"Ang ganda talaga ng buhok mo, Thelma. Mahaba at makintab." masugid na sinusuklay ni Carmela ang buhok ni Anthelma sa may teresa ng mansyon na kaniyang pinagtatrabahuhan.
Nakagawian nila na kapag nakauwi na si Anthelma mula sa eskwela ay tatambay sila sa teresa habang tanaw ang dalampasigan. Susuklayin ng kasambahay na si Carmela ang buhok niya at pagtapos ay gagawin niya pa itong braid.
"Carmela, paano kapag nakagraduate na ako? Dito ka padin ba sa tabi ko? Wala ka bang balak mag-asawa?" tanong ni Thelma.
"Hmm... Meron. Pero wala pa naman sa isip ko yan." kibit balikat ni Carmela.
Halos apat na taon mula noong pumasok na si Thelma sa kolehiyo ay naging parte na ng kanilang pamilya si Carmela. Halos magkaedad lang sila ngunit mas maagang namulat si Carmela sa hirap kaya namasukan siyang katulong. Nagustuhan naman siya ni Thelma kaya naging personal maid siya nito. Kasama kahit saan kaya matuturing na matalik na magkaibigan. Lalo pa kung pagtatakpan niya pa si Thelma habang patagong nakikipagkita kay Virgilio.
"Bilisan niyo diyan ah! Dapat bago mag alas-kwatro ay naiuwi mo na kami, Virgilio! Kung hindi patay tayong lahat sa parents mo, Thelma!" natatarantang paalala ni Carmela sa kasintahang naglalambingan sa likuran ng malaking puno ng acacia.
Ganito lagi ang naging set-up nilang tatlo mula pa noon. Hanggang sa minana na nila ang kaniya-kaniyang kumpanya hanggang sa makasal. Isang araw matapos ang kasal ay bigla na lamang naglaho si Carmela. Walang nakaalam kung san siya nagpunta. Kung saan na siya nakatira ngayon at kung bakit siya umalis ay palaisipan sakanila hanggang ngayon. Masakit man kay Thelma ang nangyari, patuloy niya padin pinagdadasal ang kaibigan na sana nasa mabuting kalagayan ito.
"Negative." nanlulumong lumabas sa banyo si Thelma bago iniabot ang pangsampung pregnancy test na ginamit niya.
Agad namang niyakap ni Virgilio ang asawang nanlulumo dahil sa hanggang ngayon hindi pa din sila magkaroong ng anak. Bilang lalake ay masakit sakaniya na hanggang ngayon hindi pa din niya mabiyayaan ng anak ang asawa. Ilang taon matapos ang kanilang kasal ay agad na silang nagbalak magkaanak pero palaging bigo.
"Ano po bang problema, Doc? Lahat na po ginawa namin pero hindi pa din ako magkaanak." mangiyak-ngiyak na si Anthelma.
"Nahihirapang magsama ang sperm at egg cell niyong dalawa... We are really trying our best. Let's observe say for 2 to 3 weeks kapag wala pa din bumalik kayo sa akin." tumango-tango na lamang ang mag-asawa.
Ilang linggo lang ang nakalipas at tila himala ang nangyari sakanila. Nabuntis na si Anthelma at iyon na ata ang pinakamasayang nangyari sa buhay nila.
"Anong ipapangalan natin sakaniya?" tanong ni Virgilio habang hinihimas ang malaking umbok sa tiyan ng asawa.
"Annisia Katarina... short for Annika." ngiting-ngiting sabi ni Thelma sa asawa.
Ilang buwan lamang ay malaki na agad ang tiyan nito. Pabalik-balik din sila sa ospital upang masigurado ang kalusugan ng kaniyang mag-ina. Ilang buwan na lang ang bibilangin at malapit na siyang manganak. Wala nang mas gagalak pa sakaniyang nararamdaman.
"Carmela?" nanlaki ang mata ni Anthelma ng makasalubong sa hallway ng ospital ang matagal ng hindi nakitang si Carmela.
Parehas pa silang napatingin sa kaniya-kaniyang tiyan at napahawak roon.
"Buntis ka na." tanging nasabi ni Carmela.
"Ikaw? Buntis ka din?" nakangiting tanong ni Thelma sa kaibigan.
Marahang tumango si Carmela habang naluluha ang mga mata.
Nalaman na lamang ni Anthelma na inaya pala ng lihim na nobyo si Carmela na magtanan kaya nawala na lang ito na parang bula. Hindi na din naman sila nakapag-usap ng matagal dahil sa pagiging balisa ni Carmela at tila nagmamadali na makaalis. Tila ba hindi siya masaya na nagkita na sila ng kaibigan.