"Babe, okay ka lang diyan? Dapat yata, inihatid na kita."
Nalukot ang mukha ni Prezzy habang kausap ang fiancé na si Jake sa cellphone. Hindi niya alam kung matutuwa o maiinis sa pangungulit nito.
"Jake, okay nga lang ako. Bumalik ka na sa trabaho mo at huwag mo akong isipin."
"But what about your work? Iiwan mo na lang din basta?"
"Tinapos ko na lahat ng editing last week. 'Yong iba naman, dito ko na lang gagawin. I want to get some fresh air."
"Bakit kasi kailangan mo pang gawin 'to? If you wanted to take a vacation, dapat ay sinabi mo sa'kin nang maaga. I could have booked us a trip to Europe, or wherever you want." Halata sa tinig nito na naiirita ito sa desisyon niya. Hindi kasi ito sanay na hindi ito ang nasusunod sa relasyon nila.
I bet, mapakla niyang naisip.
"Just don't worry too much. Babalik din ako bago magsimula ang party. At nag-promise ka na hahayaan mo muna ako dito. I need this, Jake. Just give me time away from you." There. Sa wakas ay nasabi niya.
Huminga na lang ito nang malalim, hindi na masyadong nagtanong. Kapagkuwan ay, "I will miss you, babe. Hindi na ako makapaghintay na i-announce nila Mama ang engagement natin a week from now. Hindi na ako makapaghintay na maging akin ka." Hindi nito itinago ang malisya sa tinig.
Ngali-ngali niyang sagutin ito ng, Sigurado ka?! habang nakataas ang kilay.
"Nasabihan ko na si Mommy at pumayag siyang pagbigyan ako sa bakasyon na 'to. Isa pa, nakilala mo na si Mari, 'di ba? Sila muna ang bahala sa'kin."
"Okay." Napansin ni Prezzy na hindi na nito tinangkang pigilan siya. At mukhang may kutob na siya kung bakit. "I love you, babe."
Bumuntong hininga siya. "I gotta go. Tumigil na ang bus. Saka na lang tayo ulit mag-usap."
Dagli niyang pinutol ang tawag. Sumisigaw na ang konduktor habang binabanggit ang lugar kung saan huminto ang bus. Kinuha niya ang maleta niya at bumaba.
Hindi pamilyar kay Prezzy ang lugar. Nasa isang bayan siya sa Laguna kung saan may mga ancestral houses at lumang plaza. Dito huminto ang sinakyan niyang bus. Ayon sa napagtanungan niya, isang jeep pa ang sasakyan niya bago siya makarating sa destinasyon niya – sa Siniloan.
Nagpalinga-linga siya. Nagpapabalik-balik ang mga taong nagdadaan na halatang busy din sa kani-kanilang trabaho. Napag-desisyunan niyang pumasok sa isang karinderyang namataan niya nang makaramdam ng gutom. Tatlong oras ang naging biyahe niya pero hindi pa siya nakakakain.
Pagkapasok sa karinderya ay napansin niyang punong-puno iyon ng mga lalaki. Marahil ay mga driver ng mga jeepneys na nakaparada sa labas. Nang pumasok siya ay naglingunan ang mga ito sa kanya. Sandali siyang nag-alinlangan kung tutuloy siya. Pero nang maalala niya ang sinabi ni Mari na kulang daw sa excitement ang buhay niya ay nagkalakas siya ng loob.
Ah, bahala na. Pinasok ko na 'to.
Dumiretso siya sa counter at tumingin ng mga ulam. Pagkatapos magbayad ay humanap siya ng bakanteng mesa malapit sa entrance. Nangalumbaba siya habang inaalala ang pag-uusap nila ni Mari lampas dalawang linggo na ang nakakaraan.
"Pumunta ka muna dito! Kung hindi, ako mismo ang pupunta diyan at gigilitan ko ng leeg 'yang gagong lalaking 'yan."
Napangiwi si Prezzy. Na-i-imagine niya si Mari sa kabilang linya ng telepono at parang gustong mag-amok.
"It's okay. Naiintindihan ko siya, Mari. Lalaki siya. May pangangailangan siya bilang lalaki. Hindi naman ako ignorante."
"Tanga ka!" malutong na sigaw nito. Naitirik ni Prezzy ang mata. "And you're stupid to stick around and continue with the engagement na parang walang nangyari. Na parang hindi mo nakita na ka-sex niya ang sekretarya niya sa office table niya."
Napangiwi siya nang maalala ang dinatnang eksena ilang araw matapos siyang bigyan ni Jake ng engagement ring.
"Three years. Three years kong inalagaan ang relasyon na 'to. Mas tanga ako kung basta-basta ko na lang isusuko ito. Siguro, kailangan ko lang mag-isip-isip ng kaunti." Hindi na niya sinabi na ilang gabi siyang binabagabag ng nakita niya. Pero sa isang banda ay may kasalanan din kasi siya.
"Always the control freak." Kahit hindi nakikita ni Prezzy ay pumapalatak ang kaibigan. "Pero kahit na. Nag-aalala ako sa'yo. Pagbigyan mo na ako, please. Bakasyon ka muna dito."
Pinagbigyan niya ito dahil nangangati rin naman siya sa bakasyon. Isa pa, gusto niya ring maka-bonding si Mari. Simula nang magkanya-kanya na silang buhay pagkatapos ng college ay wala na siyang panahong makasama ang kaibigan, lalo pa at bagong kasal lang ito may ilang buwan na ang nakalipas. Naisip niya na kapag ikinasal na siya kay Jake, baka mas lalong hindi na sila makapag-bond na magkaibigan.
Sa ibang pagkakataon ay hindi siya papayagan ng mommy niya. Simula pa kasi noon ay nasanay ito na bahay at eskwelahan lang ang routine niya. Isang kilalang businessman ang ama niya na maraming kaaway sa negosyo noong nabubuhay pa ito. Pinagbabawalan siya nitong makihalubilo sa ibang tao. Ngayon namang nagtatrabaho siya ay nasanay siyang opisina at bahay ang routine niya.
Nag-iba lang ang direskyon ng buhay niya nang makilala niya si Jake nang minsang um-attend sila ng party ng matalik na kaibigan ng mommy niya na si Mrs. Raquel Fonacier - ang socialite na nanay ni Jake. Nang malaman ng mga ito na single pa siya ay inireto siya ng mga ito kay Jake na kakikilala pa lang niya noong mga panahong iyon. Dahil magkaibigan ang pamilya ay parehong natuwa ang mga ito sa ideya na magkakatuluyan sila.
Nahulog ang loob niya kay Jake. Bakit hindi? Galing ito sa mabuting pamilya at edukado. Tatlong taon niyang kasama ito at wala siyang maiireklamo dito maliban sa mga pasaring nito na mag-sex daw sila noong mga unang taon ng relasyon nila. Palagi nilang pinag-aawayan iyon noon. Hanggang sa sumuko na lang ito at nangako na igagalang daw nito ang desisyon niyang manatiling birhen hanggang sa araw ng kanilang kasal. Call her a prude, pero tumanim na sa isip niya na ibibigay lang niya ang sarili sa araw ng kanilang kasal.
Akala niya ay naiintindihan siya ni Jake. Hanggang sa maabutan nga niya itong may kaniig sa ibabaw ng office table nito ilang araw matapos siyang bigyan ng singsing. Hindi siya umimik at wala siyang pinagsabihan maliban kay Mari. Sa loob-loob niya, kahit nagalit siya sa ginawa nito, alam niyang may sisi din sa kanya. Lalaki si Jake at may mga pangangailangan ito. Pero totoo din na kailangan niyang mag-isip-isip. Bigla ay parang gusto niyang maka-experience ng bago sa monotonous niyang buhay. Sabi nga ni Mari, gawin na daw ang lahat bago siya magpakasal.
Abala siya sa pag-iisip ng gagawin habang nasa probinsya kaya hindi niya kaagad napansin ang matabang mama na lumapit sa mesa niya. Sa likod nito ay ang kumpulan ng mga lalaking mukhang naghihintay ng magaganap na aksyon. Sa hitsura ng mga ito, mukhang iniisip ng mga ito na hindi siya lalaban.
Kaagad na nanalim ang mata niya nang umupo ang lalaki sa harap niya.
"Hi, miss byutipul," wika nito kasabay nang pagngisi. Lumabas ang ngipin nitong naninilaw sanhi marahil ng sigarilyo.
"That seat's occupied," malumanay na sabi niya. Ang aga-aga para makipag-away siya.
Sandaling napatda ang lalaki. Sa likod nito ay nagkantyawan ang mga kasamahan nito.
"Ano, pare? Na-English ka! Sabihin mo na, I lab you!"
Kasabay noon ay nagtawanan ang mga ito.
"Mga 'tado! Kaya ko 'to! Eherm eherm... Miss byutipul, I lab you."
Nagbungisngisan na naman ang mga kasamahan nito. Naitirik niya ang mata sa kisame. God give me patience...
BINABASA MO ANG
Strange and Beautiful
Romance"Nagka-near death experience yata ako nang magising ako na wala ka." Hindi inaasahan ni Prezzy na ilang araw pagkatapos mag-propose sa kanya ng nobyo niya ay mahuhuli niya itong katalik ang sekretarya nito sa loob mismo ng opisina nito. Sinunod niya...