Chapter Thirty

298 29 5
                                    

Dumating ang linggo kung saan araw na ng pag-alis ni Ma'am Erlinda, sakay ng kotse ay inihatid ko siya papunta ng NAIA Terminal 3. Tahimik lang si Erin na nasa sa passenger's seat, ganoon din ang mama niya na naroon sa back's seat.

Itinigil ko ang kotse malapit sa terminal saka pinatay ang engine. Nilingon ko ang dalawa na ngayon ay naghahanda na sa pagbaba. Tinanggal ko na rin ang seat belt ko at bumaba para kunin ang ilang bagahe sa likuran ng kotse.

"Salamat, hijo." Anang ginang nang makuha niya ang isang duffel bag.

"Wala ho iyon, Ma'am--"

"Pwede mo naman akong tawaging auntie na lang, parang nakakahiya kasi na tinatawag mo akong ma'am." Sambit pa niya saka mahinang humalakhak.

Natawa rin ako at marahang tumango. "Ganoon po ba? Sige po, Auntie."

"Ayan, mas okay." Sagot niya at ngumiti. "Tara na at baka mahuli pa ako sa departure ko."

Huling naibaba ko ang medyo may kalakihang maleta, ako na ang nagdala no'n. Nang matapos ay sabay-sabay din kaming naglakad palapit sa entrance ng NAIA.

"Paano ba 'yan, anak? Sa December pa tayo magkikita." Panimula ni Auntie Erlinda saka hinarap si Erin na ngayon ay halos hindi na mabitawan ang kamay ng kaniyang ina.

Isang linggo na halos ang lumipas simula nang makauwi kami galing Intramuros, ganoon pa rin naman ang naging sitwasyon namin. Iyon nga lang ay parang may nag-iba, may kulang.

Hindi ko alam kung talagang iniiwasan ako ni Erin o talagang abala lang siya para sa final exam? Hindi ko na rin masyadong pinagtutuunan ng pansin dahil inaayos ko ang ilang papers na kakailanganin ko sa pag-enroll sa criminology.

"Basta, Ma, uuwi ka ha? Huwag mong hayaan na mag-isa na naman ako sa pasko." Malungkot na sambit ni Erin kaya binalingan ko ito.

Namamaga ang parehong mata niya marahil sa magdamag niyang pag-iyak kagabi. Hindi ko naman siya masisisi, ganoon niya na-miss ang kaniyang ina at ngayong aalis ulit si Auntie ay labis ang kalungkutan niya.

"Ano ka ba naman, anak. Syempre oo, babalik din ako kaagad. Magdadala ako ng maraming pasalubong." Natatawang pahayag ng ginang kahit pa panay naman ang pagtulo ng kaniyang luha. "Mami-miss kita, anak."

"Ikaw din, Ma. Sobra kitang mami-miss." Sagot ni Erin saka dinamba ng yakap ang ina.

Humagulgol ang dalawa habang tahimik naman akong nakatayo sa likuran ni Erin, nalulungkot din ako pero hindi ko na ganoong pinansin. Masaya nga ako dahil kahit papaano, naging dahilan ako ng pagkikita nila.

"Oh siya, tama na 'to. Masyado na tayong ma-drama." Pahayag ni Auntie saka kumawala sa yakap.

Napatingin ito sa gawi ko kaya mabilis akong ngumiti. "Mag-iingat po kayo, Auntie."

"Ikaw din, kayo rin ng anak ko. Sana ay ingatan mo siya, ipagpatuloy mo lang iyang kabutihan mo sa anak ko. Hayaan mo at pagbalik ko, ibibigay ko sayo ang basbas ko para pakasalan mo na ang anak ko."

"Mama!" Suway ni Erin kaya natawa ang ginang.

Napangiti na lang ako, hindi alam kung anong ire-react o sasabihin gayong parang ayaw naman yata ni Erin. Nahihiyang nagkamot ako ng ulo at ibinigay sa kaniya ang maleta.

"Maraming salamat." Huling ngiti ang ibinigay niya sa amin saka tumalikod.

"Ingat po." Sabay naming sambit ni Erin bago tuluyan itong makapasok sa loob.

