" Ate dalawang sardinas at itlog, tatlong noodles saka isa na rin pong 3 in 1."
Kasabay ng pag-abot ko ng bayad sa tindera ay napukaw ang tingin ko sa dalawang babaeng nagkekwentuhan rin dito sa labas ng tindahan na kinatatayuan ko.
" Hay nako, sana naman matuloy pa rin yung graduation no."
" Oo nga, sayang lahat ng pinaghirapan natin na mapupunta sa wala"
Napabuntong hininga ako.
Talaga namang nakakalungkot isipin yung balitang yon. Biruin mo ba naman kung labingdalawang taon ka nagsumikap at naghintay na magmartsa para makuha ang diploma kasama ang magulang mo ay biglang hindi mangyayari dahil sa virus na patuloy kumakalat sa bansa.
Napayuko ako nang mapako ang tingin nila sa lugar ko.
" Ikaw ba? Ayos lang ba sayo na hindi matuloy ang graduation?" tanong nila sa akin dahilan para ikagulat ko.
Nag-isip muna ako at saka binigyan sila ng pilit na ngiti.
" Kung ako, ayos lang naman sa akin. Kaysa naman ilagay sa alanganin ang kalagayan ng nakakarami diba?"
Hindi sila napangiti sa sagot ko. Mukhang hindi iyon ang sagot na gusto nilang marinig mula sa akin.
" Tsk. Pero sayang talaga. Ang tagal tagal nang hinintay natin para don no."
"Nakakalungkot lang diba?"
Muli kong pinilit na ngumiti sa kanilang harapan.
Hindi pa rin nila inaalis ang kanilang tingin sa akin. Para bang naghihintay pa sila ng sasabihin ko.
" Ineng, ito na ang binili mo" Agad kong kinuha sa maliit na butas ng tindahan ang pinamili ko.
Ngunit bago ako umalis,sa huling pagkakataon ibinaling ko ang atensyon sa dalawang babaeng hindi pa rin tapos sa kanilang usapan.
" Nakakalungkot talagang isipin na maaring hindi matuloy ang graduation na inaasam ng lahat. Pero mas nakakalungkot na kahit kailan eh hindi ko naman mararanasan yang graduation na sinasabi nyo. Mapalad kayo dahil kahit hindi man matuloy ang pagtatapos, at least nasimulan nyo nang maabot ang mga pangarap nyo."
Pagkatapos kong sabihin ang mga katagang iyon, tuluyan na akong umalis pabalik sa aming tahanan para dalhin ang pagkaing ibinili ko para sa pamilya kong hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng rasyon mula sa gobyerno.
----
YOU ARE READING
When the Pen Bleeds
RandomCompilation of one shot stories and poems that keep bugging me. Most of these were also posted in my fb account