Sariwang hangin, malinis na daan at halos tahimik na kapaligiran.
Pinikit ko ang aking mga mata upang mas malasap ang hangin na dumadampi sa aking katawan at unti-unting napangiti.
" Napakasarap talaga dito sa probinsya" mahina kong sambit sa aking sarili at saka muli nang iminulat ang aking mga mata.
Halos ilang taon na rin kasi nang makabalik ako dito dahil sa sobrang daming kailangang tapusin na trabaho sa Manila. Kaya ngayong wala naman akong masyadong gawain, napagdesisyunan kong muling bisitahin ang aking pamilya pagkatapos ng pitong taon.
Pinili kong maglakad na lang habang hindi pa rin maialis ang mga ngiti sa aking labi habang pinagmamasdan ang mga bukirin na dati'y lagi kong pinupuntahan kapag tumatakas ako sa pagtulog ng tanghali sa bahay namin.
Aaminin ko maraming nagbago. Oo may mga bukirin at mga puno pa rin naman pero habang palayo ako ng palayo sa terminal na aking binabaan, mapapansin mong nagkaroon na rin ng mga establisyimento at iilang mga pasyalan.
Gayunpaman, ibang-iba pa rin ito sa syudad na halos mapuno na ng usok ang buong paligid at walang araw na hindi trapik at punung-puno ng mga taong may kanya-kanyang pinagkakaabalahan.
Napahinto ako nang mapansin kong may isang batang lalaki na sa tingin ko'y nasa limang taong gulang at umiiyak sa di gaanong kalayuan sa mall.
Dahil sa aking pag-aalala, dali-dali akong tumakbo patungo sa kinaroroonan niya.
"Hello. Bakit ka umiiyak?" tanong ko pagkaluhod ko sa harap nya para maging kapantay ko lang siya.
Tiningnan nya muna ako at saka pinunasan ang kanyang luha pero patuloy pa rin ito sa pag-agos.
" H-hindi ko po kasi makita si p-papa ko ate." mahinang sagot nya habang bakas pa rin ang lungkot sa kanyang mga mata.
Hinawakan ko ang kanyang balikat at dahan-dahan itong tinapik upang kahit papaano ay huminahon siya.
" Ganon ba? Sige tutulungan ka ni ate ha. San ka ba galing?"
Patuloy pa rin sya sa pag-iyak habang itinuro ang mall gamit ang kanyang maliit at matabang daliri.
Kung ganon, baka nasa mall pa rin ang papa nya.
" Tara. Babalik tayo don. Sigurado nag-aaalala na rin sayo yung papa mo at saka magtatanong nalang tayo kay kuya guard. 'Wag ka ng umiyak baby. Sasamahan ka naman ni ate eh." Dagdag ko pa at saka ako tumayo at hinawakan ang kamay nyang medyo malamig dahil siguro sa takot niya kanina.
" D-di po ako baby ate. Ako po si Mike." Bahagya akong napangiti nang marinig ang kanyang pangalan at saka kami naglakad papunta sa mall na pinanggalingan nya.
Tahimik lang kami sa paglalakad pero rinig ko pa rin ang mahinang mga hikbi nya.
" Kuya Guard. Nawawala po kasi itong bata." Salubong ko sa gwardyang nagbabantay sa babasaging pinto ng pasyalan.
" Ay ganon po ba ma'am. May pumunta na rin po kasi dito kanina at sinabing nawawala yung anak niya. Binigay nya po sa akin yung numero niya. Tawagan ko ho." Nginitian ko lang siya bilang sagot at saka niya kinuha ang teleponong nakalagay sa bulsa ng kanyang uniporme.
Maya-maya lang ay nagsasalita na siya. Malamang kausap niya na ang papa ni Mike.
Binaling ko ang tingin sa bata na ngayo'y mukhang mas mahinahon na kaysa kanina.
" Papunta na daw po ma'am" sambit ng gwardya pagkababa ng kanyang telepono.
" Narinig mo yon? Papunta na si papa mo kaya 'wag ka na mag-alala okay?" Pagpapakampante ko sa loob ni Mike at saka kami umupo sa bakanteng upuan sa tabi ng entrance ng mall.
