Chapter Eighteen

276 41 10
                                    

Sa pagsara ko ng pinto sa opisina ni papa ay siya namang para akong nalantang gulay. Nanghihinang naglakad ako habang lutang ang isip.

Ano ng gagawin ko? Paano na si Erin? At ano bang pinagsasabi ni papa?

"Kung mahal mo talaga ang babaeng iyan, ibalik mo siya sa pamilya niya."

Ibabalik ko siya? Paano ko gagawin 'yon kung siya na mismo nagsabi na hindi na niya hinangad pang magkaroon ng magulang?

Pero paano nga kaya kung hanapin ko ang totoo niyang magulang? May magbabago ba kay Erin?

Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago umakyat sa taas, nagderetso ako sa guest room kung saan naroon si Erin. Matapos kong kumatok ay mabilis din namang nagbukas iyon.

"Bakit, honeybunch?" Aniya saka ngumiti.

Iyong ngiti na pilit niyang itinatago ang lahat ng problema. Isang ngiti kung bakit kahit papaano ay gumagaan ang loob ko, na kahit ano mang problema ang harapin niya, alam kong kakayanin niya lahat.

Hindi ko alam kung bakit o anong sumapi sa akin, basta naramdaman ko na lang na gusto ko siyang yakapin kaya walang sali-salitang hinila ko ito palapit sa akin.

Marahan kong hinawakan ang ulo niya para isandal sa dibdib ko, pababa habang hinahaplos ang mahaba niyang buhok.

Sa ginawa ay naramdaman ko ang paninigas ni Erin sa kaniyang kinatatayuan, marahil ay nagulat ito sa biglaan kong pagyakap. Kalaunan ay napayakap na lang din siya at sinuklian kung gaano kahigpit ang yakap ko.

"Honeybunch, bakit ka ba ganyan?" Bulong nito habang nananatiling magkayakap.

"Mami-miss kita." Mahinang sambit ko.

Nanginig ang balikat ni Erin, kasunod nito ay ang pagtawa niya. "Para kang tanga, akala mo naman hindi na magkikita sa school."

Hindi ko alam e. Tama naman siya, magkikita pa naman kami sa campus. Kaya hindi ko alam kung bakit nalulungkot ako.

"Oo nga pala, nakaayos na ang mga gamit ko. Siguro bukas na lang ako aalis, isasabay ko na sa pagpasok." Segunda niya kaya kumawala ako at mariing tinitigan siya.

"Babalik ka ba talaga sa inyo?"

Kibit ang balikat niyang ngumuso. "Ewan ko, pero check ko muna kung may makita akong nagpaparenta na medyo mura lang."

"Sige, sasamahan na lang kita bukas."

Gaya nga ng napag-usapan ay ganoon ang ginawa namin kinabukasan. Hindi na kami nagpahatid kay manong driver kaya bitbit ko ang dalawang bag pack nito.

Matapos niyang makapagpaalam kay papa ay umalis din kami kaagad. Nabanggit naman niya sa akin na kung magrerenta raw si Erin ay kami na muna ang bahala sa down payment at sa mga unang buwan na babayaran.

Hindi alam iyon ni Erin na may usapan kami ni papa, hindi ko na rin sinabi dahil baka tanggihan niya lang iyon. Inabot na kami ng alas otso sa kakahanap kaya ganoon na lamang ang pawis sa noo ko.

"Okay na kaya 'to?" Pagtatanong niya ng makahanap kami.

"Try mo tignan sa loob." Sambit ko na mabilis naman niyang sinunod.

Binalingan ko ang babaeng may-ari ng apartment na iyon. "Magkano kada buwan niyo, Manang?"

"Five thousand po, Sir e." Aniya habang nagpapaypay.

"Wala ng tawad?" Sambit ko pa sa mahinang boses.

"Wala na, kasama na rin kasi ang tubig at kuryente roon. At saka malaki naman iyong bahay."

"Sige, Manang, kapag okay sa kaniya ay kukunin na namin. Pero huwag mong sasabihing five thousand ang per month niya ah? Sabihin mo na lang ay two thounsand, ako na po ang bahala sa kulang."

"Ganoon ba, sige, Sir. Napakabuti niyo naman po sa girlfriend niyo." Pahayag niya at kahit matanda na ay humagikgik pa rin ito.

Natawa na lang ako at hindi na umimik. Matapos makipag-usap ay naupo ako sa isang monoblock habang hinihintay si Erin na lumabas. Ilang minuto lang din nang nakita ko itong naglalakad palapit.

"Ano, okay ba? Maganda?" Pagtatanong ko saka pa tumayo mula sa pagkakaupo.

Mabilis itong tumango at mababakas sa mukha niya ang pagkagalak, mukhang nagustuhan niya nga rito.

"Manang, okay na sa akin iyon. Lilipat na rin ako ngayon mismo. Siya nga pala, magkano ang down payment at per month?"

"One thousand po ang down payment at two thousand naman ang per month ninyo."

Sa sinabi ni manang ay halos malaglag ang panga ni Erin dahilan para matawa ako. "Totoo ba, Manang? Ganoon kamura? Hindi kaya may multo diyan at grabe sa mura?"

Mas lalong lumakas ang tawa ko. Kahit napagod kami kanina sa kakahanap ay parang naglaho na lang iyon, ni hindi ko ininda ang sobrang init sa labas.

"Ano ka ba, 'neng, kung mayroon man ay matagal na akong wala rito dahil baka inatake na ako ng niyerbyos." Anang matanda habang tumatawa.

"Pasensya na po, hindi lang talaga ako makapaniwala pero sige po, bayaran ko 'yung one thousand." Pahayag ni Erin saka nag-abot ng bayad. "Ipapasok ko na lang po muna itong mga gamit ko sa loob."

"Sige, ineng, salamat. At mukhang late na kayo sa inyong klase ah."

"Oo nga po, sige ho, salamat din."

Si Erin ay nauna na sa loob habang patagong inabot ko naman kay manang iyong two thousand na kulang sa down payment ni Erin.

"Salamat, hijo, ah. Sana ay magtagal kayo ng napakaganda mong girlfriend. Oh siya, papasok na rin ako sa loob."

Girlfriend? Wala sa sariling napangiti ako. Ang ganda nga ng girlfriend ko, napakabait pa.

Matapos naming maipasok ang mga gamit niya ay nagmamadali naman kaming lumabas at patakbong pumara ng jeep. Mabuti at malapit lang din ito sa school kaya agad din kaming nakababa.

Nang makapasok sa University ay sabay kaming naglakad ni Erin paakyat ng building. Hawak nito ang braso ko na siyang palagi naman niyang ginagawa kaya hindi na ako umimik pa.

Nakaabot pa kami sa pangalawang subject at ganoon na lamang ang sigaw na umalingawngaw sa loob ng room. Pareho pa kaming nagulat ni Erin kaya halos matalisod kaming dalawa.

"And you two, where have you been? Alam niyo ba kung anong oras na?!"

Ilang minuto ang lumipas at sobrang ngalay na ngalay na ang paa ko, ni hindi na ako mapakali sa kinatatayuan ko. Nilingon ko si Erin nang marinig ko ang pagtawa niya, ngingiti-ngiti ito na parang baliw.

Paano ba naman at narito kami ngayon sa labas ng room, nakatayo at hindi na pinayagang makapasok sa loob ng klase. Pinagtitinginan tuloy kami ng ilang estudyante na dumadaan sa hallway na 'yon.

"Masaya naman pala kahit papaano e." Rinig kong sambit niya kaya mas lalo akong napasimangot.

Gay's Confession [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon