Hindi mapuknat ang tawa ni Mari sa kabilang linya. Ikinwento ni Prezzy dito na napagkamalan niyang magnanakaw ang pinsan ni Ned at hinampas niya ng dustpan.
"Aray ko! Sumasakit na ang tiyan ko katatawa," sabi pa ni Mari. Siya naman ay asar na asar na.
"Ano'ng ibig sabihin nito, Mari?" sikmat niya dito
"Sorry. Nakalimutan ko palang sabihin na may kasama ka sa bahay na 'yan."
"Nakalimutan?!" Tumaas na ang tinig niya. "C'mon, Mari. Don't give me that crap."
"Di ba nga, lumipat ako sa bahay ni Ned sa kabilang kanto? Nang alukin kita na tumira muna sa bahay ko ay wala namang tao diyan. Kaya lang ay dumating si Dojo halos dalawang linggo na ang nakakalipas. Iyan ang ibinigay ni Ned dahil wala siyang ibang matutuluyan. Dalawa naman ang kwarto diyan, eh. Malay ko bang nag-camp ka sa kwarto niya."
Nagdududa pa rin ang boses niya. Kapag si Mari ang involved ay asahan na niyang may naiisip na naman itong kapilyahan.
"Ano na namang binabalak mo?"
"Ano bang babalakin ko?" Tumaas na rin ang tinig nito. Alam niyang defensive na ito pero hindi siya bibigyan ng pagkakataong makapag-reklamo. Ito na ang may kasalanan pero ito pa ang may ganang magbintang. "Nakalimutan ko ngang sabihin kaagad sa'yo. Saka malaki naman 'yang bahay. Mas okay na iyan na may kasama ka para hindi ka ma-bore. Mabait 'yang si Dojo."
So, Dojo pala ang pangalan ng exhibitionist...
Naalala niya ang hitsura nito habang nakatayo sa harap niya at tumutulo ang tubig sa hubad na katawan nito. Kaagad ang pag-iinit ng pisngi niya. Forgive me, Father, for I have sinned.
"Saka ano bang pino-problema mo? Kapag nagtangkang gawan ka ng masama, gamitan mo ng self-defense mo," sabi pa nito.
Napangiwi siya. Gusto niyang sabihin na mukhang hindi uubra ang mga nalalaman niya sa self-defense. Matangkad si Dojo at kahit na katamtaman ang laki ng katawan ay alam niyang kayan-kayanan lang siya nito. Kanina nang hampasin niya ito ng dustpan ay nabali lang iyon.
"Kahit na. Hindi ako komportable na may kasamang lalaki dito. Kung alam ko lang, hindi na sana ako pumayag sa suhestiyon mo. O kaya, lilipat na lang ako sa bahay niyo ni Ned sa kabilang kanto." Kanina kasi ay nakita niya na maganda ang lugar. Nabighani na kaagad siya sa bayang iyon kaya nag-desisyon siyang mag-eenjoy siya sa bakasyon. Hindi niya gustong basta-basta na lang umalis.
"Sarado ang bahay namin at walang spare key. Huwag ka ngang gaga, Precious," palatak nito. Ginamit na nito ang totoong pangalan niya kaya naaasar na ito sa kanya. "Lalaki lang 'yan. At engaged ka na. Walang kaso, 'di ba? Pwede ka pang magpasama sa kanya pamamasyal. Isipin mo na lang, kapag mag-asawa na kayo ni Jake ay ganyan din ang set-up niyo. Take it as another adventure you have to finish with flying colors."
Napatingin tuloy siya sa sofa. Nando'n ang lalaki na nakangiwi habang may nakapatong sa ulo na yelong ibinalot sa towel. Nakapagbihis na ito ng lumang T-shirt na tastas ang dalawang manggas, showing perfectly-toned muscles. Nakapantalon na rin ito na tastas sa may tuhod. At home na at home na ito sa bahay na iyon.
Sandali siyang napatda nang matitigan si Dojo. Moreno ito at crew-cut ang gupit. Maiitim din ang mata nito na kapag tumitig ay nakakapanlambot ng tuhod. Kanina kahit nagsasalita lang ito ay lumalabas ang malalim na biloy nito sa pisngi. Tingin niya noon ay abnormality ang dimples. Pero kay Dojo ay nakakadagdag lang iyon sa nakakaakit na bahagi ng mukha nito. Hindi katulad ni Jake na sa sobrang gwapo ay mukhang babae, si Dojo ay lalaking-lalaki ang dating. Huwag nang idagdag pa ang magandang katawan nito na tila nanggaling sa panahon ng mga sundalong Romano.
Drop-dead gorgeous, my gosh.
Naipilig niya ang ulo. Did she really describe another man aside from Jake as gorgeous?
"But you gotta admit, gwapo ang magiging housemate mo pansamantala. Hindi na masama, 'di ba?" untag ni Mari sa kanya.
Napasimangot siya. More than handsome, actually. "Eh, ano naman?"
Natawa ito. "Aba, hindi id-in-eny ng lola!" Tumikhim ito. May halong panunukso na ang tinig nang magsalita. "Friend, pagkakataon mo na 'yan. Gantihan mo si Jake bago kayo ikasal. You can use Dojo..."
"Mari," matamang putol niya sa tumatakbong kahalayan sa utak nito. Aminin man niya o hindi, bahagya siyang pinagpawisan ng malapot. "I'm engaged to be married. I'm here to take a vacation. Kung ano man 'yang binabalak mo ay wala akong pakialam. Basta mag-e-enjoy ako dito dahil sa suggestion mo. End of story."
"Tsk tsk. Nasupalpal na kaagad ang manok ko." Magre-react sana siya ay inunahan na siya nito. "Pakausap nga kay Dojo at nang mabilinan ko."
"Mari!" babala niya.
"Ano na naman? Sasabihin ko lang na siya na muna ang bahala sa'yo hanggang sa makabalik kami diyan. Bilis. Pakausap sa kanya."
Lumapit siya kay Dojo na agad na napatuwid ng upo. Naningkit ang mata nito at umusod pa sa dulo ng sofa palayo sa kanya. Umarko ang kilay niya.
"Hindi kita uupakan. Gusto ka lang makausap ni Mari."
"Mabuti naman." Tila nakahinga ito nang maluwag. Hinablot nito mula sa kanya ang cellphone. Bago ito naglakad palayo ay nilingon pa siya. "Behave ka lang diyan, Miss. Nakakatakot ka kapag nagwawala ka, eh."
"Excuse me?!"
Pero nakatalikod na ito. Siya naman ay humalukipkip habang pinapanood itong maglakad palayo sa kanya. Malapad ang likod nito. Parang naaakit siyang sandalan iyon, malaman lang niya ang pakiramdam ng sumandal sa likod ng gwapong exhibitionist. Jusko, Precious, magtigil-tigil ka.
BINABASA MO ANG
Strange and Beautiful
Romance"Nagka-near death experience yata ako nang magising ako na wala ka." Hindi inaasahan ni Prezzy na ilang araw pagkatapos mag-propose sa kanya ng nobyo niya ay mahuhuli niya itong katalik ang sekretarya nito sa loob mismo ng opisina nito. Sinunod niya...