Nakayuko lang ako habang hawak pa rin ang malambot na kamay ng bata habang hinihintay ang papa niya.
Hindi siya gaanong nagsasalita kaya pinili kong tumahimik na lang din habang pinagmamasdan ang sapatos kong hindi na mukhang puti dahil sa duming meron ito.
Naramdaman ko ang pagbitaw sa akin ni Mike at ang pagbaba nya sa upuan.
" Papa!" Naiangat ko ang aking ulo dahil sa aking narining at isang masakit na alaala ang bumalik sa aking isipan.
" G-Gail?" Pinilit kong ngumiti sa harapan niya.
Hindi gaanong nagbago ang itsura niya. Ang mapupungay na mata, matangos na ilong at mamula-mula niyang labi ay halata pa rin kahit pitong taon na ang lumipas.
Hindi ko alam itong nararamdaman ko. Isang malinaw na alaala ang bumalik sa akin. Kung paano kami masayang nagkekwentuhan sa ilalim ng puno pagkatapos ng klase at kung ano-anong mga bagay na ginawa namin noong kami pa bago ako umalis ng probinsya at magdesisyong iwanan na lang siya.
"Kumusta M-Mike?" Hinimas nya ang kanyang batok at saka napangiti sa tanong ko.
" Ito isang tatay na" sagot niya na tila ba nahihiyang ipaalam na may pamilya na siya. Pero kita sa kanyang mga mata na masaya sya sa buhay na mayroon siya dahilan para makaramdam ako ng lungkot na hindi naman dapat.
" Papa. Siya po tumulong sa akin mahanap ikaw. Kilala mo siya?" kwento ng kanyang anak habang bakas ang kuryosidad sa kaniyang mukha.
" Oo nak. K-kilalang kilala."
Muli niyang ibinaling ang kaniyang tingin sa akin.
" Ikaw? Kumusta ka na? M-matagal na rin ng huli tayong m-magkita." tanong niya habang nakasukbit ang isa niyang kamay sa bulsa ng maong na pantalon niya.
Bahagya kong iniwas ang aking tingin sa mga mata niya.Matagal na nga nang huli kaming magkita. Ang huli ay nang pareho kaming nasa ilalim ng puno ng acacia at nagmamakaawang 'wag ko syang iwan.
" Ito. Maayos naman. Mukhang masayang-masaya ka ha." Pinilit kong itago ang pait at bigat na nararamdaman ko.
" Oo naman. Napakasaya ko kasi may isa akong maalagang asawa at napakabait na anak."
Nanatili lang akong tahimik sa sinabi niya.
" Pwede ko bang tanungin kung may a-asawa ka na rin ba o b-boyfriend man lang?" tanong nya habang nakayuko at tila ba nagsisisi kung bakit lumabas yun sa labi niya.
Tinapik ko ang balikat nya dahilan para mapatingin sya sa akin at saka binigyan sya ng isang ngiti.
" May boyfriend na ko. Sa katunayan nga susunod rin sya dito kaya lang may tatapusin pa siya sa Manila."
Binigyan niya ako ng isang tingin na kahit ako ay hindi alam kung anong ibig sabihin nito.
Tumingin siya sa kaniyang relo at mabilis binalik sa akin.
" M-Mabuti naman kung ganon. Sige mauna na rin kami ng anak ko. Masaya akong nakita kita ulit." sagot niya at saka hinimas ang ulo ko kagaya ng lagi nyang ginagawa sa akin noon.
Nang mawala na sila sa paningin ko, bigla nang tumulo ang luhang kanina pa gustong makawala sa mga mata ko.
Napailing ako sa usapan namin at saka naisipan nang maglakad palabas ng mall kahit na pinagtitinginan na ako ng mga tao sa paligid ko.
" Sinong niloko ko? Wala kang boyfriend Gail" sambit ko sa aking sarili habang pilit na pinapagaan ang loob ko dahil sa katotohanang siya pa rin naman itong nilalaman ng puso ko.
WORK OF FICTION
YOU ARE READING
When the Pen Bleeds
RandomCompilation of one shot stories and poems that keep bugging me. Most of these were also posted in my fb account