Chapter Twenty Six

253 35 8
                                    

Ilang araw matapos ang birthday ni Erin at ang kaganapan iyon, halos naging mailap sa akin si Erin. Sa tuwing dadaan ako sa umaga para isabay siya sa kotse ay nakaalis na agad siya, papasok ako na wala naman siya sa room.

Darating lang kapag naroon na ang instructor, aalis din kaagad kapag natapos ang klase. Sobrang layo rin ng upuan niya sa kinaroroonan ng upuan ko. Sa pag-uwi naman ay ganoon din, tatakbo ito palabas para hindi ko siya maabutan.

Ano bang problema niya? Ano bang mali sa ginawa ko?

Dahil ba hanggang ngayon ay hindi pa niya matanggap ang nangyari? Dahil ba nagulat ko siya sa regalo ko? O baka dahil hindi niya lang matanggap na kailangan niyang patawarin ang nanay niya?

Naiintindihan ko naman lahat ng pinaghuhugutan niya kung bakit siya naging ganoon, pero hindi niya kailangan maging ganito. Pati sarili niya ay inilalayo niya sa akin.

"Ano bang nangyayari do'n?" Sigaw ni Helen nang makitang nagmamadaling lumabas si Erin.

Pati sila ay hindi rin pinapansin, akala siguro ay kasabwat ko sila sa nanyari. Samantalang hindi nga nila alam na dumating pala ang nanay niya noong gabing iyon.

"Ikaw! Anong ginawa mo ha?" Bulyaw ni Helen saka ko naman narinig ang mga yabag niya sa likuran ko.

Abala ako sa pagliligpit ng gamit ko, katapos lang ng klase at oras na ng uwian. Tinapik ako ni Helen sa balikat, nilingon ko lang siya nang matapos ako sa ginagawa.

"Anong nangyari do'n kay Erin? Halos isang linggo na siyang ganoon ah? May ginawa ka ba?" Aniya saka ako idinuro.

Mabilis naman siyang nilapitan ni Rachel at ibinaba ang kamay, pilit na hinihila palayo sa akin. Walang emosyon ko silang pinagmasdan.

"Wala akong ginagawa." Simpleng saad ko.

Kahit nga may ginawa ako ay hindi naman na-appreciate, instead of saying thank you ay ito pa ang isusukli niya.

"Hindi naman siya hahantong sa ganito kung wala talaga." Pagpupumilit ni Helen, animo'y nag-aamok pa ng away dahil pilit siyang kumakawala kay Rachel.

"Ano ba, Helen. Tama na nga 'yan, nakakahiya na sa iba." Pag-awat sa kaniya ng kaibigan.

Mabuti nga at uwian na kaya kaunti na lang ang tao rito sa room. Naiwan na lang iyong mga nakarinig ng sigaw kanina ni Helen kaya mas minabuti nilang makitsismis muna.

Bumuntong hininga ako. "Wala akong oras para sa ganito, pasensya na."

Hindi ko na pinansin ang pagsigaw ni Helen dahil nilampasan ko na sila. Hindi ko kailangan mag-explain sa kanila, may sarili pa akong problema.

Mabibigat ang paang nilakad ko ang hallway ng building, pagkababa ay halos may ilan akong makabangga sa sobrang pagmamadali ko. Nang makalabas ng gate ay nagpalinga-linga ako.

Wala na siya.

Malamang naglakad na naman iyon pauwi. Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago nagtungo sa kotse kung saan ito naka-park. Napahinto lang nang makita ko siya, nakasandal sa mismong kotse ko.

"Erin..." Pagtawag ko sa pangalan niya dahilan para mag-angat ito ng tingin sa akin.

"Nasaan siya?" Malamig niyang sambit.

"Huh?"

"Saan nakatira si Erlinda Jackson? Gusto kong malaman kung siya ba talaga ang totoo kong ina."

Sa sinabi niya ay mabilis kong kinuha ang susi ng kotse at pinatunog iyon, agaran naman siyang pumasok sa passenger's seat. Umikot ako sa kabila at pumasok sa loob.