Ilang minuto pa kaming nakatayo roon hanggang sa mapagpasyahan naming umuwi na. Hinatid ko na ito sa dating bahay na nirerentahan niya at deretsong umuwi sa bahay.

Dumating ang araw ng final exam, lahat kami ay tutok at naging abala na sa kung paano maipapasa ang bawat subject, mapa-minor man o major. Luckily, lahat kami ay nakapasa.

Sembreak na kaya may kaniya-kaniya silang bakasyon sa probinsya, may ilang nag-out of the country at karamihan ay nanatili na lang sa bahay katulad namin ni Erin.

Ganoon pa rin ang naging routine namin ni Erin, iyon nga lang, gaya ng nasabi ko, may kulang. Hindi na tulad ng dati. Pakiramdam ko nga ay nasa akin ang kulang. Siguro dahil hindi ko pa nasasabi ang totoong nararamdaman ko.

Ilang araw pa ang lumipas, ganoon kabilis na nagdaan ang araw hanggang sa makapag-enroll ako ng Bachelor of Science in Criminology. Irregular students ako dahil may ilan lang na-credits mula sa unit ko, kaya marami pa akong kailangang habuling subject.

"Hoy, Xander, anong ginagawa mo rito?"

Mabilis kong nilingon si Helen na siyang nasa likuran ko. Katulad ni Erin ay wala rin silang alam sa naging plano ko. Hindi ko kasi alam kung paano sasabihin nang hindi ko sila nabibigo.

Pakiramdam ko ay kapag sinabi ko, lalo lang lalayo ang loob sa akin ni Erin. At ayoko ng ganoon. Sasabihin ko naman sa kaniya, huwag lang ngayon dahil baka masira ang plano kong tumuloy sa criminology.

"Mag-enroll ka na kaya, baka maubusan ka ng slot at mapunta ka pa sa ibang block." Pahayag naman ni Rachel kaya nginitian ko ang mga ito.

Nandito kasi ako ngayon sa Criminology Building, katapos ko lang magpa-register ng ID at balak ko na ring umuwi. Hindi na ako sasabay sa kanila dahil balita ko ay may pupuntahan pa silang magka-kaibigan.

Tumikhim ako bago magsalita. "Isa na akong criminology student, kailangan ko kasing sundan ang yapak ng pamilya ko kaya nag-switch ako ng course."

"A-- ano?!" Malakas na bulalas ng dalawa at hindi makapaniwalang tinitigan ako pamula ulo hanggang paa.

Muli akong natawa. "Pasenya na at hindi ko nasabi sa inyo."

"Alam na ba 'to ni Erin?" Sambit ni Rachel saka pa hinilot ang sentido. "Hindi mo ba alam na kanina ka pa niya hinihintay sa building natin? Iniisip niya na baka maubusan ka ng slot, iyon pala ay nandito ka lang?"

"Don't worry, pupuntahan ko na siya."

Akmang hahakbang ako nang makarinig kami ng mahinang pagtawa dahilan para lingunin namin kung saan nanggaling iyon. Sa hindi kalayuan ay nabungaran namin si Erin.

Nakataas ang isang sulok ng kaniyang labi habang maang na nakatingin sa akin, puno ng pagkadismaya ang parehong mata dahilan para manlaki ang mata ko.

"Hanggang ngayon talaga ay hindi ka naging totoo, ano?" Natatawang sambit niya saka pa umiling. "Hindi ka lang isang sinungaling, manggagamit ka rin. Matapos mo akong paasahin ay ganito na lang? Iiwan mo ako na parang basura."

Pumalakpak pa ito sa ere, tila nahihibang at seryoso akong tinititigan. Walang umimik kahit isa sa amin, tila gulantang pa rin sa naging presensya niya.

"Don't you have a heart? O kahit utak man lang para magpasalamat sa akin bago mo ako iwan--"

"Erin, it's not what you think--"

Hindi na ako nito pinatapos magsalita nang mabilis itong tumalikod at patakbong lumayo sa amin. Sandali akong na-estatwa sa kinatatayuan hanggang sa mabangga na lang ako nila Helen at Rachel dahil hinabol nila ito.

"Erin!!"

Gay's Confession [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon