10

71 5 2
                                    

Lumipas ang isang buwan na pare-pareho lang ang nangyayari; lessons, sandamakmak na assignments, reports, projects. Paulit-ulit na lang ang lahat. Puro na lang PeTa, puta.

Sa totoo lang, nakakapagod na. Pero kailangan lumaban, umpisa pa lang 'to ng senior high.

Tumingin ako sa paligid at pinagmasdan ang mga tao. Iba't-iba ang kulay ng damit nila. Napalunok ako at tumingin sa mga kagrupo ko.

"Malapit na ang intrams natin," paliwanag sa akin ni Veronica. Huminga ako ng malalim at pilit na ngumiti.

"Alam ko. Sana naman makinig na sila," sabi ko habang nakatingin sa sahig. Umaasa ako na maging maayos na 'to.

Pinaayos na sila ni Veronica dahil hindi talaga ako gano'n kagaling sa pagbigay ng mga utos sa ibang tao. Napatingin ako sa team nila Mira at Courtney, lahat sila nakikinig, napabuntong hininga na lang ako.

Sana lahat ng team nakikinig.

"Makinig na kasi kayo!" inis na sigaw ni Veronica. Hindi ko siya masisisi kung nagagalit na siya ngayon dahil ayaw talagang makinig ng mga kagrupo namin sa tinuturo naming sayaw.

"One, two, three. Oh, tignan mo, mali ka pa. Nasa unahan ka tapos ganiyan!" sigaw niya sa bata sa harap. Tumungo 'yung bata. Wala na akong nagawa kung 'di ang tumingin sa kanila.

Pumunta ako sa harap at pinakitang muli sa kanila ang tinuro naming step. Gumagaya naman sila sa una pero 'di talaga nila inaayos.

Napapagod na talaga ako.

"Umayos na kasi kayo!" sigaw na naman ni Veronica. Tumatagaktak na ang pawis ko pero mukhang wala pa ring pake ang iba. Huminga ako ng malalim at pinunasan ang pawis ko.

"Pagod na po kasi kami," sabat ng isang bata. Tinignan ko siya at ni isang bakas ng pawis, wala man lang. Biglang naramdaman ko 'yung inis sa sarili ko. Pinilit kong huminga ng malalim pero pumitik na ako.

"Alam n'yo kung napapagod kayo, sana naiisip n'yo na napapagod din kami. Kami 'yung nagtuturo sa inyo. Kami na nga nag-isip ng step, kami na gumawa ng lahat. Makikinig na lang kayo saka susunod. 'Yon na lang ang gagawin ninyo," sambit ko, 'di ko na napigilan.

Nanahimik silang lahat. Ni isa walang umiimik. Nakatingin lang ako sa kanila at niyuko ng iba ang ulo nila. Okay na sana ako, kaso may isang biglang umirap sa akin. Nagulat ako sa inasta niya. 'Yung pagod, 'yung inis, 'di ko na mapaliwanag. Para na akong sasabog.

Bago pa man ako makapagsalita ay nagring na ang school bell, uwian na. Dali-daling umalis 'yung mga kagrupo ko at naiwan kami ni Veronica.

"Shit, nakakainis naman," sambit ni Veronica.

Hindi ko napigilan ang sarili ko, tumakbo ako paakyat sa classroom. 'Pag dating ko ro'n, sarado ang pinto. Kinatok ko 'yun ng malakas at bigla 'yong bumukas. Nakita ko sila Dane, Alex, at Steven na nag-aayos ng sapatos, may training sila.

"Ano'ng problema mo? Para mong sisirain 'yung pinto ah," tanong ni Alex pero 'di ko siya pinansin.

Ayaw kong magsalita ngayon. Sobrang dami ng nararamdaman ko, natatakot ako na baka 'pag nagsalita ako, bigla na lang akong sumabog. Huminga ako ng malalim at nakita ko na sumunod si Veronica.

"Bakit?" tanong ni Alex kay Veronica. Walang sinabi si Veronica at dumiretso sa akin.

"Mav—"

Bago pa niya matapos ang sasabihin niya, niyakap ko siya. Sobrang bigat ng nararamdaman ko. Umiyak ako sa balikat niya. Wala na akong pakialam kung nando'n sila Dane.

Ayaw ko sa lahat 'yung umiiyak ako sa galit. Ayaw ko ng ganito.

"Bakit?" narinig kong tanong na naman ni Alex.

Sana Akin Ka (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon