Hapon na pero wala pa rin akong nakikitang pwedeng matuluyan. Pumunta na lang ako sa may maliit na kubo, parang waiting shed sa gilid ng kalsada. Napasandal ako roon, at dahil na rin sa pagod, nakaidlip ako.
Nagising na lang ako ng marinig ko ang malakas at tuluy-tuloy na busina ng tricycle. Nakahinto ito sa tapat ko.
"Neng, saan ang punta mo?" tanong ng may-katandaang lalaki.
"Manong, sorry di ko po alam eh... lumagpas kasi ako sa bayan ng Iba, roon po sana ako bababa."
"Ay naku ineng, medyo may kalayuan na yun dito sa amin."
"Oo nga po, yun din ang sabi sa akin ng konduktor ng bus." Sabay kamot sa ulo.
"Oh sige, kung gusto mo ay doon ka na lang magpalipas ng oras sa amin.'Wag ka mag-alala, di ako masamang tao." Sabay abot ng ID nya sa akin.
Binasa ko ito. "Ben Sales, kagawad po kayo rito?" binalik ko ang ID nya.
"Oo, ineng. Alam mo na ang pangalan ko. Baka iniisip mo ay may masama akong gawin sa iyo, nagkakamali ka. Hindi ako ganun."
Mukha namang mabait si Manong kaya sumakay na ako sa tricycle nya. Tumitingin ako sa daan, nagmamasid. Napatingin ako kay Mang Ben. "Ano nga pala ang pangalan mo, ineng?" Tanong nya sa akin.
"Toni po." Mahina kong sagot.
Pinagmamasdan nya ako na parang sinusuri. "Anong dahilan ng pagpunta mo rito sa probinsya namin?" pag-usisa nya.
"Ah may kaibigan po kasi akong nakatira sa Iba, bibisitahin ko po sana." Paliwanag ko sa kanya.
Tahimik lang na tumango si Mang Ben. Maya-maya pa'y huminto na ang tricycle. "Ising! Ising!" Sigaw niya habang kumakatok sa pintuan ng bahay na gawa sa kahoy. Maganda at presko pagmasdan.
"Ikaw na pala iyan, Ben!" Sambit ng babaeng may katandaan na rin. Siguro ay asawa ito ni Mang Ben. "Ginabi ka na ata, kamusta ang araw mo?" Sabay halik sa pisngi nito.
"Ayos naman." Malambing na sagot ni Mang Ben sa kanya. "Ising, may kasama nga pala ako.. Si Toni." Sabay turo sa akin. "Nakita ko sya naghihintay dun sa kubo sa gilid ng kalsada. Wala syang matutuluyan kaya dito ko muna dinala."
Tumingin sa akin si Manang Ising at ngumiti. Naalala ko si Manang Josie sa kanya. Malambing ang mukha nya, at mahinhin magsalita. "Halika, ineng. Pasok ka."
Nahihiya akong tumungo at pumasok sa bahay nila. Maaliwalas at maayos ang loob ng kanilang bahay. Kulay berde ang pintura at may mga fresh flowers din sa vase sa sala. Ibinaba ko ang backpack ko sa may bandang pintuan.
Pinagmamasdan ko ang mga litratong nakakwadro na nakasabit sa kanilang dingding. "May mga anak pala sila." Sabi ko sa sarili ko. Napalingon ako at nakita kong nakatingin pala sa akin si Manang Ising.
Ngumiti ito at nagtanong, "Mga anak ko iyan. Karamihan sa kanila ay nasa Manila. Ang iba naman ay nasa Amerika. Sandali, ineng.. Kumain ka na ba?"
Humawak ako sa tyan at nagsabing, "Hindi pa po."
"Halika't kumain. Sabay na kayo ni Ben." Masayang tugon niya.
Dahil gutom na talaga ako, kumain ako at nagpasalamat sa kabaitan nila sa akin. Pagkatapos noon ay tinuro sa akin ni Manang Ising ang kwarto na tutulugan ko.

BINABASA MO ANG
Total Stranger
General FictionMabait na anak si Maria Toni Lim. Lahat ng gusto ng mga magulang nya ay sinusunod nya, maliban sa isa ----- ang maikasal kay Gaudencio Dimaculangan. Dahil ayaw nya maikasal sa taong kilala lang by name, umalis sya at hinanap ang sarili. Hanggang sa...