Chapter Twenty Seven

274 37 18
                                    

Gaya ng sabi ni Erin ay nanatili akong naroon sa tabi niya, hinarap ko ang ginang na kahit nagulat man ay napangiti na lang din. Hindi na sinalungat ang gusto ng sariling anak.

"Ayaw niyo bang maupo muna?" Sambit nito nang mapansing nakatayo pa kaming lahat.

"Sige po--"

"Hindi naman kami magtatagal." Pagpuputol ni Erin sa sasabihin ko. "Aalis din kami kaagad kapag narinig ko na ang side mo."

"Ah, ganoon ba?" Nahihiyang saad niya at muling ngumiti.

Hindi talaga maipagkakailang  isa iyon sa namana ni Erin sa kaniya. Noon pa man ay iyon na ang hinahangaan ko kay Erin, madalas siyang ngumiti at tumawa kahit kabaligtaran naman ang dapat niyang ipakita.

Tumikhim ang kaniyang ina bago umpisahan ang kwento. "Twenty years old pa lang ako no'n nang magsimula akong magbuhay OFW, palipat-lipat lang ng bansa matapos ang isang kontrata. Nagtuloy ang ganoong buhay ko hanggang sa mag trenta na ako, kung saan napadpad naman ako sa Toronto Canada. Three years ang naging kontrata ko ro'n."

Huminga ito ng malapit para makakuha ng sapat na hangin. Nilingon nito si Erin na matamang nakatitig lang sa kaniya dahilan para mag-iwas siya ng tingin.

"Isa akong katulong sa bahay nila Francisco, mabait naman siya pati ng asawa niya. Nasabi ko pa noon na isa sila sa mga among hindi matatawaran ang kabaitan, iyon pala ay una lang lahat iyon. Namatay kasi ang asawa niyang si Francia dahil sa sakit at dala na rin ng katandaan. Hindi ko aakalaing darating sa puntong pagmamalupitan ako ni Francisco--"

Pumiyok ang ginang kaya sandali itong napatigil. Nananatili namang nakatayo lang si Erin, tila isang estatwa na pinagmamasdan ang sariling ina.

Tumikhim ito at tumingala, natawa pa na para bang gustong ibsan ang tensyong nararamdaman.

"Hindi niya lang ako sinaktan ng physical, sinira rin niya ang puri ko. Dumating sa puntong paulit-ulit niya akong ginamit--"

Halos sabay na natigilan kami ni Erin ng muling pumiyok ang ginang, kumawala na sa kaniyang mata ang mga luha na mabilis din niyang pinunasan.

"Mabuti nga't isang buwan lang iyon at natapos din ang kontrata ko sa kanila, sa bansa nila kaya nakatakas ako. Nakalaya ako sa kalupitan ng isang matandang lalaki na hindi ko naman ginusto. Bumalik ako sa Pinas, akala ko maayos na. Akala ko ay talagang nakatakas na ako hanggang sa nalaman kong buntis ako."

"Ma'am--" Mabilis na hinarang ni Erin ang kamay niya sa akin kaya napahinto ako sa paglapit.

"Hayaan mo siya." Walang emosyong sambit niya pero nakikinita ko naman sa parehong mata niya ang pagkalungkot.

Gaano ba katigas ang isang Erin?

"Ayos lang ako, huwag niyo na akong intindihin." Sambit ng ginang kaya nilingon ko ito.

Patuloy pa rin sa pagbuhos ang luha sa kaniyang mata, paulit-ulit niya iyong pinupunasan habang pinapalitan ng ngiti sa labi.

"Noong una ay nandiri ako kaya nagawa kong itago iyon sa pamilya ko. Binalak ko pang magpakamatay, sobrang gumuho ang mundo ko no'n. Inisip ko na lahat ng pwedeng ikakapahamak ko hanggang sa nalaman na ng buong pamilya ko. At gaya ko, pinandirihan din nila ako. Tinaboy nila ako, pinalayas na parang hindi kadugo. Kung saan-saan ako napunta, nagpalaboy-laboy sa kalsada, makahanap lang ng pwedeng matuluyan."

"Ta-- tama na..." Mahinang sambit ni Erin pero hindi na narinig ng matanda dahil humagulgol na ito ng iyak.

"Paunti-unti ay natanggap din kita, dinala kita ng siyam na buwan hanggang sa ipanganak kita. Sakto pa at nagkaroon ako ng pagkakataon na makapag-abroad ulit, walang alinlangan ko iyong kinuha at iniwan kita sa isa sa mga naging kapitbahay ko no'n. Wala ka pang muang, halos dalawang linggo lang nang simula kitang maipanganak pero iniwan na kita. Mas pinili ko ang sarili ko, tinakasan ko ang responsibilidad ko sayo. Hindi kita pinanagutan."

Tumingala si Erin sa kisame, hudyat na gusto niyang pigilan ang sarili na huwag umiyak.

Mariin akong napapikit, parang ako pa 'yung gustong maiyak sa nangyayari. Gaano ba katigas 'yang puso ni Erin at nagkakaganito siya?

"Dinala ako ng opportunidad ko sa Hongkong, doon ako nanilbihang baby sitter hanggang sa nagtuluy-tuloy ang kontrata ko roon. Hindi na ako nakauwi sa Pinas dahil hindi na rin naman na ako kinilala bilang anak ng mga magulang ko--"

"Hindi ka ba nahahabag? Nagagawa mong magbantay ng bata sa ibang bansa, alaagaan at bihisan na parang tunay na anak, pero ang sarili mong kadugo? Walang pakundangan mong iniwan." Sabat ni Erin sa matigas na boses.

"Anak, kung alam mo lang! Kung alam mo lang kung gaano ako nakokonsensya, kung gaano kalungkot ang buhay ko habang nag-aalaga ng ibang bata, iniisip ko na sana ikaw 'yon."

"So, bakit hindi mo ako nagawang balikan? Eighteen years oh! Saktong eighteen years bago ka nagpakita!" Sigaw ni Erin na umalingawngaw sa lugar na iyon.

Mabilis kong hinawakan ang magkabilaang balikat niya para pigilan siya. Nang lingunin ko ang likuran ko ay may ilan ng mga taong nanonood sa amin.

Hindi ko na iyon pinansin at muling binalingan si Erin, nanlilisik ang matang pinagmamasdan ang matanda habang wala namang humpay ito sa pag-iyak.

"At talaga ngang nagpakita ka pa?! Gaano ba kakapal iyang mukha--"

"Hindi ako nagpakita dahil natatakot ako! Naduduwag ako!" Sigaw ni Ma'am Erlinda, tila naubusan na ng pasenya. "Hindi ko alam kung ano pang mukha ang ipapakita ko sayo. Nahihiya akong magpakita dahil sino nga ba naman ako, hindi ba? Isang walang kwentang ina! Hindi mo kailangan ng isang inang katulad ko kaya pasensya na anak, kung ngayon lang... kung ngayon lang nagkaroon ng lakas ng loob. Hindi ko naman hiniling na mapatawad mo ako, gusto ko lang sabihin lahat, ikwento lahat ng pinagdaanan ko kung bakit nangyayari lahat 'to."

Nanginig ang balikat ni Erin kaya binalingan ko ito, tahimik na kumakawala ang mga luha sa kaniyang mata.

"Hindi mo alam kung gaano ka-miserable ang buhay ko nang umalis ka, no'ng iwan mo ako." Umiiyak na sambit ni Erin.

Marahas niyang pinunasan ang pisngi saka ilang hakbang na lumapit sa kaniyang ina.

"Sana hindi mo na lang ako pinanganak, ang laki ng awang dito oh!" Dugtong niya saka pa inituro ang dibdib niya kung saan naroon ang puso niya.

Lumapit ang ginang kay Erin at marahan na inabot ang kamay, nanginginig pa iyon nang kunin niya at dinala sa mukha niya.

"Sampalin mo ako, anak. Saktan mo ako, ibuhos mo lahat ng hinanakit mo sa akin. Ilabas mo lahat hanggang sa mapatawad mo ako--"

Hindi na natuloy ni Ma'am Erlinda ang sinasabi dahil walang sali-salitang hinila siya ni Erin at mahigpit na niyakap, doon ay mas lalong lumakas ang paghagulgol niya.

"Bakit mo ba 'to nasasabi, ha?! Hindi mo ba alam na nasasaktan din ako!"

Pumatak ang isang butil ng luha sa mata ko na mabilis ko namang pinunasan. Tipid akong ngumiti, masaya sa nakikitang maaayos na ang lahat.

"Mama!!" Pag-iyak na lang ni Erin ang nagsilbing ingay sa lugar na iyon.

Gay's Confession [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon