ANG BAMPIRA NG SANTA LUCIA
Sa isang liblib na lugar sa Pilipinas naninirahan ang napakaganda at marikit na dalagang nagngangalang Victoria.
Kilalang kilala siya ng mga taga roon di lang dahil sa angki'y nitong kagandahan ngunit pati na rin sa taglay nitong kabaitan.
Matagal na itong namamalagi sa maliit na bayan at kilala siya sa pagkakaroon ng napakalawak na taniman sa palibot ng kanyang luma ngunit ay napakalaking mansyon. Sa laki ng lupain at ari-arian niya ay maaari niya na ngang bilhin ang buong bayan ngunit hindi siya kasing ganid ng tulad ng inaasahan natin.
Ang taniman niya ang dahilan kung bakit ang mga tao doon ay may hanap buhay. Kahit kailan ay hindi nawalan si Victoria.
Bukod dito ay siya rin ang pinakamatagal nang naninirahan dito. Sinasabi na nag-aral daw noon ang dalaga sa Paris at bumalik dito nang makapagtapos upang pangalagaan ang mga manang naiwan sa kanya ng kanyang yumaong mga magulang.
Yan lamang ang iilan sa mga kaalaman ng mga tao sa kanya. Ngunit wala silang alam sa totoong pagkatao nito.
Hindi nila alam na ang lupang kinatitirikan ng mga bahay nila ay kanya talagang pag-aari.
Hindi nila alam na matagal nang naninirahan ang dalaga sa lugar na ito, mas matagal pa sa inaasahan nila.
Isang nilalang na nabubuhay lamang sa mga kwento at haka-haka.
Isang bampira si Victoria, ngunit hindi katulad ng iba. Dugo ng hayop ang iniinom niya at kung dugo man ng tao ay binibili niya mula sa mga blood bank. Lubos na mahirap ang pagbili nito dahil kailangan niya pang magpagawa ng mga pekeng papeles.
Hindi lang naman si Victoria ang nag-iisa sa lahi niya dahil marami pa sila. Nasa paligid lang ngunit masyadong sarado ang mga isip ng tao at magaling din silang makibagay.
Sa ngayon ay namumuhay ng mag-isa si Victoria. Malayo sa mga kalahi niya.
Katulad din nating mga tao ay mayroon din silang uri ng pamumuno ngunit isang monarkiya.
Pinamumunuan sila ng Hari at Reyna o kung sino man na may dugong maharlika.
Si Victoria ay isa lamang sa maraming uri ng bampira. Ang mga uring ito ay nahahati sa lima.
Una ay ang mga ordinaryong bampira, na uhaw sa dugo ng tao at tanging ito lamang ang pinagkukunan nila ng lakas. Sila ay tinuturing na pangalawa sa mababang uri dahil sa mga kahinaan nito tulad ng pagkapaso ng sinag ng araw. Ang kahinaan nila sa mga sagradong ougar at mga bagay.
Maaaring maging ordinaryong bampira ang isang tao kapag siya ay kinagat ng isang maharlikang bampira. Kadalasan ang mga ordinaryong bampira ang tagapagsilbi ng mga maharlika dahil nga sa dugo nitong nananalaytay sa kanila.
Pangalawa ay Noseferatu's, isang uri ng bampira na resulta ng isang mutation. Epekto ng isang viral infection mula sa dugo ng isang bampira. Hindi tulad ng isang ordinaryong bampira, hindi nila naitatago ang pangit na itsura nito at ang kanyang mga pangil. May mahahaba silang tenga at kulobot na mukha. Ang iba ay may pakpak at ang iba naman ay wala, depende sa paraan ng pag mutate nito.
Wala din silang kontrol sa sarili na kahit ang katulad nila ay handa nilang kainin.Mahigpit na pinagbabawal ng mga nakakataas ang paggawa na ganitong nilalang dahil labag ito sa kanilang batas kahit na noon ay ginagamit ng mga maharlika ang mga Nosferatu sa pakikidigma noong unang panahon. Ngunit sa ngayon ay masyado itong delikado lalo na't napapaligiran sila ng tao.
Sunod ay ang mga bampirang Magicis, o mga bampirang resulta ng isang mahika. Halimbawa kapag ang isang tao ay ginawang bampira ng isang salamangkero. Sila ay may pagkakatulad sa mga ordinaryong bampira ngunit di tulad sa mga ordinaryong bampira hindi sila uhaw sa dugo. Ang pagiging magicis ay isa sa mga sumpang ipinapataw ng mga salamangkero sa kung sino mang taong magkakasala sa kanila. Dahil sa kakayahan ng mga salamangkerong ibalik sila sa dati ay kadalasan nilang inaalok ang kung sino mang biktima na maging tagasilbi nila.
Ika-apat na uri ay ang mga bampirang hominum, o mga taong bampira kung saan nabibilang si Victoria. Pangalawa sila sa pinakamalakas na lahi ng bampira sapagkat sa pagkakaroon nila ng kalakasan ng isang maharlikang bampira ngunit hindi ang mga kahinaan nito. Natural silang magaganda at may kakayahang itago ang kanilang mga pangil. Di tulad sa oridinaryong bampira, kulay ginto ang kanilang mga mata at hindi kulay pula. May kakayahan silang maglakad sa umaga at matulog kapag gabi. Nakakapasok sila sa mga sagradong lugar at nakakahawak sa mga sagradong bagay. May kakaibang abilidad din sila na hindi mo makikita sa mga ordinaryong bampira, katulad ni Victoria na may kakayahang makapagbasa ng isip ng kahit na sino, ang kakayahang kontrolin ang pag-iisip nila at ang kakayahang akitin sila.
Ngunit hindi lamang yun ang maaaring maging kakayahan ng mga hominum. Dahil may mga espesyal na abilidad din sila tulad ng kakayahang lumipad. Kakayahang magbigay ng sakit gamit lamang ang mga titig nila.
Ang kakayahang makakita ng hinaharap, nakaraan at tadhana ng kahit na sino.
Sa napakaraming kakayahan ay hindi na ito mabilang.
Ang mga hominum ay kilala sa pagiging rebelde nila at pagiging salungat sa pamumuno ng mga maharlika. Kahit na makapangyarihan sila ay kailanman ay hindi nila hinangad ang mamuno dahil hindi naman sila sang-ayon sa monarkiyang uri ng pamahalaan nila.
Ang huli ay ang mga bampirang Maharlika, ang pinakamalakas at pinakamakapangyarihan sa lahat. Sila ang namumuno sa lahat ng mga bampira. Gaya ng nabanggit mas malalakas sila ngunit isa lamang ang kahinaan nila, ang dugo ng mga hominum. Lason ito kung ituring nila kaya ganun na lamang ang takot ng mga maharlika sa mga hominum at sa takot nila ay ipinapapatay nila ang mga ito ng walang kaawa-awa.
Bagay na mas lalong ikinagalit ng mga hominum sa mga maharlika. Sa ngayon, iilan na lamang ang mga hominum at namumuhay sila malayo sa iba pang mga bampira.
Higit na pinang-iingatan ni Victoria ang kanyang pananahimik ngunit isang bagay lamang ang ipinangako niya sa kanyang sarili. Kapag dumating ang itinakdang oras ng delubyo. Makikipagtulungan siya sa mga tao na sa tingin niya ay siyang nararapat lamang na kanyang paglaanan ng kanyang buhay.
Si Victoria lamang ang isa sa mga umaasa at naghahangad na sana ay matagpuan na ang babaylan na siyang gagabay sa sanlibutan pagdating ng kadiliman.
"Ipinapangako kong ibibigay sayo ang buong buhay ko."
Bulong niya sa hangin habang nakatayo sa tuktok ng malaking puno sa bunbunan ng bundok kung saan kita niya ang kanyang nasasakupan.
Maliwanag ang paligid na nagmumula sa namimilog na buwan na mas lalong nagpatingkad ng kagandahan ng dilag.
"Oras na upang ika'y hanapin itinakda."

BINABASA MO ANG
Strange Creatures
FantasyPaano kung ikaw ang nakatakdang tagapagligtas ng sankatauhan laban sa kadiliman? tatanggapin mo ba?