the unexpected criticism

77 20 22
                                    

Ngayong araw, sa gate ko nakitang naghihintay si Ezra. Noong una ay sinusubukan ko pang kumbinsihin ang sarili ko na hindi ako ang hinihintay niya, pero nung kumindat siya nang magtama ang mga tingin namin, alam kong isang mahabang gabi na naman ito para sa akin.

"Uy, natulala ka na diyan. Ano pwede ka ba sa Saturday?" tanong ni Zach.

Sa isang iglap, hindi ko na maalala kung ano ang pinag-uusapan namin ni Zach. Para akong dinala sa ibang dimensyon, sa ibang mundo. Pasimple akong lumingon sa likod at nakita si Ezra na nakasunod sa amin, mukhang galit. May dalawang metro siguro ang distansya niya mula sa amin. Iyon bang hindi namin siya kasama maglakad, pero hindi rin naman mukhang nakasunod siya sa amin.

"Margarette?" tawag ni Zach. "Uy!"

"Ano nga 'yon ulit?" tanong ko.

Tinignan ako ni Zach, nagtataka. "May gagawin ka ba sa Saturday? Date sana tayo. Wala pa talaga tayong gala na tayong dalawa lang."

"May plano na ako this Saturday kasama ang mga kaibigan ko," sabi ko. "Maybe next Sat."

"Okay," sabi niya habang tumatango. "May tanong pala ako. Ka-close mo ba 'yung Nickolai Rivero?"

"Hindi kami gano'n ka-close, pero magkakilala kami," sabi ko. "Bakit bigla mong naitanong? Kailangan mo rin ba ng autograph niya?"

Natawa siya. "Ha? Why do you think I would need his autograph? I don't even watch his youtube videos."

"Okay. Akala ko gusto mo rin ng autograph niya e."

Speaking of Nickolai, nagrequest din si Mich na baka pwede ko raw ipa-accept kay Nickolai ang friend request niya sa facebook. Manong kung ayaw siyang i-accept, 'wag na lang niya masyadong damdamin. Hindi naman siya kilala at ka-close nung tao.

"Nga pala, hindi naman sa nanghihimasok ako—" panandalian siyang huminto, parang nagtatalo pa ang isip niya kung sasabihin ba niya o hindi. "May problema ba kayo ni Michelle?"

"Bakit?" tanong ko.

"Pansin ko lang, may kakaiba sa inyong dalawa simula pa kahapon."

"Paanong kakaiba?" Alam ko naman kung ano iyon. Gusto ko lang malaman kung anong tingin ni Zach sa sitwasyon namin.

"Parang 'di ka natutuwa sa kaniya. Parang 'di kayo magkaibigan kung magtinginan kayo kahapon. May nangyari ba sa inyong dalawa? May pinagtalunan ba kayo?"

"Wala naman kaming pinagtalunan," kalmado kong sabi.

Pero totoo ang sinabi niya. Hindi talaga ako natutuwa kay Mich, at lalong 'di ako natutuwang pinag-uusapan namin 'to. Totoo rin talaga ang sinabi ni Mich na problema ko ang ugali ko—hindi ako marunong makisama. Bukod sa hindi ako marunong makisama, problema ko pa ang pasensya ko.

At kahit gusto kong diretsuhin si Zach, alangan namang sabihin kong sila ang dahilan ng 'di namin pagkakaintindihan ni Mich? Alangan namang sabihin kong simula nang dumating sila, wala na kaming napagkasunduan ni Mich? Unfair naman sa part nila 'yon. At sila nga ba talaga ang dahilan o something personal na rin?

"E, kung wala kayong problema, bakit nagmessage siya sa akin kahapon tungkol sa'yo," simula na naman ni Zach.

Napahinto ako sa paglalakad. Naramdaman ko rin ang paghinto ni Ezra, na saka ko naalalang nakasunod pala sa amin.

"Anong sabi niya?" seryoso kong tanong.

"Bakit ganyan itsura mo? Pakiramdam ko tuloy ang sama-sama ko."

"Ano nga sinabi niya?"

Tinitigan niya muna ako ng ilang segundo bago nagsalita ulit. "Wait lang, baka kapag sinabi ko masira naman ang pagkakaibigan ninyo. Ayoko namang ako pa lalo ang maging dahilan ng away ninyo."

Kahit hindi mo na nga sabihin, sira na pagkakaibigan namin.

"Dali na." Nauubusan na ako ng pasensya kahihintay.

"Iyong huli niyang message sa akin kahapon, sabi niya ay habaan ko pa raw ang pasensya ko sa'yo. Mahirap ka lang daw pakisamahan paminsan, pero mabait ka naman. Iyan ang sabi niya sa akin," sabi ni Zach, may pag-aalala sa mga tingin niya.

Napailing na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad. Habang palapit kami nang palapit sa sakayan ng jeep, panay ang hingi niya ng sorry. Sabi ko wala naman siyang dapat ihingi ng sorry dahil wala naman talaga siyang kasalanan. Thankful ako sabi ko pa sa kaniya. He could've chosen not to tell it to me.

Hindi ko na siya pinansin nang makatawid ako sa kabila. Dire-diretso akong sumakay sa jeep na dumating. Sumunod naman si Ezra at tumabi sa akin pagkasakay ng jeep.

"Boyfriend mo ba 'yon?" tanong ni Ezra pagkaandar ng jeep paalis.

"Ano sa tingin mo?" balik kong tanong sa kanya.

Sa halip na sumagot, tumango-tango lang siya. Hindi na ako kumibo. Nakatulala lang ako sa kawalan, nakikinig sa ingay ng jeep at ng mga katabi kong nagkukuwentuhan.

Maya-maya ay nagsalita ulit si Ezra. "Alam mo, tama 'yung kaibigan mong nagsabing mahirap kang pakisamahan."

Ewan ko, pero nung sa kaniya mismo nanggaling ang mga salita, iba 'yung sakit. Kapag pala ibang tao ang nagpoint out ng mali mo, mas masakit. Kasi hindi ka na nga nila kilala, iyon pa ang impresyon nila sa'yo.

"Baka maling tao lang pinakikisamahan ninyo," tipid kong sabi.

"Pwede rin. Ano pala buong pangalan mo?"

Hindi ako kumibo. Natawa lang siya tapos tumingin-tingin sa paligid, nahihiya siguro dahil medyo malakas ang pagkakatanong niya tapos hindi ako sumagot. Sa loob-loob ko, natawa rin naman ako.

"Okay lang kahit 'wag mo na sabihin. Malalaman ko rin naman," bulong niya.

"You really think you will know?" hamon ko.

"Oo. Pwede ko namang tanungin na lang bukas ang mga kaibigan mo e."

"Whatever," bulong ko.

Goodluck!

Hindi na siya ulit nagsalita. Pagbaba namin sa jeep, dumistansya na siya sa akin. Hindi siya nangulit. Hanggang makasakay kami sa bus, hindi kami nagkikibuan.

Nang malapit na ako sa bababaan ko, nagpaalala si Ezra. Sumagot naman akong alam ko kaya huwag na siyang sumunod, pero ano pa nga bang aasahan ko sa kaniya. Hindi siya nakinig. Sumunod siya pagbaba ko ng bus.

"Sumunod ka na naman tapos mamaya maglalakad ka pauwi," sabi ko sa kaniya.

"Ano naman?" tanong niya. Napakasiga talaga. "Ikaw ba 'yung maglalakad?"

"Gabi na kaya," sabi ko.

"Talaga bang concern ka?" tanong niya.

Wow. Napairap lang ako. Alam kong minsan ang cold ko, pero parang tinanggalan naman niya ako ng karapatan maging tao at magkaroon ng paki. Umiling na lang ako at nagba-bye na sa kaniya.

"Bahala ka na," iyon na lang ang sinabi ko at nagsimulang maglakad.

I didn't look back. Habang naglalakad ako, nagcheck ako ng inbox ko. May isang text galing kay Zach.

💬
Sorry. Margarette. Gusto mo bang kausapin ko si Mich tungkol dito?

Nagreply naman ako.

💬
No need. We'll talk about it.
Hindi lang ngayon, pero sigurado
akong mapag-uusapan din namin
yun. Hindi naman na to bago.

Nasa tapat na ako ng bahay nang makatanggap muli ng reply mula sa kaniya.

💬
Nag-away na ba kayo tungkol dito?
I'm really sorry Margarette. I'll let you two deal with it.

Thank you, ang nasabi ko na lang sa isip ko. For the first time, he did something that I really like.

Pixie GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon