"Oo nga pala, Erin, parang may nakakalimutan ka." Sambit ni Helen saka inakbayan ito.
Palabas na kami ngayon ng school. Nauunang maglakad ang tatlo, sina Rachel at Helen habang pinapagitnaan naman nila si Erin. Tahimik lang ako rito sa likuran na sinusundan sila palabas.
"Huh? Ano 'yon?" Nagtatakang tanong ni Erin at maang na binalingan ang katabi.
"Ay gaga, hindi mo talaga matandaan?" Sabat naman ni Rachel.
"Wala akong maalala e. Ano ba 'yon? Nagkautang ba ako nang hindi ko alam?"
"Gaga ngang tunay." Napa-face palm na lang si Helen sa sinambit ng kaibigan. "Malapit na birthday mo, hindi ba? Para ka namang bagong panganak."
Sa narinig ay kumunot ang noo ko. Malapit na ang birthday niya? Tapos hindi niya alam? Wala sa sariling natawa ako.
"Hindi ka ba excited?" Pagpuna ni Rachel nang hindi umimik si Erin.
"Kahit naman excited ako, hindi rin naman ako makakapaghanda. Alam niyo naman ang kalagayan ng buhay ko." Pahayag niya saka pa pekeng tumawa.
"Pero debut mo 'yon, wala ka man lang bang ganap kahit munting handaan lang?"
"Hindi ko sure, may pinaglalaanan kasi ako sa perang naipon ko."
Kahit kailan talaga ay hindi ako binigo ng babaeng 'to, hanga ako sa pagiging independent niya. Naaayos niya lahat ng problema nang hindi na kailangang humingi pa ng tulong sa iba-- pwera na lang doon sa part na nakituloy siya sa amin dahil no choice na siya.
"Sayang naman, pero hayaan mo, gagawa kami ng paraan ni Rachel para kahit papaano ay mai-celebrate natin ang birthday mo."
"Salamat mga friendship! Hindi talaga ako nagkamali na pinansin ko kayo noong unang araw ng pasukan." Sambit niya saka mapang-asar na tumawa.
"Ang kapal ng mukha mo!"
"Parang napaka-famous mo naman, girl."
Isa pa, wala siya gaanong kaibigan sa room. Tanging si Helen at Rachel lang ang naituturing niyang malapit sa kaniya na siyang hinangaan ko rin. Mga simpleng babae na deserve ang salitang respeto.
Tuluyan na kaming nakalabas kaya napahinto ang tatlo para makapagpaalam sa isa't-isa. Matapos makipagbeso ay nauna nang naglakad palayo ang dalawa, mabilis naman na nilingon ako ni Erin.
"Nasaan ang kotse mo, honeybunch?" Sambit niya at tumatalon-talon pang lumapit sa akin saka ikinawit ang kaniyang kamay sa braso ko.
Itinuro ko ang kotse na naroon sa kabilang side ng gate kaya agad naming tinungo iyon. Nagulat pa ito nang pagbuksan ko siya ng pinto sa passenger's seat.
Talaga bang hindi pa siya nasasanay kaya kailangan ngumanga ng todo? Halos hindi ko na mabilang kung pang-ilang beses na siyang nagulat ngayong araw.
Inalalayan ko ang ulo nito at tinulak papasok sa loob dahil hanggang ngayon ay natutulala pa rin siya. Nilingon ako nito nang hindi makapaniwala.
"Suotin mo na 'yang seat belt mo, huwag kang pa-baby diyan." Sambit ko at isinara na ang pinto.
Umikot ako sa kabila saka mabilis na binuksan ang pinto at sumalampak sa driver's seat. Binuksan ko ang engine at pinausad ang kotse sa mabagal na takbo.
"Napakabagal mo namang magmaneho? Ano 'to, may patay ba at para kang may ihahatid sa sementeryo?"
Matalim ang tinging nilingon ko si Erin, luwa ang parehong mata nitong tinititigan ako.
"Pakialam mo ba?"
"Bilisan mo, baka ikaw pa ang maging dahilan ng traffic dito."
Sa sinabi niya ay walang sabi-sabing binilisan ko ang takbo ng kotse dahilan para tumili ito na siyang malakas kong tinawanan. Nagpapadyak-padyak pa ito at todo kapit sa kinauupuan.
"Xander!!" Sigaw niya sa akin at nanggigigil na hinampas ang braso ko.
Natatawang in-slow down ko ang kotse kaya rinig ko ang paghahabol nito ng hininga, akala mo ay hinabol ng mga kabayo. Napahawak pa ito sa dibdib niya at nang makabawi ay muli na naman niya akong pinaghahampas.
"Walang hiya ka! Mamamatay ako nang wala sa oras dahil sayo! Ugh!!" Bulyaw niya at humalukipkip sa bintana.
"Sabi mo bilisan ko, ngayong ginawa ko ay nagagalit ka." Pahayag ko habang natatawa pa rin.
"Ewan ko sayo."
Sa bilis ng pagmamaneho ko kanina ay narating namin agad ang bahay na tinutuluyan niya. Pinarada ko ang kotse malapit sa pulang gate at nilingon si Erin na hanggang ngayon ay todo irap pa rin sa hangin.
Tumunog ang cellphone niya dahilan para dukutin niya iyon sa kaniyang bag at tinignan ang caller. Mabilis kong nahagip ng tingin kung sino iyon kaya kumunot ang noo ko.
"May number ka ni Ate Xyreille?" Saad ko habang maang lang siyang pinagmamasdan hanggang sa sagutin niya ang tawag, hindi na ako pinansin.
"Hello, Ate?" Sagot niya sa kabilang linya. "Ay, opo, okay naman po."
Bahagya ako nitong sinilip at tinatamad na isinandal ang ulo niya sa head rest ng upuan.
"Opo, kakauwi nga lang namin. Bali pababa na rin po ako." Sambit niya at binuksan ng kaunti ang bintanang katabi. "Sige po, salamat. Kayo rin diyan, ingat ka po."
Matapos ang tawag ay ibinaba niya na iyon at nilingon ako, tinaasan pa ako ng isang kilay, animo'y nag-aamok ng away.
"Nagkakatawagan kayo?" Hindi pa rin makapaniwalang tanong ko.
"Obvious ba?" Maarte niyang sagot at muling umirap.
Ano bang problema ng mata niya at panay ikot?
"Bakit? Kailan pa? Bakit hindi ko alam?"
"Ang dami mong tanong. Basta kinuha niya 'yung number ko no'ng um-absent ako, sabi niya para raw just in case na lagnatin ako ulit ay tawagan ko siya kaagad. Bibigyan niya ako ng paunang lunas mga gano'n."
"May nabanggit ba siya sayo?" Mahinang pahayag ko habang mahigpit ang kapit sa manibela.
Imposibleng dahil lang doon iyon. Kilala ko si ate, alam ko ang mga dahilan niya kaya malabong dahil lang doon.
"Hmmm?" Tumaas ang kilay ni Erin, tila nag-iisip pa. "Wala naman, maliban sa mga concerns niya sa akin. Bakit, may dapat ba siyang sabihin?"
Napakurap-kurap ako at mabilis na umiling. Sa sinabi niya ay kahit papaano napanatag ako, dahil hindi ko kakayanin kapag nalaman iyon ni Erin. Baka layuan na lang ako nito bigla.
"Wala. Wala naman." Wala sa sariling sagot ko.
"Grabe, ang bait ng Ate mo 'no?" Namamanghang sambit niya at iritang tinitigan ako. "Ikaw lang ang hindi."
Tumawa pa ito na parang baliw, hindi na ako umimik at pinagmamasdan na lang ang mukha niya. Tangina, kailan pa naging musika sa tainga ko ang paghalakhak niya?
Nang mapansin nito ang pagtitig ko ay mabilis din siyang tumigil. "Oh siya, sige na. Papasok na ako sa loob, ingat ka sa pag-drive ah? Babush!"
Hindi na niya ako hinayaang magsalita dahil namalayan ko na lang na malakas niyang isinara ang pinto. Sinundan ko siya ng tingin paikot sa kabila, huminto ito nang nasa gate na siya para lingunin ako.
Kumaway lamang siya at binuksan na ang gate tuluyan na siyang nakapasok sa loob habang para naman akong tuod dito na nakatulala sa kawalan.
Isang buntong hininga muna ang pinakawalan ko bago pinaharurot ang kotse papasok ng village.
BINABASA MO ANG
Gay's Confession [Completed]
Teen FictionXander Crisostomo Villegas, ang lalaking hindi alam kung paano aamin sa tunay niyang pagkatao.