thank you

58 17 9
                                    

January 3. Mismong kaarawan ni Ezra ang aming return flight mula Hong Kong.

Sa wakas, may text na rin galing sa kaniya. Bumati siya ng Happy New Year at kinumusta ako sa naging bakasyon ko. Binigyan ko siya ng kaunting update tapos binati ko siya ng simpleng Happy Birthday, pero nakukulangan ako kaya inaya ko siyang maggala. Sabi ko, punta kami ng Batangas at ako ang magda-drive, pero tumanggi siya. Magpahinga na lang daw ako pag-uwi namin sa bahay dahil may pasok na kinabukasan.

Nang magpasukan naman ulit, gusto ko siyang tanungin kung ano ang ginawa niya buong bakasyon, kung bakit hindi siya nagparamdam, pero lahat ng 'yon nawala na sa isip ko nang makita siya. Tahimik lang kami nang ihatid niya ako sa aking unang klase. At parang dumaan lang talaga ang kaarawan niya. Ni hindi man lang niya nabanggit ang tungkol do'n at kung paano niya ito ipinagdiwang.

Pero ayokong palampasin ang araw na ito na hindi man lang naipagdiriwang nang maayos ang birthday niya. Kahit medyo labag sa kalooban ko, nagmessage ako kay Monique sa facebook tungkol sa plano kong simpleng surprise para kay Ezra. Nagrequest ako sa kaniyang pagdating ng vacant time nila ay panatilihin niya si Ezra sa room nila. Um-okay naman siya.

Pagtapos ng second subject ko, nagsabi ako kay Ezra na hindi ako sasabay sa kaniya kumain dahil may gagawin kami nila Hillary. Pero ang totoo ay lumabas ako saglit ng campus para bumili ng cake. Pagbalik ko ng campus, sa room nila ako dumiretso.

Pagdating ko, medyo fail pa dahil namamatay-matay ang kandila at wala man lang reaksyon si Ezra nang makita ako at kinakantahan siya ng Happy Birthday. Napakahirap talaga suyuin. Ang lakas ng sigawan ng mga kaklase niya, tapos siya napapakamot lang sa ulo at seryoso ang mukha.

"Ano namang nakain mo? B-bakit may pa-ganito ka?" tanong niya nung kaming dalawa na lang. Nasa isang bakanteng room kami, malapit lang din sa room nila.

"Ayaw mo ba?"

Tumingin siya sa akin saglit tapos nag-iwas din ng tingin. "Hindi lang ako sanay. Tarayan mo na nga lang ako."

"Baliw ka, 'no? Tapos kapag tinarayan kita, aawayin mo naman ako?"

"Mas okay pa 'yung gano'n e."

Inirapan ko lang siya, pero wala akong sinabi. Sa isang iglap, nawala lahat ng mga pinagda-drama ko noong bakasyon.

"Happy birthday." Iniabot ko sa kaniya ang isang paper bag na naglalaman ng regalo ko. "Birthday gift ko para sa'yo... o isipin mo na lang, pasalubong ko sa'yo 'yan."

Nahihiya siyang kinuha iyon. Na-excite naman ako dahil sinilip niya kung ano ang laman. Akala ko ay itutuloy niyang tignan, pero nagbago ang isip niya.

"Sa bahay ko na lang titignan kung ano 'to," sabi niya.

Pipilitin ko sana siyang ngayon niya na tignan, pero... "Ikaw bahala," ang tangi kong nasabi.

"So, kumusta ang bakasyon mo?" Handa na akong sumagot, pero may dinagdag pa siya. "Na-miss kita. Bakit parang hindi mo naman ako na-miss?"

Gusto kong ibalik sa kaniya ang sinabi niya. Siya nga itong hindi nagparamdam buong bakasyon at parang walang emosyon sa pagsabing na-miss kita, tapos ako pa itong parang hindi naka-miss sa kaniya?

"Masaya naman bakasyon ko. Relaxing." Tipid akong ngumiti. "Matatapos na vacant time ko, pupunta na ako sa sunod kong klase."

"Wait—hatid na kita..." Mabilis siyang tumayo at kukuhain sana ang bag ko, pero inunahan ko siya. Tumingin ako sa aking relo.

"Magsisimula na rin klase mo, 'wag mo na ako ihatid. Baka ma-late ka pa pabalik."

"Okay lang 'yan. Late naman lagi 'yung prof ko sa susunod na klase."

Pixie GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon