Nagpanggap ako na normal pa rin ang lahat. Na kahit na alam ko kung ano'ng laman no'ng ginawang sulat ni Steven, nagkunwari ako na 'di ako naapektuhan.
Nagkunwari akong okay lang. Wala na ata akong ibang magagawa pa. Bakit ko pa ba siya pinoproblema?
"Mag-usap tayo," seryosong sabi sa akin ni Steven at hinila ako paalis.
"Teka magpapaalam lang ako—"
"I-chat mo na lang sila, kailangan kitang kausapin ngayon," sambit niya at wala na akong nagawa kung 'di sumunod sa kaniya.
Naglakad kami papunta sa gate at nakita ko ang kotse niya. Sumakay na kami at tahimik lang kami sa loob. Pinindot niya 'yung bluetooth at may isang kantang hindi ko alam ang tumunog.
"Ano'ng pag-uusapan natin?" tanong ko pero hindi niya ako pinansin at nagsimula na siya magmaneho. Huminga ako ng malalim.
"Sa'n tayo pupunta?" tanong ko ulit pero hindi pa rin niya ako pinapansin. Ano ba 'to? Ano bang nangyayari sa kaniya? May balak ba 'tong sagutin ang tanong ko?
Kinuha ko na ang cellphone at sinabihan sina Courtney at Mira na aalis ako kasama si Steven dahil kailangan niya akong kausapin. Tinext ko rin ang nanay ko na baka malate ako ng uwi.
"Sorry," bigla niyang sambit kaya napatingin ako sa kaniya.
"Wala ka namang dapat ika-sorry eh."
"Wala na kami."
"Ano? Bakit? Ano'ng nangyari? Kasalanan ko ba 'to?" 'di makapaniwalang tanong ko.
"Hindi, hindi. Kaya nga kakausapin kita eh," paliwanag niya sa akin at nanahimik na lang ako. Hinayaan ko siya na magdrive na lang at tumingin ako sa bintana. Pero hindi ko maiwasan na 'wag mag-isip ng kung ano-ano.
Baka ako ang dahilan, 'wag naman sana.
"Naglunch ka ba kanina?" tanong niya sa akin. Umiling ako, hindi ko alam kung nakita ba niya 'yon o ano.
"Kain na muna tayo, do'n na lang ako magkukuwento," paliwanag niya at tumango ako. Hinayaan ko na lang 'yon at 'di pa rin ako mapakali na gano'n ang nangyari sa kanila. Alam ko na may mga relasyon talagang nagtatapos pero nakakabigla 'yung kanila.
Ilang sandali pa, nagpark si Steven at bumaba na kami. Iniwan namin ang mga gamit at pumunta sa isang fast food restaurant. Nakatingin lang ako sa kaniya, hindi umiimik.
"Order lang ako," banggit niya at naglakad na papunta sa counter.
Huminga ako ng malalim. Bakit? Bakit nawala 'yung sa kanila? Ano'ng nangyari?
Dapat masaya ako 'di ba? Pero bakit ganito?
"Silent treatment?" tanong niya sa akin at napatingin lang ako sa kaniya. Hindi ko alam kung ano ang dapat na sabibin.
"Uh, hindi ko kasi alam kung ano'ng sasabihin ko eh."
"Dalawang linggo na magmula no'ng umayaw siya. Mukha atang masaya na siya sa iba eh," panimula niya. Hindi ako umimik, nakatitig lang ako sa kaniya at nakita ko na huminga siya ng malalim.
"Hindi na kami ayos magmula no'ng binigay ko 'yung mga letter sa'yo—"
"So hindi dahil sa 'kin?"
"Ha? Hindi nga. 'Yan ba 'yung iniisip mo? Hindi ikaw ang dahilan, okay? 'Wag mo sisihin 'yung sarili mo."
Tumango ako sa kaniya at wala nang nagsalita sa amin. Ilang sandali pa, dumating na ang pagkain namin at nakatitig lang ako ro'n.
"Kain ka na, 'di ka naglunch kanina eh," sabi niya at kinuha ang pagkain niya. Kinuha ko rin ang akin at dahan-dahang kinain 'yon.

BINABASA MO ANG
Sana Akin Ka (completed)
Historia CortaSimple lang naman 'to. Gusto kita, gusto mo ako. Tapos na sana ang usapan, kaso nandiyan siya. Siya na nagmamay-ari sa'yo, siya na mahal ka at naiwan ako rito. "Mahal kita, mahal na mahal pero mahal mo pa rin pala siya." wraithlike_ 2020.