papalapit sa isang ginoo na mistulang lulundag na mula sa kanyang pagkakaupo.
Nakaamang na ang aking kaliwang kamay upang hawakan at pigilan sana ang ginoo sa kanyang gagawin. Ngunit nagsimula na namang mabalisa at manginig ang aking mga kalamnan kaya nahimpil ito sa ere.
Sa pagkagulat ay muntikan na talagang mahulog ang ginoo sa lupa. Buti na lamang at agaran siyang humawak sa barandilya't hinigpitan ang pagkakahawak dito.
(For God's sake!)
"Por Dios por santo!" baritone na bulalas ng ginoo pagkaraang mabalanse niya ang sarili sa pagkakaupo.Agad kong binawi at inilagay sa aking dibdib ang kamay kong nakaawang sa ere. Nanlalaking ibinaling ko ang aking mga mata sa mukha ng ginoo.
Siya ay paupong umikot paharap sa akin bago tuluyang tumayo't daglit na sinilip ang lalim ng kanyang kakahulugan sana.
(Thank God...)
"Gracias a Dios..." ang rinig ko pang bulong ng ginoo.Hindi rin nagtagal ay tila natauhan ang ginoo na hindi lang siya nag-iisa sa terasa. Sa dahan-dahan niyang paglingon at nang sa oras na nagtagpo ang aming mga mata ay natitiyak ko na ang pagkakakilanlan ng ginoo.
"Anong ginagawa mo rito sa aming bahay-tuluyan, ginoo mula sa pamilihang bayan?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
Mukhang nakilala rin ako ng ginoo dahil sumilay ang maaliwalas na ngiti sa kanyang mukha. Siya ay nag-iwas ng tingin na tila batang hindi umaamin sa nagawa niyang pagkakamali.
"Ginoo, paano kayo nakapasok dito?" giit ko matapos magpakawala ng malalim na hininga.
Siya ay lumapit sa barandilya bago sumandal doon paharap sa akin. Nakangiti pa rin siya ngunit hindi na ito kasing lawak tulad kanina.
"Señora, magiliw na gabi sa inyo. Ipagpaumanhin mo ang hindi ko pag-anunsyo sa aking pagbisita. Hindi ko napagtanto na ika'y naninirahan dito," malumanay at magalang na pagbati sa akin ng ginoo.
BINABASA MO ANG
Estrella Cruzada ⋮ ᴏɴɢᴏɪɴɢ ⋮
Historical FictionA princess whose past is shrouded in mystery, yet she shares a timeless love story. Despite being overlooked by her parents, she has found her prince charming, embodying the essence of a classic fairytale. However, Aria is not a princess. The moment...