"Sure ka na ba? Handa ka na bang harapin at kausapin siya?" Pagtatanong ko pa habang tinatantya ang expression niya.

Nagkibit ito ng balikat. "Susubukan ko."

Tinanguan ko ito saka pinausad na ang kotse. Tinahak ko ang daan patungo sa A&D Hotel kung saan nanunuluyan ang ina ni Erin. Kalahating oras bago kami nakarating doon at sabay na bumaba.

Nilapitan ko si Erin na ngayon ay nakatingala sa malaking gusaling iyon. Ramdam ko rito ang kaba kaya marahan kong kinuha ang kamay niya, pinagsalikop ang mga daliri at pinisil ang kaniya.

"Alam kong kaya mo 'to, Erin. Kilala kita. Wala kang pagsubok na inaatrasan." Pahayag ko dahilan para magbaba ito ng tingin sa akin.

"Sa tingin mo, kaya ko talaga?"

Dahan-dahan akong tumango. "Oo, ikaw pa ba? Isa ka sa mga babaeng nakilala kong mas matapang pa kaysa sa isang lalaki."

"Kaysa sayo." Aniya na para bang tinatama ang sinabi ko.

"Kaysa sa'kin."

Kahit hindi ko naintindihan kung bakit ay sinang-ayunan ko na lang. Bahala na, para lang mapanatag siya. Bahagya itong ngumiti saka ako hinila papasok sa loob ng hotel.

Dumeretso kami sa front desk. "Miss, pwede kay Erlinda Jackson? Pasabi may bisita siya at dito na kami maghihintay sa baba." Si Erin na ang nagsalita.

"For a while lang po, Ma'am." Anang babae saka may i-dial na number. "Good afternoon, room 403, Miss Erlinda Francisco? Just wanna inform you na mayroon po kayong bisita rito sa baba."

Huminto ito saglit para pakinggan ang nasa kabilang linya. Tumingin kay Erin ang babae at bago pa man siya tanungin ay nagsalita na siya.

"Erin Jackson."

Muling bumalik sa linya ang babae. "Erin Jackson po ang pangalan. Dito na lang daw po siya sa lounge area maghihintay. Thank you."

Nang maibaba ay telepono ay muli akong hinila ni Erin papunta sa may waiting area.

"Mukha ba akong kinakabahan?" Pahayag niya saka ako nilingon. "Okay naman ang mukha ko, hindi ba?"

Ngumiti ako saka marahang tumango. Hindi na ako nakapagsalita dahil mabilis na dumating ang taong siyang hinihintay namin. Patakbo itong lumapit sa amin.

"Erin, anak!" Nagagalak nitong sambit at akmang yayakapin niya si Erin nang pigilan siya nito.

Inilihad niya ang kaniyang palad sa ere, katulad ng ginawa niya sa akin noon dahilan para mapahinto ang ginang. Nalungkot man ay pinilit nitong ngumiti.

"Mabuti at nagpasya kang bumisita, anak." Todo ngiti pa ito na todo kubli rin sa totoong nararamdaman.

Alam ko na mahirap para sa kaniya ito. Pareho ko silang naiintindihan kaya gusto ko silang tulungan. Gusto kong magkapatawaran na ang dalawa dahil ayoko ng makita pang nalulungkot si Erin.

"Bago mo ako tawaging anak, gusto ko munang malaman ang pagkakakilanlan mo." Matigas na sambit ni Erin.

Bumuntong hininga ito saka ako sinipat ng tingin, tila nakikiusap na umalis muna ako kaya mabilis kong binitawan si Erin.

"Sige po, aalis muna ako. Sa labas na lang ako maghihintay, Erin." Sambit ko at tumalikod na.

Bago pa man ako makalayo ay inabot na nito ang braso ko para pigilan ako. "Dito ka lang. Dito ka lang sa tabi ko."

Gay's Confession [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon