Chapter Two

570 28 0
                                    

"Pare, yosi?"

Umiling si Dojo sa iniaabot ng kaibigang si Chino.

"Abstain, 'tol. Ayaw ni Insan ng amoy ng usok."

"Akalain mo 'yon. Pati pinsan mo ay natalian na. Tumatanda na 'ata tayo, pare. Lahat na lang, nag-aasawa. Ikaw ba, kailan mo balak?"

Natawa siya. "Usapang lasing na 'to, pare, ah." Uminom muna siya ng tubig bago nagpatuloy. "Wala pang prospect, eh. Alam mo naman sa trabaho ko, mahirap nang matali. Walang magtatiyaga sa'kin nang matagal. Nakiki-fling lang."

Ang lakas ng tawa ni Chino sa sinabi niya.

"Si Aling Tapia, single pa rin, ayaw mo? Crush na crush ka no'n, ah. Hindi ka no'n gugutumin," nakalolokong sabi nito. Napangiwi siya. Ang tinutukoy nito ay ang matandang dalagang may-ari ng supermarket sa bayan nila.

"Gago! Baka makasuhan si Aling Tapia ng child abuse kapag pinatulan ako 'non," balik pagbibiro niya. Naiisip pa lang niyang hinahalikan niya ang matandang dalaga na dinaig pa si Bella Flores sa dami ng wrinkles ay kinikilabutan siya.

"Hanggang kailan ka ba dito?" tanong ulit nito.

Nagkibit balikat siya. "Baka hanggang sa isang linggo. Two weeks tops. Hinihintay ko lang na dumating ang bagong kontrata." Ang tinutukoy niya ay ang kontrata bilang kapitan ng barko. Katatapos lang ng huling kontrata niya may isang buwan na ang nakalipas kaya nasa Pilipinas pa siya.

Biglang sumipol si Chino. Nakaharap ito sa entrance ng karinderya na kinakainan nilang dalawa.

"Uh-uh. Three o'clock, 'tol. Long-sleeves at tight jeans. Tumahimik sa mesa nila Bentong, o."

"Tanghaling tapat, lumalandi ang mga kumag," napapailing na sabi niya.

Gayunman ay lumingon siya sa itinuturo ni Chino. Nahugot niya ang paghinga. Oh, Lord... May dahilan naman pala ang pagtahimik nila Bentong sa kabilang mesa.

Hindi niya mapigilang sundan ng tingin ang babaeng dire-diretsong naglakad papunta sa counter. Balot na balot naman ito sa suot na long-sleeves na puti, but she was as sexy as hell. Humuhulma ang magandang katawan nito sa blusa nito sa bawat pagkilos. Katamtaman lang ang taas nito. Marahil ay nasa five three lang. Pero hindi iyon halata sa tight-fitting jeans na suot nito.

Nang bahagya itong dumukwang sa counter ay napatitig siya sa likod nito. Nice ass...

"Tumutulo ang laway mo, Dojo," komento ni Chino sa kanya.

Natawa siya. Labag sa loob na ibinaling niya ang tingin kay Chino.

"Ngayon ko lang siya nakita dito. Turista kaya?"

Nagkibit-balikat ito. Ito man ay hindi maalis ang paningin sa babae.

"O baka isa sa mga dancers diyan sa may bayan. Balita ko, naka-recruit daw ng mga taga-Maynila si Big Boss. Dinadayo nila Bentong 'yon, eh."

Naningkit ang mga mata niya. "Ang bibig mo, sumosobra minsan."

Tiningnan niya ulit ang estranghera na ngayon ay naglalakad na sa isang bakanteng mesa. Kahit sa malayo ay maganda ito sa kabila ng banat na banat na pagkakatali ng buhok. Naalala niya ang painting ni Mona Lisa dito – sobrang misteryosa. Hindi niya 'ata matanggap na isa ito sa mga dancer na sinasabi ni Chino.

"Tinamaan si Mr. Loverboy," pang-aasar ni Chino. Bahagya siyang kinulbit nito. "Mukhang mag-isa naman, lapitan mo na. Natotorpe ka pa."

Tinaasan niya ng kilay si Chino. Napailing-iling siya. "Nah. Hindi naman siya yung tipong mukhang nalalapitan kaagad."

Pero hindi niya mapigilan ang sarili. Napatingin ulit siya dito. Pakiramdam niya ay obvious ang pagkatigagal niya habang nakatingin dito. Daig pa niya ang na-engkanto.

Nanlaki ang mata niya nang tumayo si Bentong at nagsimulang maglakad papunta sa mesa ng babae. Mukhang nasulsulan ito ng mga kasamahan nito. Wala sa loob na napatayo siya. Pero kaagad siyang nahawakan ni Chino sa braso.

"Easy lang, 'tol. Hindi naman siguro gagawa ng kabalastugan 'yang mga 'yan dito."

Hindi pa rin siya mapakali. Narinig niya nang mag-"Hi" si Bentong dito. Nakahanda na siya kung sakaling may mangyaring gulo. Pero ang babae ay bahagya lang na nagbago ang ekspresyon ng mukha habang kausap si Bentong. Hindi naman ito mukhang natatakot. Narinig pa niya nang umangil ito.

"I told you, ayaw ko ng gulo. Kaya pwede ba, pakainin niyo na ako ng tahimik?" Mukhang naaasar na ito.

Wala namang epekto kay Bentong. Nag-e-enjoy pa ata itong tinatarayan.

"Miss byutipul, pangalan mo lang naman ang hinihingi namin. Saka kiss na rin kung iyong mamarapatin."

Hindi tuminag ang babae. Itinaas pa nito ang ulo at naghahamong tiningnan si Bentong.

"I don't want to kiss you, excuse me. May taste ako."

Tumabingi ang ngiti niya. Naghahamon nga ata ang babae ng away. Kahit si Chino ay mukhang naalarma na rin, lalo pa nang maningkit ang mata ni Bentong.

Suicidal ka, hija, sa loob-loob niya.

"Ang sungit mo naman, Miss. Sige na, isang kiss lang." Sa pagkagulat nilang lahat ay hinawakan na nito ang braso ng babae at tinangkang itayo.

"Shit!" bulalas niya.

Kasabay nang panlalaki ng mata ng babae ay ang pagdaluhong niya sa mesa nito. Akmang hihilahin ni Dojo si Bentong palayo sa babae nang sumigaw ito dala marahil ng inis.

"Binalaan na kita. Sinabi ko nang ayaw ko ng gulo!"

Bago pa napaghandaan ni Dojo ang susunod nitong gagawin ay umaklas ang kanang kamay nito. Dahil siya ang pumagitna ay sa kanya nag-landing ang kamao nito. Na-right hook nang wala sa oras ang kanang mata niya. Napangiwi siya sa sakit. Si Mona Lisa ay isang closet Amazona!

Strange and BeautifulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon